Deniece Cornejo victim of “trial by publicity,” claims dad

Naniniwala ang ama ni Deniece Cornejo na si Paul “Dennis” Cornejo na biktima ng “trial by publicity” ang kanyang anak.

Nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo si Deniece dahil napatunayan ng Taguig Regional Trial Court Branch 153 na may sala sa kasong serious illegal detention for ransom na isinampa ng komedyante at TV host na si Vhong Navarro.

Kasamang nahatulan ni Deniece ang mga kapwa niya akusadong sina Cedric Lee, Simeon Raz, at Ferdinand Guerrero.

“Trial by publicity ang nangyari sa amin, e. Kami, mga simpleng tao lang kaya durog na durog kami talaga.

“Pero kami naman, nirerespeto namin kung ano ang magiging desisyon [ng korte],” pahayag ni Dennis sa eksklusibong panayam sa kanya ng Philippine Entertainment Portal  noong Lunes, Mayo 12, 2024.

Patuloy niya: “It was very, very painful na ganoon ang magiging result. Masyadong masakit sa part namin.

“At kaya tumagal ng ten years yan, siyempre nagkaroon ng COVID, so na-extend nang na-extend.

“Deniece texted me na there will be a promulgation on May 2 so I told her, ‘Good luck and keep her faith. Whatever happens, let’s accept it.’

“Ang wala sa isip ko, yung serious illegal detention for ransom.

“Kasi noong 2014, serious illegal detention lang ang pinaglabanan. Ngayon, nadagdagan ng ransom.

“From the day it happened, talagang dala-dala ko ang burden. Dala-dala ko yan— yung galit, yung lungkot, and everything.

“Pero ang nagpapalakas sa akin, yung faith ko sa Diyos.”

deniece cornejo father

Mom Pauleen Luna on what worries her about daughter Tali’s future

DENNIS CUSTODIO ON DAUGHTER DENIECE

Nagbitaw ng mga salita si Dennis para sa mga taong patuloy na hinuhusgahan ang kanyang panganay at nag-iisang anak na babae.

Maaaring naging matigas daw ang ulo ni Deniece, pero hindi umano ito kriminal.

Pahayag ng ama ni Deniece: “Sino pa ba ang makakakilala sa mga anak kundi ang kanilang mga magulang?

“Ang anak ko, hindi gagawa ng mga ganyang bagay.

“Oo, naging matigas ang ulo niya. Ganoon naman talaga ang mga bata kasi, Deniece, she wants to be independent.

“Pero hindi siya kriminal! Naging ganoon lang ang tema dahil nakatapat kami ng kilalang tao.

“My daughter is just a simple person. Wala siyang nakaaway na tao.

“But she’s really a strong woman. Nakita naman na nung dinadala na siya sa kulungan, hindi siya nakayuko, kasi she’s telling the truth.”

Mayo 2, 2024 nang hatulan si Deniece ng habambuhay na pagkakakulong.

Pero hindi nawawalan ng pag-asa ang kanyang ama na darating ang araw na makalalaya siya.

Sabi ni Dennis, “Talagang nalungkot kami. Hindi ako makapaniwala.

“Hanggang ngayon, I thought I was dreaming kasi 40 years yon.

“Ang magagawa ko lang is to keep on praying because I know prayers can move mountains.

“So, hopefully, may chance pa rin kami sa Supreme Court.”

DENIECE CORNEJO’S GRANDMOTHER

Sa pre-trial ng serious illegal detention at grave coercion case na isinampa ni Vhong noong Mayo 6, 2014, umagaw ng pansin ang lola ni Deniece na si Florencia Cornejo si Vhong nang magkita sila sa korte.

“Ako si Lola Florencia! Masakit ang loob ko. Wala kang puso! Wala kang puso!” nanunumbat na sigaw ni Florencia kay Vhong na nakunan ng video ng mga news organization.

florencia cornejo

Florencia Cornejo

Si Florencia ang ina ni Dennis Cornejo.

“Mother ko siya,” sabi ng ama ni Deniece.

“Ang mother ko, siyempre lola siya, talagang lumalaban yan.

“Nung sinigawan niya si Vhong sa korte, talagang inilabas niya yung sama ng kanyang loob. Pero wala siyang sinabing masama.

“Sinabi lang niya na, ‘Masama ang loob ko!’

“At least, inilabas niya yung nararamdaman niya, kasi nga masyado na kaming down na down.

“Gabi-gabi, sinasabi ng mother ko, hindi siya nakakatulog. Pero siyempre lahat ipinapagpapasa-Diyos na lang namin.

“Last week, nagsimba kami. Kinausap nga niya ang mga pastor at ipinaliwanag niya ang nangyari kay Deniece.”

Kasama ni Dennis ang ina na naninirahan sa Amerika ngayon.