Dennis Padilla on Gerald Anderson: “Nakikita ko mahal niya ang anak ko.”

Hiningan ng reaksiyon si Dennis Padilla tungkol sa matibay na relasyon ng magkasintahang sina Julia Barretto at Gerald Anderson.

Si Julia ay anak ni Dennis sa ex-wife niyang si Marjorie Barretto.

Noong March 2023, idineklara ni Gerald na nakikita na niya kay Julia ang babaeng gusto nitong pakasalan pagdating ng tamang panahon.

Kasabay nito, may kumalat na usap-usapan sa social media na baka lihim nang kasal ang dalawa at hindi lang nila ipinapaalam ang totoong estado ng kanilang relasyon sa publiko.

Pero pinabulaanan nina Julia at Gerald ang balitang iyon.

Dennis Padilla

Sabi pa ni Julia sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong September 2023, hindi sila nagmamadali ni Gerald pagdating sa pagpapakasal.

Sang-ayon naman si Dennis dito.

“Huwag na muna, okay yung mag-boyfriend muna,” sabi ng aktor.

Nakapanayam si Dennis sa presscon ng pelikulang Magic Hurts, na ginanap sa Luxent Hotel sa Quezon City, noong February 24, 2024.

Patuloy ni Dennis: “Saka sa mga women naman ngayon, hindi naman nag-aasawa agad.

“Nung araw, nung panahon namin, pag 25 years old at wala ka pang asawa, ‘Ang tanda mo na, wala ka pang asawa.’

“Ngayon iba. Thirty, 31…”

Ready na ba siya magkaapo kung sakali?

Sagot ni Dennis, “Gusto ko. Tagal ko nang naghihintay.

“Ang dami kong anak na puwede nang mag-anak, ayaw pa nila.”

Sa kaso ng anak niyang si Julia, dagdag ni Dennis, “Kay Julia, okay. Hindi ko sinabing huwag mag-anak, huwag muna magpakasal.”

Desisyon daw ng couple kung paano patatakbuhin ang relasyon ng mga ito.

Sa kabilang banda, maraming napapabalitang celebrity couples ang naghihiwalay nitong unang pasok ng 2024.

Natanong si Dennis kung nakaramdam siya ng takot kung sa huli ay hindi magkatuluyan sina Julia at Gerald.

Puna kasi ng ibang netizens, baka raw ma-ghost si Julia ni Gerald gaya ng ibinibintang na ginawa umano noon ng Kapamilya actor sa ex-girlfriend na si Bea Alonzo.

“No, hindi mo naman kasi puwede yung i-generalize,” pagtatanggol naman ni Dennis kay Gerald.

Sabi pa ni Dennis, “Di porke’t nagawa mo nung una, magagawa mo ng pangalawa, hindi naman.

“Ano yan, e, case-to-case basis. Hindi siya pattern.”

Gerald Anderson says Julia Barretto will be his last | PEP.ph

Naniniwala si Dennis na seryoso si Gerald sa kanyang anak na si Julia.

“After all these years, napatunayan niya na mahal niya ang anak ko, e.

“Nakikita ko mahal niya ang anak ko, kaya okay sa akin yun,” saad ni Dennis.

THE JULIA-GERALD-BEA CONNECTION

July 2019 nang maghiwalay sina Gerald at Bea.

Nadawit sa isyu si Julia dahil noong panahong iyon ay nauugnay ito kay Gerald.

Sa ulat ng PEP.ph noong July 23, 2019, isang source ang nagpaabot sa Cabinet Files ng impormasyong kinausap ni Dennis si Gerald sa telepono dahil sa tindi ng batikos na inabot ni Julia noon.

Ayon sa source, nilinaw ni Gerald kay Dennis na hiwalay na sila ni Bea at saka kinumpirma ni Gerald na nanliligaw ito kay Julia.

July 26, 2019 nang ihayag ni Bea sa ABS-CBN News na wala silang formal breakup ni Gerald at bigla na lang daw siya nitong hindi kinausap.

