Dominic Roque files cyber libel complaint vs. Cristy Fermin

Naghain ng reklamong cyber libel ang aktor na si Dominic Roque laban sa beteranang showbiz news anchor at manunulat na si Cristy Fermin.

Ayon sa post ng GMA Integrated News entertainment reporter na si Nelson Canlas ngayong Biyernes, Mayo 31, 2024, sa Pasig City Prosecutor’s Office nag-file ng reklamo si Dominic.

“Malicious statements and innuendos” sa YouTube channel ni Cristy na Showbiz Now Na ang dahilan ni Dominic sa kanyang isinumiteng reklamo.

Buong post ni Nelson: “Nagsampa ng cyber libel case ang aktor na si Dominic Roque laban kay Cristy Fermin sa Office of the City Prosecutor ng Pasig City.

“Ang ilang malicious statements and innuendos na sinabi ni Fermin sa kanyang Youtube channel na “Showbiz Now Na” ang naging basehan ng aktor para magsampa ng kaso.”

THREE CYBER LIBEL COMPLAINTS IN ONE MONTH
Ito ang pangatlong cyber libel complaint na inihain laban kay Cristy ngayong buwan ng Mayo 2024.

Una siyang sinampahan ng ex-fiancée ni Dominic na si Bea Alonzo noong May 2, 2024, sa Quezon City Prosecutor’s Office.

“Defamatory statements” ang dahilan ng aktres kung bakit siya nagsampa ng reklamo laban kay Cristy.

Nag-ugat in ito sa mga komento ni Cristy at co-hosts nito sa YouTube show sa hiwalayan nina Bea at Dominic.

Bukod sa kanya, sinampahan din ng cyber libel complaint ni Bea si Ogie Diaz at mga kasamahan nito sa YouTube show na Ogie Diaz Showbiz Update.

Nagsampa rin ng cyber libel complaint ang mag-asawang Sharon Cuneta at Kiko Pangilinan laban kay Cristy noong May 10, 2024, sa Makati City Prosecutor’s Office.

“Malicious statements” laban sa kanilang pamilya ang ugat ang reklamo nina Sharon at Kiko kay Cristy.

Ayon kay Kiko, dahil sa mapanirang salita at akusasyon ni Cristy tungkol sa kanilang pamilya—na inilabas sa vlog sa YouTube at mga post sa Facebook ng host—kaya sila nagdesisyon ni Sharon na sampahan na ito ng reklamo.

NOOD KA MUNA!
Diwata, may MENSAHE sa mga vloggers | PEP Exclusives

Diin ni Kiko, karapatan nilang ipagtanggol ang kanilang sarili, lalo na ang kanilang pamilya, laban sa mga mapanirang pahayag na binitiwan ni Cristy sa social media.

CRISTY FERMIN STATEMENT
Kaagad nagpadala ng text message ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Cristy ngayong hapon din.

Maiksi niyang pahayag: “Karapatan ng sinuman ang maghain ng kaso laban kaninuman.

“May piskalya namang huhusga sa asunto.

“Nandun ang laban, wala sa labas.”