Heart Evangelista readies to lead Senate spouses group

Nakatakdang pamunuan ng aktres na si Heart Evangelista ang Senate Spouses Foundation Inc. matapos maluklok bilang Senate President ang asawa niyang si Senator Chiz Escudero.

Pinalitan ni Chiz si former Senate President Migz Zubiri noong May 20, 2024.

Bilang tradisyon, awtomatikong magiging pinuno ng Senate Spouses Foundation, Inc. ang kabiyak ng hihiranging Senate President.

Kung wala naman itong asawa, maaring kapatid o sinumang kamag-anak ang itatalaga rito.

Sa Kapehan sa Senado forum ngayong Huwebes, May 23, 2024, naitanong kay Senator Chiz kung napag-usapan na ba nila ng asawang si Heart ang tungkol dito.

Ayon sa bagong Senate President, tila nag-panic si Heart dahil sa nakaatang na responsibilidad na ito.

Lahad niya, “Pinag-usapan na namin kagabi. Parang naiyak siya nang kaunti, nag-panic siya, parang hindi daw niya kaya.”

Nakilala at nakausap na raw ni Heart ang kabiyak ng ilang senador noong nagkaroon sila ng dinner sa Malacañang matapos manumpa si Chiz.

Lahad ni Senator Chiz, “Nag-uusap sila at magmi-meeting ata sila next week.

“Nagtatanong siya. Hindi daw niya alam, hindi daw niya kabisado.

“Sabi ko, ‘Ako rin naman, hindi ko alam, hindi ko rin kabisado.’

“Sabi niya, ‘E, ikaw ang tagal-tagal mo na diyan, mundo mo yan.’

“Sabi ko, ‘E, senador, oo. Pero Senate President, hindi.”

HEART EVANGELISTA: THE SENATE PRESIDENT’S WIFE

Kailangan din daw magpa-briefing si Heart ng mga gawain ng Senate Spouses Foundation, Inc.

Pinayuhan din daw ni Chiz ang misis na huwag magpa-pressure.

Aniya, “[I told her] ‘Huwag ka magpa-pressure, yung kaya lang, kung ano lang yung kaya.’

“Sabi ko lang, ‘Simulan mo muna sa baba, paakyat, imbes na magsimula ka sa taas na pababa.’

“Ibig sabihin, huwag yung ang dami-dami agad. Simulan mo muna sa kaunti na parami, kaysa sinimulan nang madami tapos kumonti.”

Dagdag pa ni Chiz, “Papakinggan muna niya yung ginagawa na madalas at ibabato niya sa grupo, sa mga miyembro ng Senate spouses, yung idea niya. Kukuha siya ng idea sa kanila kung ano pa yung puwedeng magawa.

Willing bang tanggapin ni Heart ang challenge?

Tugon ni Chiz, “Sa ngayon, willing pa lang. Magiging ready pa lang.”