Gabby Eigenmann on Philmar Alipayo and Jake Ejercito: “Okey sila, they both respect each other.”

Malaki ang pasasalamat ni Gabby Eigenmann kina Philmar Alipayo at Jake Ejercito sa pagdamay raw ng mga ito sa kanyang half-sister na si Andi Eigenmann noong mga panahong nagluluksa ito sa pagpanaw ng ina ni Andi na si Jaclyn Jose.

Si Philmar ang fiancé ngayon ni Andi at ama ng dalawang anak nito na sina Lilo at Koa.

Habang si Jake naman ang ex-boyfriend ni Andi na siya namang ama ng panganay nitong si Ellie.

Hindi lingid sa kaalaman ng publiko na noong sumakabilang buhay si Jaclyn ay isa si Jake sa mga unang nakiramay at nanatili sa tabi nina Andi at Ellie, habang si Philmar ay nasa Siargao pa, kunsaan nakabase ang kanilang pamilya.

Ani Gabby, patunay lamang ito na maganda ang relasyon nina Andi at Philmar kay Jake, sa kabila ng nakaraan nila ng di-aktibong aktres.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Gabby sa media conference ng My Guardian Alien noong March 21, 2024, na ginanap sa Luxent Hotel, Quezon City.

Sa nasabing panayam, nausisa ng PEP.ph kay Gabby ang pakikitungo nina Philmar at Jake sa isa’t isa habang magkasama sa burol ni Jaclyn.

Pagmamalaki ni Gabby, malaki ang respeto nina Philmar at Jake at isa’t isa, gayundin kay Jaclyn na ina ni Andi.

Saad ng Kapuso actor, “Okey sila. You know, they both respect each other.

“Nakakatuwa nga and I’m very, very grateful of course sa family ni Jake, who’s been supportive, like, the whole process of… Basta kasi hindi namin alam gagawin to be honest.

“Jake’s there to support Ellie and noong dumating si Philmar, nagkita sila, nagbatian sila, wala namang naging problema.

“These are good men who love my sister.

“For sure, Jake still loves my sister, not as a partner, but as the mother of their daughter, Ellie.”

Dagdag pa niya, “Okey lang din naman kay Andi. Ang main goal naman dito is whatever makes Andy happy, I will support.

“Kung yun ang gusto niya, alangan naman na pigilan mo. Diyan siya masaya, you have to support, to guide her along the way para masaya, di ba?”

GABBY’S TREATMENT OF PHILMAR AND JAKE

Sa usapang treatment, wala naman daw pinapaburan si Gabby.

Aniya, pareho niyang mahal sina Philmar at Jake bilang ama ng kanyang mga pamangkin.

Sina Philmar at Jake din daw ang nagpuno sa kakulangan niya bilang kuya kay Andi.

Saad ni Gabby, “Alam mo, mahal ko silang dalawa, e. Inf airness, kasi noong wala ako, nandoon sila [sa tabi ni Andi].

“Yung wala ako as kuya kay Andi, nandon sila.

“Jake has been dear to me kasi he’s been there, day one, e. Okey naman si Jake, okey rin naman si Philmar.

“Kasi technically, tatlo na yung inaalagaan ni Philmar at Andi kasi si Ellie nando’n din sa kanila.

“Jake naman has his own relationship with Ellie. Okay talaga, e. Happy ako na nandiyan sila pareho para kay Andi at sa mga pamangkin ko.”

ANDI-PHILMAR WEDDING PLANS

Ibinuking din ni Gabby na napag-uusapan na nina Andi at Philmar ang kanilang pagpapakasal, matapos nilang ma-engage noong December 20, 2020.

Pagbabahagi niya, “Siyempre, di ba, ngayon engaged sila? One way or another, anytime soon they’re gonna get married. Who’s gonna walk her down the aisle, ako yun.”

Sundot na tanong ng PEP.ph, “Pero wala pa silang napag-uusapan kung kailan ang kasal?”

Mabilis na sagot ni Gabby, “Mayroon na, pero inaayos pa.

“Pero sure ako na ako ang maghahatid [kay Andi], napag-usapan na yan.”