Green gown at buwan ng November, maghatid din kaya ng suwerte kay Michelle Marquez Dee?

melanie michelle winwyn emerald green gown
Will Michelle Marquez Dee (center) have the same luck as her mother Miss International 1979 Melanie Marquez (left) and cousin Reina Hispanoamericana 2017 Winwyn Marquez (right) by wearing emerald green gown in their respective beauty pageants?

Si Mark Bumgarner ang designer ng emerald green custom gown na ginamit ni Michelle Marquez Dee sa preliminary evening gown competition ng Miss Universe 2023.

Napanood sa Pilipinas ang Miss Universe 2023 preliminary competition nitong Huwebes ng umaga, Nobyembre 16, 2023, sa official YouTube channel ng Miss Universe Organization.

Nang matapos ang preliminary competition na ginanap sa San Salvador, El Salvador, saka lamang isiniwalat ni Bumgarner ang inspirasyon ng damit na ginawa niya para kay Michelle.

Paglalarawan ni Mark, “This dress is a tribute to one iconic Filipina, her mother Melanie Marquez who won Miss International in 1979.

“The gown is encrusted with different shades of emerald green and black Swarovski crystals to give it a shine of snakeskin of a green viper; a symbol of power, wisdom, and transformation.”

Ang emerald green gown ni Michelle ay kakulay ng evening gown na kasuotan ni Melanie nang manalo siyang Miss International 1979, sa Tokyo, Japan, noong Nobyembre 12, 1979.

melanie marquez miss international 1979
Miss International 1979 Melanie Marquez

Malalaman natin sa Linggo, Nobyembre 19 (Sabado ng gabi, Nobyembre 18, sa El Salvador) — ang araw ng koronasyon ng 72nd Miss Universe — kung magiging masuwerte para kay Michelle ang green-colored gown, pati na ang buwan ng Nobyembre.

Nobyembre rin noon nang nagwaging 19th Miss International si Melanie, 44 taon na ang nakalilipas.

Hindi lamang si Melanie ang mapalad sa pagsusuot ng emerald green dress dahil ito rin ang kulay ng winning gown ni Winwyn Marquez nang maging kinatawan siya ng Pilipinas sa Reina Hispanoamericana 2017, sa Santa Cruz dela Sierra, Bolivia, noong Nobyembre 4, 2017.

Si Winwyn ang kauna-unahang Pilipina na nag-uwi ng korona ng Reina Hispanoamericana.

winwyn marquez reina hispanoamericana 2017
Reina Hispanoamericana 2017 Winwyn Marquez

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na magpinsan sinai Michelle at Winwyn, na anak ng kapatid sa ama ni Melanie na si Joey Marquez.

At gaya ni Melanie, na nagwaging Miss International noong Nobyembre 1979, buwan din ng Nobyembre nang manalo si Winwyn bilang 27th Reina Hispanoamericana.

Masusubukan sa darating na Linggo, Nobyembre 19, kung maghahatid din ng suwerte kay Michelle ang kasalukuyang buwan at ang kulay berdeng damit na ginamit niya sa preliminary evening gown competition ng 72nd Miss Universe.

Trivia: “Teresita Sen Marquez, Filipinas!” ang pakilala ni Winwyn sa sarili sa Parade of Nations ng 27th Reina Hispanicoamericana dahil ginanap ito sa Bolivia, na isang Spanish-speaking country.

Tulad ng kanyang pinsan, “Michelle Marquez Dee, Filipinas!” ang introduksiyon ni Michelle bilang Espanyol din ang pananalita sa El Salvador.