Heaven Peralejo describes past relationship with Kiko Estrada as “heaven and hell”

Kinumpirma ni Heaven Peralejo, 22, na naging magkarelasyon sila ni Kiko Estrada, 26, nitong 2021.

Ito ay matapos siyang tanungin sa Magandang Buhay kung mailalarawan ba niyang “heaven” o “hell” ang “natagpuang pag-ibig noong simula ng taon.”

“Ano kaya? Both na natin,” napangiting sagot ni Heaven.

Bakit niya nasabing heaven ang kanyang relasyon noon?

“Why? Naging masaya naman ako. And marami naman ako natutunan,” simpleng saad ng young actress.

Pero may bahagi ring “hell” ang narasanan niya.

Ani Heaven, “Yung hell, kasi siyempre, ewan ko, siguro in life hindi naman lahat masaya.”

Umere ang panayam kay Heaven noong December 23.

Ang Umagang Kay Ganda co-host na si Melai Cantiveros ang tahasang nagpangalan na si Kiko ang tinutukoy ni Heaven, at kinumpirma ito ng aktres.

ALLEGED THIRD PARTY ISSUE

Hindi lingid sa publiko na kontrobersiyal ang relasyon nina Heaven at Kiko.

Itinurong third party si Heaven sa hiwalayan nina Kiko at Devon Seron na naging magkarelasyon ng dalawang taon.

Noong March 9, 2021 pumutok ang isyu nang magpakawala ng matalinhagang Instagram post si Devon tungkol sa kasinungalingang natuklasan niya.

Sindundan iyon ng malamang Instagram Stories ng kapatid ni Devon tungkol sa isang personalidad na binansagang ahas at hindi bagay sa langit.

March 12, 2021 nang mariing pinabulaanan ni Heaven na may ugnayan sila ni Kiko.

Makalipas ang tatlong buwan, noong June 2021, namataan sina Heaven at Kiko na magka-holding hands sa Boracay.

Nakita rin silang magkasamang dumalo sa isang party noong July 2021.

Tuluyan nilang inilantad ang pagtatangi sa isa’t isa nang mag-post sila ng kanilang couple photos sa Instagram noong August 2021.

Pinutakti sila ng mga batikos mula sa netizens na patuloy na inaakusahang third party si Heaven sa breakup nina Kiko at Devon.

Sa panayam ni Ogie Diaz noong August 24, 2021, nanindigan si Kiko na hindi totoo ang bintang sa kanila ni Heaven.

Ayon kay Kiko, nag-break sila ni Devon noong Valentine’s Day nitong taon.

Makalipas ang isang buwan ay saka pa lang daw sila nagsimula ni Heaven na “getting to know each other.”

Naging magkasintahan daw sina Kiko at Heaven noong May 30, 2021.

Diin ni Kiko, “There was no overlapping.”

Pero nauwi rin sa breakup ang relasyon nina Kiko at Heaven noong September 2021.

HEAVEN’S ON LESSONS LEARNED

Sa kabila ng intrigang kinasangkutan nitong 2021, inihayag ni Heaven na malaking tulong ang pagbabakasyon niya sa Siargao nang magdiwang siya ng kanyang 22nd birthday noong Nobyembre.

“Siguro na-handle ko siya in a way na surrounded ako with people who taught me a lot of lessons,” saad niya sa Magandang Buhay.

“Yung Siargao trip ko na yun is something reflective. Nag-reflect ako nung Siargao.

“Nalaman ko yung mga bagay na okay ako, mga bagay na hindi, mga bagay na kailangan baguhin sa sarili ko at sa buhay ko, and mga tao na dapat nasa buhay ko, at dapat na hindi.

“Parang acceptance yung Siargao na yun. Na-accept ko lahat.”