Hindi itinago ni Gerald Anderson, 34, ang paghanga sa layo ng narating ng showbiz career ng ex-girlfriend niyang si Kim Chiu, 33.
Nakarating kay Gerald na pumatok ang Linlang, ang katatapos na Prime Video series na pinagbidahan nina Kim Chiu at Paulo Avelino.
Hindi raw ito kataka-taka para kay Gerald dahil noon pa man ay nasaksihan daw niya kung paano magtrabaho si Kim.
“Nakakatuwa kasi narinig ko na parang ibang Kim yung nakikita nila.
“Pero I’m happy for her because talagang yun yung perfect word—hard worker talaga yun.
“And siyempre nakaka-inspire yan, di ba?”
Nabanggit din ni Gerald ang pagiging kuwela ni Kim pagdating naman sa pagiging co-host sa Kapamilya noontime show na It’s Showtime.
“Paganun-ganun lang siya sa Showtime, di ba?
“But grabe yun. Fighter yun. Palaban yun. And she works really hard.
“So, yung success na meron siya ngayon with this show, she deserves it,” saad niya.
Nakilala ang tambalan nina Kim at Gerald o Kimerald mula nang sumabak sila sa pag-aartista matapos ang kanilang stint bilang teen housemates sa Pinoy Big Brother Teen Edition 1 noong 2006.
Kalaunan ay nagkahulugan ng loob ang dalawa, pero inilihim nila ang kanilang relasyon sa loob ng apat na taon.
Naisapubliko lamang ito nang maghiwalay sila noong 2010.
Nagbalik-tambalan sina Kim at Gerald sa pelikulang 24/7 In Love noong 2012, at sa teleseryeng Ikaw Lang Ang Iibigin noong 2017-2018.
Nang tanungin kung posibleng magkatrabaho silang muli ni Kim, hindi diretsong nakasagot ang aktor.
Sabi ni Gerald, “Pero hindi ko masasagot yun. Hindi ko alam. Kailangan silang makausap.”
Nakapanayam ng piling press si Gerald sa contract signing niya sa ABS-CBN bilang solid Kapamilya. Nananatili rin siyang artist sa Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN.
Kabilang ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa nag-cover ng contract signing.
ON INSTANT STARDOM AFTER PBB STINT
Sa presscon na iyon ay nagbalik-tanaw si Gerald sa hirap na pinagdaanan nila ni Kim noong nagsisimula pa lang sila sa showbiz.
“Meron kami ginawa ni Kim Chiu na Love Spell,” tukoy ni Gerald sa defunct weekly drama program sa ABS-CBN.
“So, parang kami yung unang episode doon. Sunday, pinalabas po yung unang episode ng Love Spell. Mataas po yung ratings.”
Naalala ni Gerald na dapat ay kasama rin sila ni Kim sa teleseryeng Crazy For You noong 2006.
Lahad niya, “And then, pinapasok kami sa isang teleserye noon na ang bida si Luis Manzano at si Toni Gonzaga, and then andun si Sandara Park yata.
“So, Monday yung taping. On the set, magte-tape na kami, biglang may tumawag, pinauwi kami.
“Yun pala, parang gagawin na kaming bida sa sarili namin teleserye.”
Aminadong nanibago raw talaga si Gerald nang sumabak siya sa pag-aartista.
Kuwento niya: “So, ang taping namin noon, yung Sana Maulit Muli, yun yung first teleserye namin. So, M-W-F yun.
“So, okay naman yun, di ba? Pero siyempre, imagine niyo po, 17 years old ako, galing po ako ng GenSan.
“Nung paglabas ko ng PBB, wala akong kaalam-alam sa English, hindi ako marunong umarte.
“Hindi ko alam kung anong ginagawa ko, hindi ko rin alam kung ito ba talaga gusto ko.
“So, hindi ko alam ano nangyayari, pero sige lang, go with the flow lang.”
THE HARD WORK THAT HE AND KIM PUT INTO THEIR CRAFT
Dahil pumatok ang kanilang tambalan, lagari raw talaga sila ni Kim sa trabaho.
“And then, biglang may pumasok nun na movie, First Day High. Natatandaan niyo ba yun? So, T-Th-S naman yun.
“And then, noong time na yun, kailangan namin mag-ASAP.
“So, every Sunday nasa ASAP kami, aalis kami ng Sabado sa Tagaytay, kasi dun po yung location namin.
“Pupunta kami dito sa ABS para mag-rehearse, tapos babalik kami ng taping.
And then, Sunday, ASAP.”
Nasagad daw talaga si Gerald noon.
“So, naalala ko, dun sa dressing room namin dito sa isang building. Pumunta ako sa likod, kasi may parang taguan dun.
“Umiyak ako, nag-breakdown ako, parang kasi frustration na hindi ko alam yung ginagawa ko sa trabaho.
“Ang bano-bano ko, tapos pagod, tapos minsan may mga commercial shoots in between, so nag-breakdown ako.”
Tanging ang pamilya raw ang naging inspirasyon ni Gerald para ipagpatuloy ang trabaho.
Balik-tanaw ng aktor: “Tinanong ko sarili ko, ‘Bakit ka nandito? Bakit ka ba pumasok sa PBB?’
“Honestly kasi, kaya ako pumasok sa PBB, kasi gusto ko talaga tulungan yung nanay ko.
“Gusto ko makabili ng bahay para sa nanay ko, yun yung tumatak sa akin.
“So, kahit anong pagod ko nun, kahit anong pinagdadaanan namin, kahit na uuwi lang kami bahay para maliigo lang, fight, laban lang.
“So, hard work talaga and perseverance.”
ON VALUING HIS COLLEAGUES
Natutunan din daw ni Gerald ang kahalagahan ng respeto sa kapwa.
“Sa totoo lang, maging mabait ka lang sa tao.
“At the end of the day, kapag nasa taping kami, yung cameraman, yung PA, audio man, lahat, lahat kayo pagod, e.
“Di naman yung artista lang, lahat kayo, pati yung director, ganon. So, parang nasa isang barko kayo.
“So, dapat lagi kang may malasakit para sa iba, may respeto, at lagi kang mabait.”
Patuloy ni Gerald, “Hindi ko sinasabi na maging pushover ka o kaya okay lang lahat sa iyo. Pero yung respeto, yung maayos kang katrabaho.
“More than kapag sinabi sa akin, ‘Uy, ang galing mo doon, ang galing mong artista,’ mas fulfilling sa akin yung ‘mabait ka, maayos kang kasama,’ yun yung mas fulfilling.
“So, I think, yun din yung isa sa mga dahilan ko bakit nandito pa rin po ako.”