Para sa mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera, hindi ang balitang umabot na sa PHP1 billlion ang kinita ng pelikulang Rewind ang tumatak sa kanila sa paggawa ng pelikulang Rewind.
Itinuturing daw nilang pinakamagandang regalo na natanggap nila ang magagandang reviews na nakuha nila nang gawin nila ang pelikula.
“Wala pa namang official,” paglilinaw muna ni Dingdong sa sinasabing kumita na ng PHP1B ang Rewind.
“Pero more than the figures, yung feedback talaga ng tao…
“Yung parati nating nakukuhang mensahe ng tao, hanggang ngayon yung mga nakakapanood sa Netflix, ‘Uy, napanood ko ito, na-touch kami dito sa eksenang ito, nabago ang buhay namin dahil sa pelikulang ito.’
“Yun talaga para sa amin ang priceless, panimulang pahayag ni Dingdong sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Patuloy ni Marian, “Pinapakita nila sa amin yung picture habang umiiyak sila habang pinapanood yung pelikula.
“Sabi namin, siguro ito yung pinaka-priceless para sa amin, alam mo yun, nakakataba ng puso na nakagawa kami ng isang pelikula na nakaantig sa puso ng mga manonood.”
Ito ang inihayag nila nang tanghalin silang Box Office Phenomenal Stars of Philippine Cinema sa 52nd Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation Box Office Entertainment Awards.
Ginanap ang event sa Henry Lee Irwin Theater ng Ateneo de Manila University noong May 12, 2024.
Sila Dingdong at Marian ang nakakuha ng pinakamataas na parangal bilang Box Office Phenomenal Stars of Philippine Cinema.
Kasabay nito, ang paghirang sa Rewind na Philippine’s highest grossing film of all time.
Dingdong Dantes and Marian Rivera speech at Box Office Entertainment Awards
Labis ang pasasalamat ng mag-asawa sa tsansa na pinagkatiwala sa kanila na pagbidahan ang pelikulang iprinodyus ng Star Cinema, APT Entertainment, at AgostoDos Pictures
“Siyempre unang-una Happy Mother’s day sa aking lovely wife,” bati ni Dingdong kay Marian.
Patuloy ng Kapuso actor, “Napakahalaga sa akin ng recognition na ito. Akala namin di na kami puwedeng magsama bilang mag-loveteam.
“Nabigyan pa kami ng isang pagkakataon. We’re very grateful na nabigyan kami ng opportunity to do a beautiful story.
“Thank you, thank you, we appreciate everything, yung suporta ng mga manonood at higit sa lahat yung recognition.”
Dagdag ni Marian, “On the way, sabi nga namin, sobrang grateful namin na nabigyan kami ng pagkakataon na magsama uli tapos sa pelikula pa.
“Walang hanggang pasasalamat sa lahat ng mga sumuporta talaga at naniwala sa pelikulang Rewind.”
Ang pelikulang You To Me Are Everything (2010) at Kapuso primetime series na My Beloved (2012) ang huli nilang mga proyekto bago sila nagbalik-tambalan.
FAMILY GET-TOGETHER
Kasabay ng Box Office Entertainment Awards 2024 ay ang selebrasyon din ng Mother’s day nung Linggo, May 12.
Tinanong namin ang mag-asawa kung paano nila sinelebra ang espesyal na araw na ito ng mga ina.
“Kanina lahat kami sa Cavite, Dantes family nag-lunch kami together sa bahay,” masayang pagkukuwento ni Marian.
“Kanina nga pinag-uusapan namin ito. Sana nga hanggang mamaya pa, kaya lang kailangan naming mag-ready, may pupuntahan kaming Guillermo.
“Super excited nila, full support sila sa amin. Nakakatuwa, magmula noong simula ng pelikula, full support sila sa amin.”
Dagdag ni Dingdong, “Isang malaking bagay ang aming family support kaya siguro nagawa namin ito.”
Dahil sa malaking tagumpay ng Rewind, excited at bukas si Dong na makagawa sila uli ng panibagong proyekto ng asawa.
“Hay naku! Sobrang love kong katrabaho ang aking misis,” nakangiting sagot sa amin ni Dingdong.
“Na-miss ko siya for so many years.
“And after this, siyempre looking forward ako sa susunod na pagkakataon na makatrabaho ko siya, pelikula o ano pa man.”
FRIENDSHIP WITH BEN&BEN
Samantala, kumasa si Marian sa dance challenge ng bandang Ben&Ben sa kanta nilang “Could Be Something,” at sa huli ay hinamon naman ng Kapuso actress na isayaw din ito ng grupo.
Natatawang kuwento sa amin ni Marian, “Dapat, pero sabi nga nila sa akin nag-uusap sila kung sino ang step one, step two, step three.
“Di nila kayang buuin ng isang buo. Sabi ko, ‘Kaya niyo yan. Binigay niyo sa akin, puwes binabalik ko sa inyo.'”
Masaya ang mag-asawa sa pagkakaibigan na nabuo sa kanila ng Ben&Ben na nagsimula sa pelikulang Rewind.
Ang banda ang kumanta ng theme song ng pelikula, ang “Sa Susunod Na Habang Buhay.”
Pahayag ni Marian: “Araw-araw nasa bahay sila, nagdyi-gym sila araw-araw.
“Nakakatuwa yung naging samahan namin beyond Rewind, nagkasundo kami sa napakaraming bagay.”
“Happy kami na naging magkaibigan kami dahil sa pelikulang ito,” segunda naman ni Dingdong.
DINGDONG’S MOVIE WITH CHARO SANTOS
Kinumusta din namin kay Dingdong ang pelikula na ginagawa nila sa ngayon ni Ms. Charo Santos-Concio.
“Yes, in the works so ginagawa na. Super, super excited.
“Isang karangalan para sa akin na makasama si Ms. Charo Santos,” patapos na pahayag sa amin ng Kapuso actor.