Isang historic moment ang nakatakdang maganap bukas, Miyerkules, Marso 20, 2024.
Ito ang pirmahan ng kontrata sa pagitan ng GMA-7 executives at ABS-CBN executives para sa pormal na paglipat ngIt’s Showtime sa timeslot na iniwanan ng Tahanang Pinakamasaya, ang noontime variety show ng TAPE Inc. na nagpaalam sa telebisyon noong Marso 8, 2024.
Nakatakdang ganapin ang contract signing ng alas kuwatro ng hapon sa Studio 7 ng GMA Network.
Inaasahang dadaluhan ito ng labimpitong personalidad na bahagi ng noontime show ng Kapamilya Network, sa pangunguna ni Vice Ganda.
Bago maganap ang contract signing, sama-samang kukunan ang pagdating ng It’s Showtime hosts sa bakuran ng GMA Network sa Timog Avenue main entrance.
Nitong Martes ng umaga, Marso 19, nagkaroon ng ocular inspection sa Kapuso Network building ang staff ng noontime variety program ng Kapamilya Network.
Bukod sa mga host ng It’s Showtime, imbitado sa contract signing na idaraos ang mga artista ng ABS-CBN at ang contract stars ng Sparkle GMA Artist Center, ang talent management arm ng GMA-7.
Kabilang sa mga mainstay host ng It’s Showtime si Ogie Alcasid na muling tutuntong sa bakuran ng GMA-7 makaraan ang labing-isang taon.
Labingwalong taong contract star ng GMA-7 si Ogie bago siya nagpasyang lumipat sa TV5 noong 2013 at sa ABS-CBN noong 2016.
Malaking bagay na muli siyang mapapanood sa kanyang dating home studio dahil sa susunod na buwan, Abril 2024, matutunghayan na ang It’s Showtime sa Kapuso Network.
Noong July 1, 2023, nagsimulang umere ang It’s Showtime sa GTV, ang subsidiary channel ng GMA-7, nang matapos ang simulcast agreement ng ABS-CBN at ng TV5 noong June 30, 2023.
At makalipas ang halos isang taon ay sa mismong GMA-7 na eere ang Kapamilya noontime show.