Nag-trend ang isyu nang tawaging “ghosting” umano ang ginawa ni Gerald kay Bea.

Noong March 2021—o 18 months matapos ang controversial breakup nina Gerald at Bea—nanindigan si Gerald na hindi niya ghinost si Bea.

Ilang buwan na raw na “on the rocks” ang relasyon nila noon at makailang-beses na raw nilang pinag-usapan ang kanilang problema.

DENNIS ON MISSED OPPORTUNITIES TO TALK TO GERALD

Balik sa present interview ni Dennis, aminado ang beteranong comedian na minsan lang niya nakausap si Gerald.

Aniya, “Hindi pa, the last time na nakausap ko siya, sa telepono pa.”

Ang huling nakakita raw kay Gerald sa personal ay ang kaibigan ni Dennis na si Andrew E.

“One time nakasama ni Gerald si Andrew. Sabi ni Andrew sa kanya, ‘Ge, you should talk to your Tito Dennis.’

“Sabi niya, ‘Yes, I will find a way to talk to Tito Dennis.’

“Hindi nangyari.”

May isa pa raw okasyon na ang kapatid naman ni Dennis na si Gene Padilla ang nakakita kay Gerald.

“Tapos we went to GenSan para sa celebrity basketball, that was 2021.

“Yung brother ko kasi, si Gene Padilla, nagkita sila sa court. After the celebrity game, it was the game of GenSan for MPBL, naglalaro yata si Gerald for that team.

“Yung brother ko bumalik sa court. Nung nakita ni Gerald yung brother ko, tumakbo si Gerald across the court para batiin yung brother ko.

Gerald Anderson finds 'peace of mind' after revealing relationship with Julia Barretto - Latest Chika

“‘Tito Gene, ganito, ganyan,’ sabi ni Gerald. Sabi ni Gene, ‘Nandun sa hotel yung Tito Dennis mo. After ng game mo pag wala kang gagawin, try to go there para magkausap kayo.’

“Nung time na yun, hindi siya pumunta.”

Sabay naalala ni Dennis ang ex-boyfriend ni Julia na si Joshua Garcia.

Ani Dennis, “Joshua Garcia did that to me. He talked to me.”

DENNIS ON WORKING WITH CLAUDINE BARRETTO

Samantala, ipinagmamalaki ni Dennis ang pelikulang Magic Hurts, na iprinodyus ng Rems Film Production.

Pinagbibidahan ito ng Star Magic artists na sina Mutya Orquia at Beaver Magtalas. Ang direktor ay si Gabby Ramos.

Sa pelikula, konektado ang karakter ni Dennis sa karakter ni Mutya. Si Claudine Barretto naman ang gumaganap na ina ni Mutya sa pelikula.

Lahad ni Dennis, “Nung kinuwento pa lang sa akin ni Gabby yung magiging story, siyempre excited ako.

“Number one, excited ako kasi maganda yung role ko. Number two, excited ako kasi first time kong makakatrabaho sa pelikula si Claudine.

“Bago ko ginawa yung movie nagkita kami ni Claudine. Nag-ninong ako sa binyag ng kanyang anak.

“After ng ilang araw, sabi sa akin ni Claudine. ‘Kuya, may tatawag sa iyo dahil sa movie. Palagay ko bagay sa iyo yung role na io-offer sa iyo.'”

Sumunod na nalaman ni Dennis na gay ang role niya sa Magic Hurts.

“Tumawag sa akin si Gabby, kinuwento niya sa akin yung role, sabi ko ang tagal ko nang di gumagawa ng gay role.

“The last time na nag-gay role ako siguro twenty years ago, kasi mga Andrew E. movies pa.

“In-explain sa akin yung role na gagawin ko, hindi siya gay na loud. Yung damit lang yung loud.

“Mayaman ako kasi ako yung may-ari nung flower farm.

“Maganda yung character ko, kasi sa sa akin lalaki yung character ni Mutya, sa akin siya magdadalaga.

“Itong movie na ito, 50 percent comedy, 50 percent drama.”