Trending ngayong Miyerkules, Mayo 1, 2024, ang hashtags na “Summer Saya With Francine” at “#Chin.”
May kinalaman ito sa nangyari sa isang event sa San Jose, Occidental Mindoro, kagabi, Abril 30, kung saan performer ang Kapamilya young star na si Francine Diaz.
Malaki ang litrato ni Francine na nakapaskil sa stage kung saan ipinagdiwang nila ang Governor and Vice Governor’s Night.
Kasama ni Francine sa performers ang bandang Orange and Lemons.
Base sa ipinost na videos ng ilang netizens sa Facebook at X (dating Twitter) mula sa event, nakahanda na ang bandang Orange and Lemons para mag-perform.
Pero sumingit ang host para ipakilala si Francine.
Sabi ng host, “Bago tayo maki-jam sa ating banda, may isa munang gustong sumorpresa sa inyong lahat… palakpakan po natin Ms. Francine Diaz.”
Mabilis na pumanhik sa stage si Francine at bumati sa audience.
Kasunod nito ay inanunsiyo niyang hahandugan niya ang mga tao ng isang awitin.
Habang nagsasalita si Francine sa harapan, kitang-kita naman sa likuran na tila na nagkakagulo ang mga miyembro ng banda. Halatang may tensiyon kung saan tila nagtatalo ang isang member ng Orange & Lemons at isa sa organizers ng event.
Bagamat sinabing babati lang daw si Francine, dumiretso na ito sa pagkanta.
Bago pa kumanta si Francine, maririnig ang malakas na pagtugtog ng gitara.
Hindi nakita kung ang lead guitarist na si Clem Castro ang nagpatugtog ng gitara kaya hindi gaanong marinig ni Francine ang music ng kanyang kanta.
Habang kumakanta ay sumisingit pa ang pagtugtog ng gitara kaya sumenyas si Francine na hindi niya naririnig ang music.
Nag-adlib na lang siya sa mga tao na sabayan siya sa pagkanta.
May ipinost din sa X na habang kumakanta si Francine na sinasabayan siya sa pagkanta ng mga manonood, nagliligpit na ang Orange and Lemons ng mga equipment nila.
Nag-walkout daw sila, sabi ng ilang netizens.
JERRY OLEA
Pagkatapos mag-perform ni Francine ay parang garalgal na ang boses niya na nagpaalam sa mga tao.
Tila pinipigilan niyang maiyak dahil sa ginawa ng mga taga-Orange and Lemons habang nasa entablado siya.
Nagsalita rin ang lead guitarist ng Orange and Lemons na si Clem Castro upang humingi ng paumanhin sa nangyari. Pero naglabas din siya ng hinaing tungkol sa pagbibigay-respeto sa mga artist na kagaya niya.
Aniya, “Gusto ko lang maghingi ng paumanhin, pero kailangan kong sabihin ito, para sa mga artist na…. kasi dapat kaninang 11:00[p.m.] pa kami dito, e.
“Pero sana naman, walang sumisingit, yun lang.
“Respeto lang ba. Yun lang. Gusto ko lang sabihin yun.
“Ayokong masira yung pag-enjoy natin ngayong gabi.”
Karamihan sa mga komento ay nagsasbing pagkukulang daw ito ng organizer.
Sinasabi ng supporters ng Orange and Lemons na dapat ay humingi ng paumanhin si Francine sa pagsingit niya sa performance ng banda.
Pero kaagad silang sinagot ng fans ni Francine na dapat ay ang organizers ang mag-apologize dahil hindi nila na-handle nang maayos ang ganitong gusot.
Ipinagtanggol din ng fans si Francine dahil hindi raw ito na-late ng dating sa venue. Ang tagal daw nitong naghintay sa backstage na wala man lang daw kuwarto para doon mag-standby ang aktres. Nakatayo lang daw ito sa likod.
Sinubukan naming magpadala ng mensahe sa Facebook account ng LGU ng San Jose, Occidental Mindoro, specifically kay Governor Eduardo Gadiano, pero hindi pa nito sinasagot ang aming katanungan.
Bukas ang PEP Troika sa panig ni Francine at ng Orange and Lemons para malinawan ang insidenteng ito.
NOEL FERRER
Anyare? May na-late? May hindi sumunod sa usapan? Hindi naipaliwanag nang maayos ang programa?
Naiwasan sana ang pangyayari kung nasunod ang nakatakdang plano. Nawa’y magpaliwanag ang organizers sa nangyaring ito.