Nasa ibang bansa pa si Paolo Contis nang naka-text ko kahapon, Marso 7, 2024.
Kinulit ko siya ng pahayag pagkatapos inilabas ng TAPE, Inc. ang kanilang official statement kaugnay sa pagtatapos ng kinabinilangan niyang noontime show, ang Tahanang Pinakamasaya.
Saka na raw siya magsasalita tungkol dito. Okay naman daw siya, pero nahahalata naming masama ang loob niya sa nangyari.
Nababalitaan na kasi kami noong nakikipag-usap na ang TAPE sa GMA-7 tungkol sa renewal ng kontrata, pero hindi pala sila pinagbigyan.
Narinig din naming meron nang binubuong bagong noontime show ang GMA-7 na ipapalit sa nasibak na programa.
Maaaring kasado na ang ipapalit na noontime show kaya hindi na nila pinagbigyan ang TAPE, Inc.
Pero walang sagot sa amin ang ilang staff na napagtanungan namin. Wala pa raw instructions sa kanila kung ano ang gagawin.
Pelikula muna ang mapapanood sa timeslot na iniwan ng Tahanang Pinakamasaya.
Ang isa pang nasagap namin, ang team ng TiktoClock at All-Out Sundays daw ang gagawa ng bagong noontime show, pero ipapa-approve pa sa mga boss.
Totoo kayang ilang hosts sa Tahanang Pinakamasaya ang kukunin ng GMA-7 para sa bagong noontime show na gagawin nila?
Aalamin pa namin kung gaano ito katotoo at kung sinu-sino ang mga ito.
Makahulugan din ang sinabi sa official statement ng TAPE na “see you again.”
Inaayos kaya ang pagbabalik nila sa GMA-7 o may kinakausap silang istasyon na babalikan ng kanilang programa?
Kaabang-abang ang twists and turns sa Battle of Noontime Shows, na na-blind item natin dito sa PEP Troika noong Marso 1, 2023.
May lumulutang o pinapalutang na bali-balitang si Willie Revillame ang magho-host sa bagong noontime show ng Kapuso Network.
E, di ba, hopia pa rin ang PTV-4 at IBC-13 na sa kanila magbabalik-TV si Kuya Wil?
Nakakawindang kung mula sa GTV ay lilipat sa GMA-7 ang It’s Showtime na pinapangunahan ni Vice Ganda.
Ano kaya ang insights dito ng mga manghuhu?
Ang Refresh Weekdays ng GMA-7 simula ngayong Marso 8, Biyernes — Lunchtime Movie Hits (12:00 nn), Abot-Kamay Na Pangarap (2:00 p.m.), Lilet Matias: Attorney-At-Law (3:00 p.m.), Makiling (3:55 p.m.), at Fast Talk with Boy Abunda (4:40 p.m.).
Ang Can’t Wait for Sabado programming ng GMA umpisa bukas, Marso 9 — Kapuso Movie Festival (11:30 a.m.), Lunchtime Movie Hits (1:00 p.m.), at Abot-Kamay Na Pangarap (2:30 p.m.).
Ang plot twist ay ang Praybeyt Benjamin movie ni Vice Ganda ang palabas ngayon sa timeslot dati ng Tahanang Pinakamasaya sa GMA-7.
In the end, magandang maaral kung ano ang susunod na move ng GMA-7, kung magpapa-block time na lang sa It’s Showtime o gumawa ng bagong show at mamuhunan at gumastos ng higit sa nakasanayan habang nandiyan pa ang TAPE.
Maligalig ang noontime slot ngayon, lalo na sa GMA.
Abangan natin kung kakatig sila sa nakasanayan, o gagawa sila ng bago naman…..
Go, go, go sa papasok na programa!
Get more updates on the Philippine entertainment industry on PEP.ph