Glaiza de Castro on “intimidating” tag by Miguel Tanfelix

Glaiza de Castro understands Miguel Tanfelix's first impression of her.

Hindi na bago kay Glaiza de Castro na malamang kinakatakutan siya ng mga taong una niyang nakakasama at nakakatrabaho.

Ang kapwa Kapuso star niyang si Miguel Tanfelix ay aminadong na-intimidate kay Glaiza noong una silang magkasama sa Running Man Philippines Season 2.

Si Miguel ang bagong runner sa second season ng Kapuso variety-game program. Siya ang humalili sa runner noong si Ruru Madrid.

Si Glaiza naman ay kabilang sa original runners ng Running Man Philippines simula pa noong Season 1.

Sa ginanap na presscon ng Running Man Philippines noong May 4, 2024, nabanggit ni Miguel kung sino ang kapwa runner na kinatatakutan niya noong unang salang niya sa programa — sina Glaiza at Angel Guardian.

“Hindi naman naasiwa po, pero medyo nahirapan akong makisama kay Boss G [Glaiza]. Intimidating, e, nakakatakot!” natawang pag-amin ni Miguel.

Dagdag pa niya, “Lalo na kapag mga challenges, medyo palaban talaga, e. Kaya medyo natakot ako sa kanya.”

Glaiza de Castro understands Miguel Tanfelix's first impression of her.

Running Man PH Season 2 stars (L-R): Mikael Daez, Lexi Gonzales, Miguel Tanfelix, Glaiza de Castro, Buboy Villar, Angel Guardian, and Kokoy de Santos

Unti-unti naman daw nakapa ni Miguel ang ugali ng isa’t isa, lalo na ni Glaiza na noo’y kinatatakutan niya.

Ani Miguel: “May one time na nag-coffee kaming lahat ng runners. Nakapag-usap kami, parang naintindihan ko siya na, ‘Ah, kaya pala ganito.’

“Noong konti-konti na nage-get ko na kung paano ba ang Running Man. Kasi noong una, medyo clueless ako.

“Ang alam ko, mag-challenges kayo, pero gaano ka ka-competitive. Ilang percent yung fun dapat.

“Pero noong medyo nage-get ko na, saka ko para mas lalong nakilala si Boss G na competitive siya, pero masaya talaga kami.”

GLAIZA DE CASTRO REACTS

Sa nasabing presscon, nahingan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang reporters ng reaksiyon si Glaiza sa naging unang impression sa kanya ni Miguel.

Pag-amin ng Kapuso actress, alam niyang intimidating ang kadalasang impression sa kanya ng mga taong una niyang nakakasama.

Hinala niya, nadadala ng kanyang masungit na aura ang pagkakakilala sa kanya ng iba.

Maaari rin daw nakikita siya bilang isang kontrabida, gaya ng sikat na karakter niya sa Encantadia (2016) na si Pirena.

Saad ni Glaiza: “Feeling ko po talaga maraming nai-intimidate sa akin.

“Unang-una kasi yung aura ko, meron talaga akong ganon na parang kung hindi mo ako kilala, meron akong intimidating na characteristic siguro, na hindi ko rin ma-explain kung bakit.

“Akala nila si Pirena ako, tapos siguro ang laki kasi ng mata ko, kaya parang akala nila kapag tumititig ako, lagi akong galit, yung ganon.”

GLAIZA SAYS SHE UNDERSTANDS MIGUEL

Kung tutuusin, hindi raw minasama ni Glaiza ang naramdamang intimidation sa kanya ni Miguel.

Bagkus ay nakikita raw niya itong gawi ng pagrespeto ni Miguel sa kanya bilang ito ang una nilang pagkikita at pagsasama.

Sabi ni Glaiza: “So parang, ah, nage-gets ko naman kung bakit siya nai-intimidate, and I think magandang ano yun, magandang feeling din yun, kasi parang at least may respeto, di ba?

“Yung intimidation, I don’t think intimidation siya. Yung intimidation na yun, it’s more of like respect siguro.

“Nakikita ko lang na hindi siya kaagad FC, alam mo yung feeling close na agad na parang, ‘Hi guys, hello,’ yung ganon.”

Ito rin daw ang nakikita niyang rason kung bakit madali nilang nakasundo at nakapalagayan ng loob si Miguel sa Running Man Philippines.

Dagdag pa raw rito na bukas si Miguel na sabihin sa kanya nang harapan na kinatatakutan siya nito.

Ani Glaiza, “Kaya hindi siya naging trying hard para sa akin, si Miguel, to fit in.

“Kasi napo-progress yung pakikihalubilo niya sa amin.

“Hindi naman masyadong mataas yung wall niya, pero at the same time, hindi rin niya masyadong pine-penetrate yung kung ano man yun.”

WHAT GLAIZA ENJOYS THE MOST ABOUT RUNNING MAN PHILIPPINES

Masayang-masaya si Glaiza sa panibagong season ng programang minahal at nagpabago sa pananaw niya sa buhay—ng Running Man Philippines.

Kuwento niya, malaki ang nabago sa kanya noong napasama siya sa Season 1 ng Running Man Philippines at maging sa Season 2 nito ngayon.

Pagbabahagi niya: “Dahil sa Running Man Philippines, kasi masyado akong seryoso pagdating sa trabaho.

“Alam to ng mga co-runners ko, lagi ko itong sinasabi yung Season 1 pa, na lagi akong nara-rattle kapag hindi ako prepared na pumunta sa work.

“Pero dahil sa Running Man, binreak niya yon, parang mas nag-loosen up ako.

“Mas in-enjoy ko na yung present moments lalo na kapag magkakasama kami.

“Actually, ngayon ko lang sasabihin na dahil sa kanila, mas nararamdaman ko ngayon na ang sarap pala na hindi ka masyadong seryoso sa buhay.

“Okay lang na kalimutan mo muna yung responsibilities mo as an adult for once.”

Bukod kina Glaiza, Miguel at Angel Guardian, kasama rin nilang runners sina Mikael Daez, Buboy Villar, Kokoy de Santos, at Lexi Gonzales.