Noong Linggo, Abril 7, 2024, ay nakuha na ng PEP Troika ang ratings ng mainit na tapatan ng Eat Bulaga! at It’s Showtime noong Sabado, Abril 6.
Inaasahan nang mataas itong pagsisimula ng It’s Showtime sa GMA-7 dahil talaga namang inabangan ito ng marami.
Bukod pa riyan, ang daming pinag-usapan at talagang nag-trending worldwide ang mga naganap sa Kapamilya noontime show na nasa Kapuso network.
Ayon sa nakuha ng PEP Troika na survey, base sa AGB Nielsen NUTAM, naka-9.7% ang It’s Showtime. Agrregated ratings na ito na kuha sa GMA-7, GTV, A2Z, at Kapamilya Channel.
Ang Eat Bulaga! naman ng TVJ na palabas sa TV5 at sa RPTV ay naka-4.4%.
Ibig sabihin, mahigit kalahati ang lamang ng It’s Showtime sa Eat Bulaga!.
Lalo pang dumami ang commercial load ng noontime show nina Vice Ganda, Anne Curtis, Kim Chiu, Vhong Navarro, at iba pa.
Hindi ito kagulat-gulat dahil sa inaabangan itong sanib-puwersa ng GMA-7 at Kapamilya Channel.
Ang titingnan natin ngayon ay kung mame-maintain ba ng It’s Showtime na mataas at patuloy nitong matatalo ang Eat Bulaga!. Abangan na lang natin.
NOEL FERRER
Parang expected itong consolidated rating na ito lalo pa’t nagsanib-puwersa talaga ang reach ng iba’t ibang media platforms.
Ang mainam pa rito ay hindi puchu-puchung presentation ang ipinakita sa pilot episode sa GMA airing ng It’s Showtime. Deserve na papurihan ang paghihirap ng mga artista at staff behind the show.
Maganda itong ganitong kumpetisyon. It is setting better standards ng panoorin para sa mga viewers ng noontime show.
Ang aabangan ngayon, kung ano ang ipantatapat ng Eat Bulaga! at TV5 sa pinalakas na kalaban nila ngayon.