Patuloy na ginagamit ng isang manloloko ang pangalan ng award-winning director na si Joel Lamangan sa pambibiktima ng mga kabataang nangangarap pumasok sa showbiz.
Ang aspiring actor at GMA-7 bitplayer na si John Paul Christian “JP” Aspa ang isa sa mga muntik nang malinlang ng nagpapanggap na “Joel Lamangan.”
Nagpadala ng mensahe ang isang “Joel Lamangan” sa Instagram account ni JP at inalok siya sa diumano’y acting workshop at audition para sa mga nangangarap mag-artista.
Isasama raw siya sa bagong pelikula ng direktor na may pamagat na “Roomate.”
Nagpakita ng interes si JP na makasali sa acting workshop dahil sinabi ng nagpapanggap na “Joel Lamangan” na mabibigyan siya ng supporting role sa “Roomate.”
“Anak” pa nga ang tawag sa kanya ng nagpapanggap na direktor.
Sa kabila ng pagkasabik na nararamdaman dahil isang premyadong direktor ang unang nagpadala sa kanya ng mensahe, nagduda si JP nang sabihin ng impostor ni Direk Joel na kailangan niyang magbayad ng PHP2,000 para sa acting workshop na magaganap sa City Garden Grand Hotel, Kalayaan Avenue, Makati City, sa May 14, 2024.
Nang tawagan ni JP si Direk Joel, nakumpirma niyang scammer ang kausap niya sa Instagram direct messenger.
Apparently, nakarating na kay Direk Joel na may gumagamit sa pangalan niya sa panlilinlang ng kapwa at kumita ng pera sa mabilis na paraan.
Pinayuhan ng beteranong direktor si JP na ireklamo ang scammer na “Joel Lamangan” ang Instagram handle at may username na “direk_joel_ lamangan.”
Hiningi namin ang permiso ni JP para mailabas ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) ang mga screenshot ng palitan nila ng mensahe ng impostor ni Direk Joel bilang mga ebidensiya.
At para mabigyan ng babala ang mga aspiring actor na madaling maniwala sa matatamis na pangako ng taong hindi nila nakikita nang personal at ginagamit ang social media sa masamang paraan.