Eric Fructuoso clueless sa naging epekto ng pag-amin tungkol sa kanila ni Toni Gonzaga

eric fructuoso toni gonzaga

“Unbothered” si Eric Fructuoso nang hingin ng Cabinet Files ang reaksiyon niya tungkol sa kanyang matter-of-factly revelation na nagkaroon sila ng relasyon noon ni Toni Gonzaga.

“Hindi ko napansin. Too busy,” sagot ni Eric nang sabihin naming pinagpistahan at nag-trend sa social media ang kanyang mga sinabi sa guesting niya sa Sarap ‘Di Ba? ng GMA-7 noong nakaraang Sabado, Nobyembre 11, 2023.

Ang Sarap ‘Di Ba? ang morning cooking talk show ng Kapuso Network na hinu-host ni Carmina Villarroel at ng kanyang mga anak na sina Mavy at Cassy Legaspi.

Sina Eric, Jao Mapa, at Mark Anthony Fernandez ang mga bisita sa Sarap ‘Di Ba? dahil nag-promote sila ng Para Kang Papa Mo, ang kanilang pelikulang ipalalabas sa mga sinehan sa susunod na buwan.

Si Carmina ang nagtanong kay Eric nang umupo ito sa “Hot Seat” segment ng show.

sarap di ba

Carmina: “Totoo ba na nagkaroon kayo ng relasyon noon ng TV host-actress na si Toni Gonzaga?”

Eric: “Parang hindi ko ine-expect yun, ah? Oo meron.”

Carmina: “Ah, so nagkaroon kayo ng relasyon? So, sino mas nauna, siya o si Clau [Claudine Barretto]?”

Eric: “Si Clau.”

Carmina: “So, gaano kayo katagal?”

Eric: “Siguro rough estimate, lahat-lahat, kasama yung wala lang saka yung commitment, siguro mga three years…”

Ayon sa isang production insider, gulat na gulat ang aktres sa isiniwalat ni Eric na hindi nakapagtataka dahil hindi rin makapaniwala ang publiko.

Sa guesting nila ni Mark Anthony Fernandez sa Fast Talk with Boy Abunda noong Oktubre 20, 2023, “Si Clau” ang unbothered ding sagot ni Eric nang itanong ni Boy Abunda kung sino ang unang girlfriend niya sa showbiz.

Sinabi niya ito habang magkatabi sila ni Mark, na dating karelasyon ng aktres noong mga kabataan nila.

mark anthony fernandez eric fructuoso fast talk

Umingay nang husto ang eksena ni Eric sa Sarap ‘Di Ba? dahil sa isang interbyu noong Agosto 2007, sinabi ni Toni na ang mister niyang si Paul Soriano ang unang boyfriend niya.

Bahagi ng pahayag ni Toni sa isang panayam: “For 23 years, siya ang first boyfriend ko and hopefully the last.

“Yung mga naging boyfriend ko, hindi ko actually boyfriend yon. Mas nagiging close lang sa akin na hinu-hope mo na maging boyfriend mo, pero wala. Wala ring tumagal.”

Nang sabihin namin kay Eric na malakas ang impact at maraming tao ang nabulabog sa harmless statement niya sa Sarap ‘Di Ba?, sabi niya, “Seryoso, dear. Dami ko talaga ginagawa, e.”

Hindi raw talaga alam ng 46-year-old former Gwapings member na lumikha ng malakas na ingay ang kanyang walang kamali-malisyang rebelasyon sa naturang programa.