GORGY RULA
Noong Linggo, Abril 7, 2024, ay nakuha na ng PEP Troika ang ratings ng mainit na tapatan ng Eat Bulaga! at It’s Showtime noong Sabado, Abril 6.
Inaasahan nang mataas itong pagsisimula ng It’s Showtime sa GMA-7 dahil talaga namang inabangan ito ng marami.
Bukod pa riyan, ang daming pinag-usapan at talagang nag-trending worldwide ang mga naganap sa Kapamilya noontime show na nasa Kapuso network.
Ayon sa nakuha ng PEP Troika na survey, base sa AGB Nielsen NUTAM, naka-9.7% ang It’s Showtime. Agrregated ratings na ito na kuha sa GMA-7, GTV, A2Z, at Kapamilya Channel.
Ang Eat Bulaga! naman ng TVJ na palabas sa TV5 at sa RPTV ay naka-4.4%.
Ibig sabihin, mahigit kalahati ang lamang ng It’s Showtime sa Eat Bulaga!.
Lalo pang dumami ang commercial load ng noontime show nina Vice Ganda, Anne Curtis, Kim Chiu, Vhong Navarro, at iba pa.
Hindi ito kagulat-gulat dahil sa inaabangan itong sanib-puwersa ng GMA-7 at Kapamilya Channel.
Ang titingnan natin ngayon ay kung mame-maintain ba ng It’s Showtime na mataas at patuloy nitong matatalo ang Eat Bulaga!. Abangan na lang natin.
NOEL FERRER
Parang expected itong consolidated rating na ito lalo pa’t nagsanib-puwersa talaga ang reach ng iba’t ibang media platforms.
Ang mainam pa rito ay hindi puchu-puchung presentation ang ipinakita sa pilot episode sa GMA airing ng It’s Showtime. Deserve na papurihan ang paghihirap ng mga artista at staff behind the show.
Maganda itong ganitong kumpetisyon. It is setting better standards ng panoorin para sa mga viewers ng noontime show.
Ang aabangan ngayon, kung ano ang ipantatapat ng Eat Bulaga! at TV5 sa pinalakas na kalaban nila ngayon.
One thing is sure: Hindi sila puwedeng maging kampante. I’m sure they’ll come up with a Level Up version soonest.
At katulad ng lagi kong sinasabi, kapag nangyari yun, tayong mga audience ang panalo!
JERRY OLEA
“Barangay Cinco: Wow na Wow sa Tag-araw” ang battlecry ng TV5.
Abril 6, Sabado ng 11:30 a.m., ay “National Barangay Day” ang paandar ng Eat Bulaga!, kung saan tampok si Andres Muhlach na tinaguriang “Hottest Gen Z Heartthrob.”
Nag-pilot sa Kapatid Network noong Sabado ng 6:15 pm ang Top 5 Mga Kwentong Marc Logan.
Ngayong Abril 8, Lunes ng 2:30 p.m. ay mapapanood na sa TV5 ang teleseryeng Carlo J. Caparas’ Lumuhod Ka Sa Lupa.
Tampok dito sina Kiko Estrada, Sarah Lahbati, Sid Lucero, Gardo Versoza, at Rhen Escaño. Nasa cast din sina Mark Anthony Fernandez, Jeric Raval, Andrew Muhlach, Phoebe Walker, Rose Van Ginkel, Jeffrey Hidalgo, JC Tiuseco, Jamilla Obispo, at Andre Yllana.
Matapos ang mala-Dune performance ni Vice Ganda noong Sabado sa It’s Showtime, more and more ang mga payanig niya sa programa.
Umupo ang Asia’s Unkabogable Superstar sa tuktok ng GMA logo sa gusali ng Kapuso Network.
Nag-perform siya ng “Thunder,” “Champion,” at “Hall of Fame.”
Nagpakitang-gilas din sa It’s Showtime sina Anne Curtis, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Karylle, Kim Chiu, Ogie Alcasid, Amy Perez, Darren Espanto, Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, Ryan Bang, Jackie Gonzaga, MC, Lassy, Ion Perez, at Cianne Dominguez.
Nakisaya sa “Karaokids” segment ang Kapuso stars na sina Gabbi Garcia, Sanya Lopez, Glaiza de Castro, Jillian Ward, Mark Bautista, Christian Bautista, Jake Vargas, Mikee Quintos, Nadine Samonte, at Chanty.
Sumalang sa espesyal na episode ng “EXpecially For You” si Michelle Dee kasama ang ina niyang si Miss International 1979 Melanie Marquez.
Ang peak concurrent viewers ng It’s Showtime noong Sabado ay 524, 294. Pasavogue!!!