EXpecially For You searchee slams “nabayaran” accusation

Axel Cruz on bashing: “Okay lang, masasanay na lang po ako.”

“EXpecially For You” searchee Axel Cruz speaks up about the most hurtful among the numerous bashes thrown his way. He says there are netizens accusing him of “binayaran” for his comment asking people not to bash Vice Ganda. 

Inalmahan ng “EXpecially For You” searchee na si Axel Cruz, 22, ang paratang sa kanya ng bashers matapos ang kontrobersyal niyang partisipasyon sa popular dating-game segment ng It’s Showtime.

Pinaratangan si Axel na binayaran siya ni Vice Ganda.

Nabalot ng kontrobersiya ang May 31, 2024 episode ng “EXpecially For You,” kung saan isa sa searchees ay si Axel para sa searcher na si Christine.

Ito ay matapos sitahin ni Vice Ganda si Axel sa pag-aakalang ninakawan nito ng halik si Christine.

Sabi ni Vice kay Axel: “Oy, hindi pwede yun, that’s bad!

“Don’t do that, you ask for permission. Alam mo bang pwede kang mademanda sa ginagawa mo?

“Don’t do that, hindi ka pwedeng biglang nagnanakaw ng halik.”

Vice Ganda reacts on Axel Cruz's gesture towards on It's Showtime' Expecially For You segment
Searchee Axel Cruz and searcher Christine on May 31, 2024 episode of “EXpecially For You.” 

PHOTO/S: SCREENGRAB FROM IT’S SHOWTIME / ABS-CBN / GMA-7

Makalipas ang ilang oras, naglabas ng reaction video sa TikTok si Axel, at dito’y itinanggi niyang hinalikan niya ang searcher.

Inamin din ni Axel na “sobrang napahiya” siya sa pagsita sa kanya sa national television.

Mayroon ding Facebook post si Axel kung saan sa dulo ay sinabi niya (published as is): “thankful padin ako lalo na kay meme vice please stop bashing her nagulat lang din siguro sya.”

Ipinost ang mismong quote na ito ng isang entertainment blog.

Vice Ganda
PHOTO/S: YOUTUBE (ABS-CBN ENTERTAINMENT)

Nakakuha ng simpatiya mula sa publiko si Axel, pero marami ring bashers.

Ngunit ang labis daw nakaapekto kay Axel ay ang akusasyong binayaran siya kaya niya ipinagtanggol si Vice.

Sinabi ito ni Axel nang makapalitan ng mensahe ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong Huwebes ng gabi, June 6, 2024.

Ang naging focus ng pakikipag-usap ng PEP kay Axel ay ang bintang na “nabayaran” siya.

AXEL CRUZ DENIES HE GOT PAID

Sa kanyang reaction video, sinabi ni Axel na hindi niya intensiyong halikan si Christine.

Nakipag-appear at nakipagdikit-balikat lang daw siya kay Christine, sa isang kilos na tinawag niyang “bro code.”

Nag-sorry rin si Axel kung na-misinterpret ang kanyang ikinilos.

Dahil sa kontrobersiya, mixed reactions din ang natanggap ni Vice Ganda.

May mga naniniwalang tama ang kanyang pagsita kay Axel.

Pero marami ring netizens ang hindi nagustuhan ang sa kanila’y pamamahiya ni Vice kay Axel on national television.

Mukha ring hindi nagustuhan ng mga pumuna kay Vice ang pakiusap ni Axel na huwag nang i-bash ang It’s Showtime host.

Ang pakiusap na ito ni Axel ay wala sa kanyang TikTok video, kundi nasa kanyang Facebook post.

In-upload ni Axel ang dalawang magkahiwalay na posts noong Sabado, June 1.

Dahil sa pakiusap ni Axel para kay Vice, pinaratangan siyang binayaran at bumaliktad.

Nanindigan si Axel sa PEP na wala itong katotohanan.

Katuwiran pa ng searchee, ang pagtatanggol niya kay Vice ay mas naunang nai-post sa FB, at sumunod ang kanyang reaction video sa TikTok.

Mensahe ni Axel sa PEP: “Sinabi ko sa post [Facebook] ko na wag ibash si Meme. Ngayon lang nila nilalagay sa article nila. Lumalabas binayaran ako.”

Giit niya: “Kahit kelan hindi ko ipagbibili ang dignidad at pagkatao ko.”

Nais tumbukin ni Axel na nung ilabas niya ang reaction video ukol sa sinasabing pamamahiya sa kanya sa “EXpecially For You,” nai-post na niya sa Facebook ang pakiusap na huwag i-bash si Vice.

Pero recently lamang nabigyang-diin o highlight sa ilang entertainment blogs ang pakiusap ni Axel na huwag i-bash si Vice.

Ang resulta: inakala ng ibang netizens na bumaliktad si Axel at “lumalabas na nagpabayad ako.”

Dahil dito, may mga komentong “binayaran” at “nagpabayad” siya para bumaliktad.

Narito ang komento ng netizens na inaakusahan si Axel na ito’y binayaran:

Axel Cruz bashing
Comments that accuse Axel Cruz of getting paid after an entertainment blog highlighted his comment defending Vice Ganda.

AXEL ON HANDLING BASHING

Sa ngayon, patuloy pa rin ang bashing kay Axel.

“Okay lang, masasanay na lang po ako. Di na ako magpapaapekto,” aniya sa PEP.

Lubos naman ang pasasalamat ni Axel sa mga nagtatanggol at nagpapakita ng simpatiya sa kanya.

“Thankful ako sa mga taong patuloy na nagsasalita at magtatanggol sa akin,” pahayag niya.

Sa ngayon ay ito muna raw ang reaksiyon ni Axel tungkol sa isyung mainit na pinag-uusapan ng publiko.