Maliban sa pagbisita ni Andres Muhlach, walang ibang paghahandang ginawa ang Eat Bulaga! ng TV5 para sa unang araw na mapapanood sa GMA-7 ang kanilang katapat na programa, ang It’s Showtime, sa Sabado, Abril 6, 2024.
Isang network insider ang nagpahayag na isang ordinaryong araw lamang ang Abril 6 para sa mga host ng Eat Bulaga!, pero tuloy ang kanilang “National Barangay Day.”
Si Ryzza Mae Dizon ang labis na natuwa nang malaman nito ang nakatakdang pagdalaw ni Andres sa Eat Bulaga! dahil hindi niya inililihim na may pagtatangi siya sa kakambal ng kanyang co-host na si Atasha Muhlach.
Kung “Ang National Barangay Day” at ang guesting ni Andres ang mga aabangan sa Eat Bulaga!, ang 48th birthday celebration naman ni Vice Ganda ang isa sa mga itatapat ng It’s Showtime sa noontime program nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon.
Noong Marso 31 ang aktuwal na araw ng kapanganakan ni Vice, pero pumatak ito ng Easter Sunday kaya ipinagpaliban ang pagdiriwang ng kanyang kaarawan sa It’s Showtime dahil sa desisyong isabay ito sa unang araw ng live broadcast ng kanilang programa sa Kapuso Network.
Buong-buo ang suporta ng GMA Network Inc. sa It’s Showtime. Mapapansin ito sa paulit-ulit na network plug tungkol sa opisyal na pagsisimula ng programa ng ABS-CBN sa Kapuso station bukas.
Pero marami pa rin sa mga loyal Kapuso ang naninibago dahil hindi pa sila sanay na maya’t mayang napapanood sa GMA-7 ang mga patalastas tungkol sa It’s Showtime na dati nang karibal ng Eat Bulaga! noong natutunghayan pa ito sa Channel 7.