Hindi nangimi si Divina Valencia na punahin ang kawalan ng respeto ng mga bumubuo ng 72nd FAMAS Awards sa kapwa niya beteranang aktres na si Eva Darren.
Ito ay sa kabila ng isa si Divina sa mga tumanggap ng parangal bilang Iconic Movie Actress of Philippine Cinema sa awards night na ginanap sa The Manila Hotel noong Linggo, Mayo 26, 2024.
Ayon kay Divina, “napakalaking katarantaduhan” ang ibinigay na dahilan ng pamunuan ng FAMAS na hindi nila makita si Eva sa loob ng venue kaya pinalitan nila ito bilang award presenter, kasama ang beteranong aktor na si Tirso Cruz III.
Ang ipinalit kay Eva ay ang baguhang singer na si Sheena Palad.
DIVINA LAMBASTS FAMAS OVER EVA DARREN ISSUE
Nasaksihan ni Divina ang mga pangyayari dahil nasa iisang mesa ang puwesto nila ni Eva at magkatabi sila sa upaun. Kasama rin nila sa mesa ang kapwa nila beteranang aktres na si Marissa Delgado.
Saad ni Divina sa kanyang Facebook post nitong Martes ng madaling-araw, May 28 (published as is): “Hindi ko matatanggap ang dahilang napakalaking katarantaduhan na hindi makita si Ms Eva Darren.
“Isa ciya sa mga naunang dumating. Kasama ang kanyang 4 na apo umasang makikita ang kanilang GrandMa na papanik sa stage na kasama c Mr Tirso Cruz.
“This excuse is so narrow. It’s a big BS para lang makagawa ng dahilan matapos na saktan ninyo ang damdamin ni Ms Eva Darren kasama ang mga apo na umasa pero nasaktan.”
Ayon pa kay Divina, ang puwesto ng kanila ng mesa ay halos katabi ng stage at may pangalan ang upuan ng lahat ng artistang dumating.
“Nakaupo kami sa Table 10, halos kaharap namin ang stage. Magkatabi kmi ni Ms Eva Darren n Marissa Delgado.
“Hindi ma-locate eh lahat ng mga artistang dumating, may upuang nakapangalan ng bawat nakaupo?” saad ng beteranang aktres.
Kasunod nito ay binatikos ni Divina ang FAMAS dahil nagbayad ang mga um-attend para sa kanilang dinner at sa ibang pinarangalang wala naman umanong kinalaman sa movie industry.
Litanya niya: “Ganito talaga naman naka-focus sa mga bilang ng perang kinita sa bawat isang nag-dinner.
“Kasi hindi nakatuon. Imagine FAMAS, kung cino-cinong mga hindi naman taga- movie industry eh mga tumatanggap ng kanya- kanyang plaque?
“Tinatawag sa stage na nakakasilaw ang glitters ng mga gown. Mga gumastos kung cino-cino wala namang kinalaman sa showbiz. My Golly holly cow.
“Ginagamit ang mga artista tapos pinahiya sinaktan ang isang Eva Darren na talagang isang icon.Tumanggap ng Famas na tutuong Famas.”
EVA DARREN NOT INCLUDED IN FAMAS MOST ICONIC ACTRESSES
Si Eva Darren ang hinirang na best supporting actress sa 18th FAMAS noong 1970 dahil sa kanyang mahusay na pagganap para sa Ang Pulubi (1969).
Ang naturang pelikula na pinangunahan ni Charito Solis ay naging kalahok sa Manila Film Festival 1969, kung saaan hinirang din si Eva bilang best supporting actress.
Sa kabila ng parangal na ipinagkaloob kay Eva ng FAMAS limampu’t apat na taon na ang nakararaan, karagdagang insulto sa kanyang inimbitahan siyang award presenter at hindi bilang isa sa mga binigyan ng karangalang Iconic Movie Actress of Philippine Cinema sa 72nd FAMAS.
Ang walong pinarangalan bilang Iconic Movie Actress of the Philippine Cinema ay sina Barbara Perez, Nova Villa, Divina Valencia, Celia Rodriguez, Pilar Pilapil, Marissa Delgado, Snooky Serna, at Sharon Cuneta.
Kontrobersiyal at nasa sentro ngayon ng isyu si Eva.
Mas pinag-uusapan siya kesa sa mga nanalo sa 72nd FAMAS matapos maglabas ng hinaing ng kanyang anak na si Fernando de la Peña sa Facebook dahil hindi natupad ang pangako sa beteranang aktres na isa siya sa mga award presenter.
Bumuhos ang simpatiya at awa kay Eva dahil bukod sa naging trato sa kanya, dumalo siya sa 72nd FAMAS kahit hirap nang maglakad at gumagamit na ng baston.
Higit sa lahat, may karapatan din siyang ituring na iconic movie actress ng Pilipinas dahil sa mahigit 60 serbisyo niya sa Philippine entertainment industry.