Direk Sigrid Bernardo, pangarap madirek sina Nadine Lustre at Kathryn Bernardo sa isang lesbian movie

Kung gagawan ni Direk Sigrid Bernardo ng movie sina Kathryn Bernardo at Nadine Lustre, anong klase kaya ito? May konsepto na ba siya?

Direk Sigrid Andrea Bernardo

“A lesbian movie,” sabi ni Direk Sigrid sa mediacon ng Puregold CinePanalo Film Festival noong Enero 22, Lunes, sa Art Son Events Place, Roces Ave., Quezon City.

“Puwedeng ano, T-bird at Ako. I would love to direct them in a lesbian movie, a mature lesbian movie.

“Nahuhusayan ako dun sa dalawa. And alam mo iyon, ang tagal ko nang hindi gumagawa ng lesbian movie, di ba?”

Si Direk Sigrid ang nagdirek ng coming-of-age movie na Ang Huling Cha-cha ni Anita (2013) nina Therese Malvar at Angel Aquino, at ng Vivamax series na Lulu (2022) nina Rhen Escaño at Rita Martinez.

Pahayag pa ni Direk Sigrid, “I really want to do a film na mature naman, yung nasa right age sila. About relationships, about the struggles of being in a relationship.”

Sa T-bird at Ako (1982) na idinirek ni Danny Zialcita, straight na babae ang karakter ni Vilma Santos, samantalang ang karakter ni Nora Aunor na titibu-tibo ay nagpaka-girl sa ending.

Pag sinabi ba niyang lesbian movie, iyong dalawang female character ay parehong lesbian? O lesbian ang isa and the other is straight? Or bisexual, pansexual, and what have you?

“Siyempre may mga ganun naman. But ako, I would like to make… kung silang dalawa [Kathryn at Nadine]… siyempre, tinatanong nila ako ng dreams ba,” saad ni Direk Sigrid.

“Siyempre gusto ko, lesbian talaga. Dalawa sila. Hindi na siya coming out. About relationship na.”

Matatanggap kaya ng mga manonood sina Kathryn at Nadine sa ganoong klaseng pelikula?

“It’s about time tanggapin na nila yung ganito… I think this is the right timing, feeling ko, na gumawa,” sambit ni Direk Sigrid.

“Because at that time nung nag-Huling Cha-cha ako, nag-i-start pa lang nun, e. Ngayon parang feeling ko… may GL series, may BL series, so…”

Iconic para kay Direk Sigrid ang T-bird at Ako. If ever matuloy ang lesbian movie na inaasam niyang gawin, meron na ba siyang naiisip na title?

Napangiti si Direk Sigrid, “Two Birds.”

NOEL FERRER:

Pushcart Tales ang title ng entry ni Direk Sigrid Bernardo sa inaugural Puregold CinePanalo Film Festival na gaganapin sa Marso 15-17 sa Gateway cinemas sa Cubao, Quezon City.

Personal choice ni Direk Sigrid ang mga artista sa Pushcart Tales na sina Therese Malvar, Nonie Buencamino, Shamaine Centenera-Buencamino, Elora Españo, Harvey Bautista, at Carlos Siguion-Reyna.

Aniya, “I’m very, very happy because siyempre, bihira lang naman na makagawa ka ng pelikula na choice mo yung cast.”

Nakatrabaho ni Direk Sigrid si Therese sa Ang Huling Cha-cha ni Anita, at si Shamaine sa Lorna (2014).

“I’m very grateful na nakukuha ko pa rin sila!” bulalas ni Direk Sigrid.

Ang lima pang full-length film finalists ng Puregold CinePanalo ay A Lab Story ni Carlo Obispo, Road to Happy ni Joel Ferrer, Boys at the Back ni Raynier Brizuela, Under the Piaya Moon ni Kurt Soberano, at One Day League: Dead Mother, Dead All ni Eugene Torres.

Walang pressure na kailangang maging box office hits ang mga pelikula sa filmfest.

“Yun yung maganda. Because… I mean, there’s nothing wrong with you know, with blockbuster,” sabi ni Direk Sigrid.

“And ako, I would love every film naman na kumita, di ba? I mean not only me, and with my fellow filmmakers.

“But yung pressure lang ba, of course, sa aming mga directors, ‘Ano ba yung kikita? Ano ang gagawin?’ Nalilimitahan kasi yung creativity, e.

“With this kasi, wala. So yun yung sobrang nagulat ako actually, to be honest. Kasi Puregold, you know, grocery.

“And I thought na may labels, you know, and may pressure na maging blockbuster. Wala, e. So I was able talaga to experiment.”

GORGY RULA:

Pa-sweet ang Lulu series ni Direk Sigrid sa Vivamax. Mas mapangahas na ang mga babae sa Vivamax nowadays.

Kaswal-kaswalan na lang kaninang pa-boobey, maging ang mga ‘Kain Tayo’ scenes.

Bet ba niyang gumawa ng erotic film sa Vivamax?

“Actually, nag-pitch ako. Hindi lang nagkaayos but I’m really hoping na makagawa ako ng Vivamax!” bulalas ni Direk Sigrid.

May artista na ba siya sa pinitch niya na hindi naaprubahan?

“Meron ako, e, nung nag-pitch ako. I don’t know what happened.”

Pinakaseksi so far sa mga pelikula niya ang Untrue nina Xian Lim at Cristine Reyes. Pero hindi iyon maituturing na sexy movie kahit merong sexy scene.

Kaya ba niyang gumawa ng pelikula na may prosthetic penis, at hindi bababa sa anim ang eksena ng harutan?

Napangiti si Direk Sigrid nang mahiwaga, “Kaya ko yun, oo! Kaya ba nila? Baka magulat lahat. Ha! Ha! Ha! Ha! Baka biglang mag-back out sila. Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!”

Gusto ba niya, GL pa rin? O straight?

Mabilis na tumanggi si Direk Sigrid, “No naman, no naman. I mean, GL, wala namang problema.

Pero OK lang na straight na ano.”