Hindi napanood sa umereng guesting ni Elizabeth Oropesa sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes ng hapon, Marso 26, 2024, ang kanyang kontrobersiyal na sagot nang itanong ni Boy Abunda ang kahalagahan ng lalaki sa konsepto ng kaligayahan.
Panghapong programa ang Fast Talk With Boy Abunda kaya hindi natunghayan ng manonood ang prangkang sagot ni Elizabeth.
Diretsahang sabi ng beteranang aktres, “Ay, naku, kapag may nagtatanong sa akin kung anong pinagsisisihan ko nung bata ako, sabi ko, ‘I should have had more sex.’
“Talaga! Totoo ‘yon!”
Paliwanag pa ni Elizabeth, “Kasi nung bata ka, I mean, you can do it as often as you like, anywhere! Anytime.
“Kapag matanda ka na, sayang! Dapat ginawa ko yan noon.
“I’m just being honest, pero ngayon, wala. Sarado na. Nag-close na po, sorry!”
Sundot na tanong ni Boy, “And when you look back, meron bang mga nanligaw, nagparamdam na hindi mo pinansin at sinabi mo, ‘Sayang yun ah!”
Sagot ng aktres, “Kung alam mo lang…. pero isa lang ang masasabi ko.
“Kahit kailan, hindi ako pumatol sa may asawa. Maski gaano ko kagusto kasi masama yon.”
Hindi nagbanggit ng pangalan si Elizabeth tungkol sa kanyang greatest love dahil, diumano, marami sila.
BEST KISSER AMONG HER LEADING MEN
Sa pagkakaalam ni Elizabeth, mahigit sa 300 na ang bilang ng mga pelikulang ginawa niya buhat nang mag-umpisa ang kanyang showbiz career noong 1970.
Sa dami ng mga aktor na nakapareha ni Elizabeth, ang King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr. (August 20, 1939 – December 14, 2004) ang sinabi niyang pinakamagaling humalik.
“Si Kuya Ronnie. Revelation yan.
“Ngayon ko lang nasabi kasi patay na si Ate Susan, nahihiya naman ako. Baka mapagdudahan,” paliwanag ni Elizabeth.
Ang “Ate Susan” na tinutukoy ni Elizabeth ay ang pumanaw na ring asawa ni FPJ na si Susan Roces (July 28, 1941 – May 20, 2022).
Patuloy niyang kuwento, “Beautiful! Best kisser.
“And the lips, my God, so soft! Kasi disente siya humalik.
“Ang tsismis noon na lumalaganap sa industriya, ang pinakamagaling humalik ay si George Estregan.
“Totoo naman na napakagaling ni George with matching laway na lumalabas.
“Si Kuya Ronnie, very tender. Very loving… basta napakasarap.
“Kung siya ay tsokolate, Belgian… It melts in your mouth.”
ANG PINAKAMAGANDANG HAYOP SA BALAT NG LUPA
Limampung taon na ngayong 2024 mula nang gawin ni Elizabeth ang Ang Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa noong 1974.
Si Miss Universe 1969 Gloria Diaz ang bida, pero sinabi ni Elizabeth na siya ang original choice bilang pangunahing artista ng nabanggit na pelikula.
“Si Gloria Diaz ang naging bida. Actually, akin yun [role], e.
“Siya yung dumating, okay lang naman sa akin. Kasi Miss Universe natin yun, e. I’m so proud of her.
“While I was doing that, I noticed mas malaki yung dede ko kesa sa kanya. So, malaking factor yon at the time. And I’m taller than her.
“Sabi ko, ‘Hmmm, mapapansin ako nito. Galingan ko.’
“Tapos, hindi lang yon, bulol [si Gloria]. Hindi marunong masyadong mag-Tagalog yung tao kaya naungusan ko siya, kahit siya yung lead,” pagbabalik-tanaw ni Elizabeth.
Si Celso Ad Castillo (September 12, 1943 – November 26, 2012) ang direktor ng Ang Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa.
Hindi nalilimutan ni Elizabeth ang kanilang madalas na pag-aaway sa shooting ng pelikula sa Sicogon island, Carles, Iloilo.
Kuwento niya, “Palagi kaming nag-aaway ni Celso. Nung nagalit siya sa akin, ang ginawa niya kasi, yung shooting sa Sicogon island, iba yung tinitirhan namin na area, iba yung pinagsu-shooting-an. Mamamangka ka.
“It’s about twenty, thirty minutes ride, banca ride. Ang ginawa niya, nung nagalit siya sa akin, lahat ng bangka, pinapunta niya sa shooting area.
“Hindi niya ako pinasakay para kapag dumating yung producer, sasabihin ako yung late.
“Ang ginawa ko, bumili ako ng bangka. May sarili akong bangka.
“Nung dumating ako sa shooting, nandoon siya sa lamesa. Ang una kong ginawa, may bombilya sa harap niya, sinuntok ko yung bombilya.
“Tapos sabi niya, ‘Oro, huwag ka nang magalit. Bati na tayo.’”