Direk Mac Alejandre, binalikan ang pagsisimula nina Alden Richards at Diana Zubiri

May makabuluhang kuwento ang award-winning director na si McArthur “Mac” Alejandre tungkol kina Alden Richards at Diana Zubiri.

Si Direk Mac ang unang nakakita sa potensiyal ni Alden bilang artista.

Malaki ang kanyang kinalaman sa pag-uumpisa ng acting career ng Kapuso actor na binigyan niya ng oportunidad sa Alakdana, ang afternoon fantasy drama series na napanood sa GMA-7 mula Enero 24, 2011 hanggang Mayo 13, 2011.

Lahad ni Direk Mac, “I was doing a soap called Alakdana. Louise delos Reyes at saka Paulo Avelino. Yun ang huling soap project ni Paulo bago siya lumipat sa ABS-CBN.

“Kailangan ng third wheel so napag-usapan na yung third wheel, baguhan.

“Nagkaroon ng auditions mula umaga hanggang 4:30 p.m., walang sterling. Nagre-review na ako, wala akong makuha. ‘Ito workable na ito, okay na ito.’

“Quarter to 5 p.m., dumating yung PA [production assistant]. Parang ten minutes na akong walang ginagawa, wala nang nag-audition.

“Sabi niya, ‘Direk, may humahabol. Puwede pa ba?’

“Sabi ko,’ Anong oras na ba?’

“‘Quarter to five.’

“E, wala pang five p.m. ‘Puwede pa.’

“‘Kawawa naman yan kasi galing sa Sta. Rosa, Laguna.’

“‘Okay, sige. Papasukin mo.’

“Tumayo [si Alden]. Tiningnan ko sa kamera. ‘Uy, guwapo.’ Pinaarte ko, same piece. Marunong.

“Habang nagpapa-VTR greet ako sa kanya, tinitingnan ko siya sa kamera. Ang amo ng mukha.

“Para siyang anak na gustong yakapin ng lahat ng nanay. Para siyang lalake na gusto mong maging boyfriend ng anak mong babae.

“Nakalimutan ko yung fallback recommendation ko. So, tumawag ako, ‘Ito na. Siya na yung third wheel.’”

paulo louise alden

Pagpapatuloy ni Direk Mac, “Tapos nag-taping na kami. Mabait na bata, mabait na mabait na bata.

“Ikinukuwento niya sa akin na, ‘Alam mo, Direk, last na last ko na talaga yon. Nag-audition ako sa soap na ‘to kasi nga hindi ako natanggap sa StarStruck.’

“Tapos lagi siyang nag-a-audition, hindi siya nakukuha, tapos ang layo pa ng bahay niya, sa Sta. Rosa, Laguna.

“Sabi ni Alden, ‘Malaking pasalamat ko na pinili mo ako.’

“Hanggang ngayon, mabait siya. Actually, sa mga interview sa kanya, binabanggit niya. Hindi naman niya kailangan banggitin, di ba?

“He worked hard. Naging daan lang ako. Wala akong na-contribute kundi makita kung ano ang meron siya.

“At siguro yung unang soap niya, matulungan siya nang konti. But the rest, he did on his own.”

Masaya si Direk Mac para sa mga magagandang nangyayari ngayon sa acting career ni Alden.

DIANA ZUBIRI

Nagkasama sina Direk Mac at Diana Zubiri sa mga pelikula ng Seiko Films, ang Liberated noong 2003 at Liberated 2 noong 2004.

Ayon kay Direk Mac, siya mismo ang humiling kay Seiko Films producer Robbie Tan na makatrabaho si Diana.

liberated poster

“Maraming mga artista, nagsimulang sexy star pero magagaling, hinahangaan ko at naging mga kaibigan ko—si Jaclyn Jose, Rosanna Roces.

“Si Diana Zubiri, ang galing-galing, so underrated.

“I remember Diana, na-in love ako sa kanya. Na-attract ako sa kanya.”

Lahad pa ng direktor, “Nanggaling ako sa bakasyon ko sa States, nag-attend ako ng Star Awards sa UP Theatre.

“Nasa likod ako, may babae sa harap. Sabi ko, ‘Sino yung babaeng yon? Ang ganda-ganda.’

“Sabi, ‘Si Diana Zubiri.’ ‘Sino siya? Hindi ko siya kilala.’

“So, nung inalok ako ni Robbie Tan na gumawa ng pelikula sa Seiko, hiningi ko, gusto kong makatrabaho si Diana Zubiri. Ang husay!

“Nakalimutan na yung mga ginawa nila dati [na pagpapaseksi] kasi may opportunity na bagong trabaho para matakpan o makalimutan ‘yon.

“It doesn’t mean na hindi maganda yung ginawa nila dati. Hindi! Para lang matakpan yung perception.”

Naniniwala si Direk Mac malayo rin ang mararating ng mga sexy star na sina Angeli Khang at Azi Acosta na magagaling ding aktres kaya palagi niyang isinasama sa mga pelikulang kanyang ginagawa para sa Vivamax.

Incidentally, matapos manalong best director sa Wallachia International Film Festival ng Romania noong Setyembre 2023 para sa Selina’s Gold, ibinalita ni Direk Mac na official selection sa Salto Independent Film Festival (Festival De Cine Independente De Salto) sa Uruguay ang nabanggit na pelikulang pinagbibidahan nina Angeli, Jay Manalo, at Gold Aceron.