Edgar Allan Guzman reveals secret of staying celibate with fiancée Shaira Diaz for 11 years

Magaan na raw ang pakiramdam ni Edgar Allan “EA” Guzman ngayong naipahayag na nila ni Shaira Diaz na matagal na silang engaged.

Inanunsiyo nina EA at Shaira na engaged na sila, mula pa noong 2021, sa GMA-7 morning program na Unang Hirit noong February 16, 2024.

“Masaya yung puso ko ngayon at masarap ipagsigawang engaged na kami ni Shaira,” bulalas ng Kapuso actor sa nakaraang media conference ng afternoon drama series na Lilet Matias: Attorney-At-Law sa Manila City Hall noong Sabado, February 26, 2024.

Mayroon na ba silang wedding date?

Sagot ni EA, “Yung date ng wedding, year pa lang po. Kasi si Shaira is nag-aaral pa po.

“So, ang gusto niya talaga is makatapos ng pag-aaral, which is ibibigay ko naman sa kanya yun.

“And this year siya magtatapos. And after that, a year pa, ayusin namin lahat.

“Gusto namin maayos pa… 2026 is the target year sa wedding namin.”

edgar allan guzman shaira diaz celibacy

ON PRACTICING CELIBACY

Pagkatapos ng question-and-answer portion ng mediacon, nag-focus na ang Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) tungkol sa relasyon nina EA at Shaira, lalo na sa pina-practice nilang celibacy o hindi pagtatalik hangga’t hindi sila ikinakasal.

Two years pa ang hihintayin ni EA bago sila ikasal. Makapaghihintay pa ba siya?

“Para sa akin naman, e, yung 11 years nga natiis ko. Ilang taon na lang talagang magiging asawa ko na siya. And alam mo yun, magkakaroon na kami ng sariling pamilya namin,” pahayag ni EA.

Hindi lang tunay na pagmamahal kundi may respeto raw siya sa kanyang fiancée kaya handa siyang maghintay.

“Ako lang talaga, yung love ko kay Shaira and respect, yun lang talaga yung reason kung bakit ko natiis, bakit ko nakayanan. Yung love and respect ko kay Shaira,” saad niya.

Bilang lalaki, hindi madali ito para kay EA, at nahirapan din daw siya noon.

“Ang hirap!” sambit niya.

“Sabi ko nga sa interview ko kay Tito Boy [Abunda], first two years namin umiiyak ako kay Shaira. Lalaki ako, e, di ba?

“Hindi sa gusto kong mabait. Totoo po.

“Pag nararamdaman ko siya, iniisip ko yung sinasabi sa akin ni Shaira na, ‘Kung mahal mo talaga ako, hihintayin mo ako,’ which is dun ako tinamaan. Yun yung pinanghahawakan ko.

“Dun talaga… nasanay na ako na eto lang, hanggang dito lang ako. Eto lang kami. Pero ramdam ko yung love namin sa isa’t isa.

“Kahit walang ganun, mararamdaman mo kung talagang mahal mo yung isang tao, mararamdaman mo yung love ng isa’t isa,” tugon nito.

TRAVELLING TOGETHER

Kapag nagbibiyahe sila ay magkasama sila sa isang kuwarto. Nandun daw ang tiwala sa kanya ng magulang ni Shaira dahil alam nilang igagalang nito ang kagustuhan ng aktres.

Ani EA, “Totoo yun talaga! Kasi, like for example, hindi lang naman kayo, pati pamilya rin niya, e. Siyempre, kailangan kong i-secure yun.

“Every time na magta-travel kami, kailangan i-secure ko yung parents niya na wala talagang mangyayari.

Live In Relationship on PEP.ph

“Oo magkasama kami… magkatabi kaming matulog, pero as in wala po. Kahit itanong niyo kay Shaira.

“Yun yung lagi kong sinasabi sa kanila, ‘Kahit itanong niyo kay Shaira.’ Wala po akong… hindi po ako nag-attempt, hindi ko po siya pinipilit or something, wala po talaga. Yun yung love talaga.

