Edgar Allan Guzman, Shaira Diaz claim they strictly practice celibacy since 2013

Naninindigan si Edgar Allan “EA” Guzman na totoo ang sinasabi nila ng fiancée niyang si Shaira Diaz na matapat ang kanilang pagsunod sa sexual abstinence o celibacy mula nang magkaroon sila ng relasyon noong 2013.

“Totoo yon! Hanggang ngayon, pinapraktis namin,” pahayag ni EA nang makausap sila ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) ilang minuto matapos ang magkasabay na guesting nila ni Shaira sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes ng hapon, Pebrero 19, 2024.

shaira diaz edgar allan guzman fast talk

Ang kuwento si EA sa Fast Talk tungkol sa sexual abstinence decision nila ni Shaira ang pinag-ugatan ng tanong sa kanya ng PEP.ph.

Aniya, “First two years namin, umiiyak ako sa kanya, kasi ang hirap. To be honest, ang hirap.

“Sobrang nung time na yon, hindi ko na kaya siyempre, di ba?

“Sabi ko talaga sa kanya, ‘Baba, hindi ko na kaya.’

“Pero nung may sinabi siya sa akin na, ‘Kung mahal mo talaga ako, hihintayin mo ako.’ Dun ako tinamaan.

“As in, yun ang lagi kong sinasabi sa sarili ko kapag nakakaramdam ako nang ganito.

“Kaya sabi ko nga, nung nag-announce ako sa engagement namin, ‘I respect Shaira a lot.’”

Dinugtungan ni Shaira ang pahayag ng kanyang fiancé.

Saad ng Kapuso actress-TV host, “Kasi ako po, ino-honor ko talaga yung family ko, especially my mom and dad.

“Yun ang promise ko talaga sa kanila na kahit iwan mo ako saan, buong-buo pa rin ako.

“And sabi nila, ‘Yun ang best gift na maibibigay mo sa magiging asawa mo.’”

Naganap ang wedding proposal ni EA kay Shaira noon pang Disyembre 25, 2021.

Pero isiniwalat lamang nila ito sa publiko noong nakaraang Biyernes, Pebrero 16, 2024, sa pamamagitan ng Unang Hirit, kung saan isa sa mga host si Shaira.

Edgar Allan Guzman and Shaira Diaz recall their first meeting | GMA Entertainment

Kinabukasan, Pebrero 17, tahimik na ginunita ng dalawa ang ikalabing-isang anibersaryo ng kanilang pagmamahalan.

Bakit nagpasya sila ni Shaira na aminin na sa publiko ang kanilang engagement?

Sagot ni EA, “E, kasi malapit na rin siyang mag-graduate ng college.”

Marketing ang kurso ni Shaira sa University of Perpetual Help sa Las Piñas City. Ang pagiging masipag nito sa pag-aaral ang isa sa mga katangiang minahal ni EA.

Nagpatayo ng bahay si EA southern part ng Metro Manila para malapit siya sa tahanan ng babaeng kanyang piniling makasama habambuhay.

Plano nina EA at Shaira na idaos ang kanilang pag-iisang-dibdib sa 2026, at sinabi na nila kay Boy na isa ito sa mga ninong.

Nang tanungin ng PEP.ph kay Shaira ang dream wedding gown nito, “Wala pa” ang kanyang sagot.

Pero may nagustuhan daw siyang bridal gown na isinukat niya sa nakaraang bakasyon nila ni EA sa South Korea.

Sinabi ni Shaira na balak niyang bumalik sa South Korea para sa wedding gown na kanyang gagamitin sa araw ng kasal nila ni EA sa 2026.