Inamin ni Dennis Padilla na nauwi sa hiwalayan ang relasyon nila ng Filipino-Australian live-in partner niyang si Linda Gorton.
Mahigit sampung taon silang nagsama at binayayaan sila ng dalawang anak—sina Gavin, 11, at Maddie, 6.
Inakala ng marami na si Linda na ang huling babae sa buhay ni Dennis, kahit pa 22 years ang age gap nila.
“I got separated nung 2020, so my ex-wife brought my children sa Sydney,” pag-amin ni Dennis sa presscon ng pelikulang Magic Hurts, na ginanap sa Luxent Hotel, noong February 24, 2024.
Interestingly, December 2020 noong nagkuwento siya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) via an exclusive interview tungkol sa 12-year relationship nila at that time.
Ang kuwento niya noon:
“Sabi ko, ‘Number one, I have a stable job in the Philippines. Number two, I’ll be earning more.’
“Kasi kung regular jobs sa Australia, puwede na rin pero di siya ganun kalaki. So, nag-decide na rin siya to join me here.”
Pero mukhang ang paglipad ni Linda sa Australia that time ay tuluyang nauwi sa hiwalayan.
CO-PARENTING SET-UP OF DENNIS WITH LINDA
Tiniyak naman ni Dennis na okay sila.
“Yes, maayos naman, maganda naman yung co-parenting arrangement namin, and regular ko naman silang nakakausap ng video call.
“For the past three and a half years dun na sila nakatira, so medyo madugo ang labanan, child support. Mahal ang dolyar, e.
“Child support tayo, Australian dollars din.
“Awa ng Diyos, I am able to support and I am able to send their monthly child support,” saad niya.
Ayon kay Dennis, parte iyon ng commitment niya sa mga anak para makalipad siya sa Australia at madalaw sila.
Ayon kay Dennis, nagkamabutihan sila noong siya ay 46 years old at si Linda naman ay 23 years old.
Taong 2009 nung kumbinsihin niyang sa Pilipinas na manirahan si Linda.
Sa pagpapatuloy ng VIVA star, “Kailangan ko silang i-support nang tuluy-tuloy at consistent dahil nag-a-apply ako ng Australian visa para madalaw ko sila.
“E, pag bad shot ka sa embassy, di ka mabibigyan ng visa.”
REGULAR COMMUNICATION WITH KIDS IN AUSTRALIA
Kahit nasa Sydney sina Gavin at Maddie, regular daw ang komunikasyon niya sa mga ito.
“Kung sino pa nga ang nasa abroad, parang mas madalas ko pa silang nakakausap.
“Although hindi ko sila mahawakan, hindi ko sila mayakap,” makahulugang pahayag ni Dennis.
Medyo kabaligtaran kasi ang sitwasyon sa mga anak niya kay Marjorie Barretto.
Pero mukhang magkakaroon ng magandang pagbabago matapos niyang makatanggap ng birthday message mula sa panganay nilang si Julia Barretto.
ON DAUGHTER JULIA & OTHER KIDS
Sa 62nd birthday ni Dennis noong Pebrero 9, masayang-masaya at “naluha” ang komedyante dahil matapos ang halos tatlong taon, tila magiging bukas ulit ang kanilang communication lines.
“I hope itong mga darating na months, dahil nagsimula na nga nung birthday ko, nung na-receive ko yung text ni Julia.
“Nung una nga, hindi ko alam. Sabi ko nga, ‘Number niya pa pala ito.’”
Nasundan na ba ang pag-uusap nila?
“Hindi pa, but I hope na tuluy-tuloy na ang communication namin.
“I’m thankful na nabati niya ako nung birthday ko, and I hope na mabati na niya ako ng iba pang special occasions.”
Nandun din ang dasal ni Dennis na sana ay sumunod magbukas ng komunikasyon sa kanya ang iba pang mga anak na sina Claudia at Leon.
Matatandaang sa interview ng PEP.ph kay Leon noong November 2022, nagsabi itong mangyayari ang pagbabati sa tamang panahon.
Ang sabi niya noon, “Of course, in God’s perfect timing. I’m for peace naman, I really trust in God’s timing talaga. I keep emphasizing that kasi importante talaga yun. Time lang talaga.
“For me naman, I also miss my Dad but time heals all wounds. At the end of the day, ang importante lang talaga, when we reunite peacefully na. God’s perfect timing but I’m really open to reconciliation and peace with my father.”
Hopeful din si Dennis, “Oo, sana sumunod. I am sure naman na nalaman na ng mga bata, siguro nalaman din nila Claudia, ni Leon, na Ate [Julia] texted Papa.
“Honestly, si Leon ang huli kong nakausap, e. Saka lalaki yun. Talagang nami-miss ko siya.”
Aminado din si Dennis na marami siyang natutunan sa mga nangyari sa relasyon niya sa mga anak nila ni Marjorie na ina-apply niya ngayon sa mga anak nila ni Linda.
“Kumbaga, yung mga dati mong nagawang mga pagkakamali o pagkukulang, sana mabawi mo this time.
“Awa ng Diyos, tuluy-tuloy ang trabaho, so tuluy-tuloy din yung support.”
Dating nabanggit ni Dennis sa panayam niya sa PEP.ph na nagkulang siya bilang provider sa pamilya nila noon ni Marjorie.