“Sobrang hanga ako kay Shaira, kasi iilan na lang po yung ganun, di ba? So, para sa akin, napakasuwerte ko po.

“Dun pa lang, nasabi ko sa sarili ko na napakasuwerte ko. Kasi ito, kahit iwanan ko siya, mag-bar siya, kasama niya ang friends niya, kampante ako, makakatulog ako nang maayos na hindi ganun si Shaira.”

Aware ang aktor na mayroong tumataas ang kilay at mayroon hindi naniniwala sa sinasabi nilang pag-practice ng celibacy.

Reaksiyon niya rito, “Para sa akin po, hindi ako magbibigay ng negative comment about them.

“Para sa akin, yung pagmamahal na lang. Hindi boring, e. Hindi boring yung pagsasama namin ni Shaira. Kasi kung boring, hindi kami magtatagal ng 11 years.

“Kung alam niyo lang, sabi nga nila, kung naniniwala kayo sa sinasabi nila na pag matagal na kayo, para na lang kayong mag-best friend. Ganun yung relasyon namin ni Shaira.

“And I’m so happy, kasi siya yung… alam niyo yun? Siya yung… sa kanya ako lumuhod, sa kanya ko ibinigay yung pagmamahal ko talaga.

“So, I’m very, very proud. Ngayon, gusto kong ipagsigawan, mahal ko si Shaira and napakasuwerte ko na siya ang mapapangasawa ko.”

Ano ang mensahe si EA para sa mga magkarelasyong nagpa-practice din ng celibacy?

Aniya, “For me, yung ginawa ko kasing proseso is nagtiwala ako kay Shaira. Pinanghahawakan ko yung promise niya sa akin.

“Yung love talaga po and respect. Dalawa po yun. Yung love and respect, yun talaga ang nangibabaw sa akin.

“Kasi kung hindi ko siya nirerespeto, kung binabastos ko lang siya, hindi ako makakatagal, e.

“So, yun nga. Sa mga kalalakihan na may ganito ring sitwasyon, matuto tayong maghintay sa tamang panahon.

“And pag nandun na tayo sa tamang panahon na yun, all worth it. Kumbaga, eto na yung hinihintay natin. Para lang nanalo tayo sa lotto.

“Just be patient, and mahalin mo yung partner mo. Kahit sa ganunmang sitwasyon niyo, just be honest, loyal, and kailangan ibigay mo sa kanya yung genuine love na kailangan niya.

“Babalik din naman sa iyo yun, in time.”

WEDDING PLANS

Pagkatapos ianunsiyo nina EA at Shaira na engaged na sila, nagsimula na raw silang bumuo ng entourage sa kanilang kasal at kinakausap na rin nila ang mga ito.

Pinaplano na rin nilang magbukas ng joint savings account bilang paghahanda sa bubuuin nilang pamilya.

“As of now, personal pa rin kami,” pakli ni EA sa tanong ng PEP.ph kung meron na ba silang joint savings account.

“Pero we’re planning na magkaroon ng sarili naming savings for our family. Para kahit na nagtatrabaho kami, naiipon namin for our wedding.

“And ako nga, sinabi ko nga, magmula nung na-announce ko yung engagement, parang nag-iba agad yung buhay ko, alam mo yun? Parang… yung mga pansarili ko, hindi ko muna siya iniintindi.

“Parang sini-savor ko muna yung moment na engaged siya, family talaga muna… sa amin muna talaga ni Shaira,” masaya niyang pahayag.

Isa si Edgar Allan Guzman sa leading men ni Jo Berry sa Lilet Matias: Attorney-At-Law. Ginagampanan niya ang role bilang si Kurt, ang masayahin at outspoken na colleague ni Lilet Matias.

Magsisimulang umere sa Afternoon Prime ng GMA-7 ang Lilet Matias: Attorney-At-Law simula sa March 4, 2024.