Darren Espanto admits dating Kyline Alcantara in the past

Kapamilya star Darren Espanto (right) reveals he dated Kapuso actress Kyline Alcantara (left) in the past: “…naging kami dati. Like a year, I think.”

PHOTO/S: DARREN ESPANTO/KYLINE ALCANTARA INSTAGRAM

Inamin ng Kapamilya singer-actor na si Darren Espanto na naging sila noon ng Kapuso actress na si Kyline Alcantara.

Ginawa ni Darren ang pag-amin nang mag-guest siya sa Fast Talk With Boy Abunda nitong Lunes, April 15, 2024.

Dito ay inusisa siya ng host na si Boy Abunda tungkol sa pagkaka-link niya kamakailan kay Kyline at sa isa pang Kapuso na si Jillian Ward.

Saad ni Boy, “Doon sa pangalawang shini-ship sa yo, I’m talking about Kyline, what is the true story? Sabihin mo sa akin ang totoo. Naging kayo?”

Sagot ni Darren, “Hindi ko po masagot ng yes or no kasi it was, like, parang puppy love kind of thing lang po yon.”

“But there was?” sundot na tanong sa kanya ni Boy.

Mabilis na sagot ng It’s Showtime cohost, “Opo, before we were younger.”

Ito rin daw ang dahilan kung bakit sila tinukso ni Vice Ganda sa It’s Showtime noong nag-guest dito si Kyline.

Pagpapatuloy niya, “Yun nga po na tinutukso kami na, ‘Kasi nga…’

“Kasi nga, naging kami dati. Ayun po kaya kami binibiro ni Ate Vice.”

Pag-uusisa pa ni Boy, “Gaano kayo katagal?”

Tugon ni Darren, “Like a year, I think. Kaya po kami very comfortable [sa isa’t isa].”

Pag-amin pa ni Darren, hindi naging maganda ang paghihiwalay nila noon ni Kyline.

Dumaan daw sila sa proseso hanggang sa magkapatawaran sila at piliing maging muling magkaibigan.

Paglilinaw ni Darren, “[Nagkahiwalay kami] because of some misunderstanding.

“And then, when we both matured, parang six years later, napag-usapan na namin.

“Eventually, we became okay with each other again at naging friends na ulit kami.”

Iginiit ni Darren na walang third party sa breakup nila ni Kyline.

“More on misunderstandings talaga. Kasi siyempre mga bata, parang konting petty na away,” sabi niya.

Bago pa man ang pag-amin ni Darren ay kilala na silang malapit na magkaibigan ni Kyline.

Parehong naugnay sina Darren at Kyline sa kambal na sina Cassy Legaspi at Mavy Legaspi.

Si Kyline ay naging nobyo si Mavy, habang si Darren naman ay sinabing matalik na magkaibigan lang sila ni Cassy.

Samantala, sa panayam ni Mavy sa 24 Oras noong April 12, sinabi niyang wala siyang nakikitang problema sa muling pagkaka-link ni Darren kay Kyline.

Ani Mavy, “I have no problem kasi Darren and I are very close friends.

“Again, what you see on TV is what you get. Pero behind closed doors, nagme-message message kami ni Darren, so we’re very good.”

Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na pahayag o reaksiyon ang kampo ni Kyline tungkol sa naging pag-amin ni Darren.