Malalaman ang katotohanan tungkol sa magiging kapalaran ng CNN Philippines dahil sa magaganap na general assembly o pangkalahatang pagtitipon ng mga empleyado sa darating na Lunes, Enero 29, 2024.
Noong Huwebes, Enero 25, 2024, lumabas ang mga ulat tungkol sa diumano’y plano ng Nine Media Corporation at ng CNN na ihinto na ang kanilang licensing agreement dahil sa malaking problema sa pananalapi na dulot ng malaking gastos at kawalan ng mga advertiser.
Isang source na nakausap ng Cabinet Files ang nagsabing malaki ang posibilidad na ibalik sa dating pangalan na RPN 9 ang CNN Philippines dahil sa mga nakaambang pagbabago.
Ibinalita ng source na, diumano, dalawang negosyanteng pinuno ng malalaking kompanya ang magsasanib-puwersa sa pagbabalik ng RPN 9.
Kamakailan ay inanunsiyo nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon na mapapanood na rin ang kanilang noontime program na Eat Bulaga! sa CNN Philippines, na dati ngang RPN 9.
Nagsimula na noong January 6 ang pagpapalabas ng longest-running noontime show sa CNN Philippines tuwing Sabado.
Maituturing itong “homecoming” ng Eat Bulaga! sa unang tahanan nito sa telebisyon.
Nag-umpisang mapanood ang noontime variety show ng TVJ sa RPN 9 noong July 30, 1979.
Makalipas ang isang dekadang pananatili sa RPN 9 (1979-1989), lumipat ang Eat Bulaga! sa ABS-CBN (1989-1995).
Makaraan ang anim na taon, tumawid ang noontime program sa GMA-7 (1995-2023).
Dalawampu’t walong taong napanood sina Tito, Vic at Joey sa Kapuso Network hanggang magkaroon sila ng problema sa producer ng Eat Bulaga!, ang TAPE Inc., na dahilan para lumipat ang tatlo sa TV5.
Nagtagumpay ang TVJ na mabawi mula sa TAPE Inc. ang titulong Eat Bulaga! na kanilang muling nagamit noong Enero 6, 2024.