It’s Showtime, matunog ang balitang lilipat sa GMA-7

Halos iisa ang pinag-uusapan ng mga entertainment press sa media conference ng GMA-7 ngayong Biyernes, March 15, 2024: Totoo bang ililipat na sa GMA-7 ang Kapamilya noontime show na It’s Showtime?

Ito kaya ang tinutukoy ni Vice Ganda na magandang balitang sinabi sa kanya ng management?

Ilang Kapuso executives ang tinanong namin tungkol dito, pero wala silang naisagot sa amin dahil wala raw silang alam.

Pero ang isa sa narinig ng PEP Troika, noon pa man ay inaayos na raw ng Business Development Department 3 (BDD3) ng GMA-7 ang noontime show na ipapalit sa timeslot ng Tahanang Pinakamasaya.

Ang BDD3 ang gumagawa ng All-Out SundaysTiktoClock, at iba pang variety o musical shows ng Kapuso network.

Tinanong namin ang ilang taga-BDD3, wala rin silang maisagot.

May isa namang sinagot kami ng “Hala!”

Naiintindihan naman namin kung ayaw muna nilang magsalita. Pero may nagsasabi ring posibleng totoo rin ang balitang ito tungkol sa It’s Showtime.

Abangan na lang daw natin.

Sa kasalukuyan ay napapanood ang It’s Showtime sa Kapamilya Channel at sa GTV, ang subsidiary channel ng GMA-7.

Tamang-tama naman, nasa mediacon ng GMA-7 ngayong araw ang ilang cast members ng gag show na Bubble Gang na sina Paolo Contis, Chariz Solomon, Betong Sumaya, Buboy Villar, at Kokoy de Santos.

Lahat sila ay naging co-hosts ng Tahanang Pinakamasaya.

bubble gang cast
PHOTO/S: GORGY RULA

ubble Gang cast: (from left) Kokoy de Santos, Buboy Villar, Betong Sumaya, Chariz Solomon, Paolo Contis, Cheska Fausto, Matt Lozano, and Edgar Allan Guzman

Hihingan sana namin sila ng reaksiyon sa balitang ang It’s Showtime ang ipapalit sa nasibak nilang noontime show.

Pero pagkatapos ng question-and-answer portion ay kaagad silang ipinasok sa dressing room. Hindi na sila in-allow na ipa-one-on-one interview.

Kinulit ko pa rin si Paolo, pero hindi siya pinayagang magsalita.

“Confirmed na ba? Pag confirmed na talaga, dun niyo ako tanungin,” pakonsuwelong sagot sa amin ng Kapuso actor-TV host.

Sa pagtatanung-tanong pa ng PEP Troika, may ilang kontra sa ideyang ito.

Rason nila, lalo lang daw pinalalakas ng GMA-7 ang artists ng ABS-CBN. Nawalan man sila ng prangkisa, pero namamayagpag pa rin ang mga artista nila.

Kung kukuha man daw ang Kapamilya noontime show ng Kapuso artists, tiyak na magiging support lang ang mga ito sa main hosts na sina Vice Ganda, Anne Curtis, Vhong Navarro, at Kim Chiu.

Maganda kayang ideya yun? Ano sa tingin niyo, mga ka-Troiks?

Bukod sa Bubble Gang na nasa 29th year na, in-announce na rin sa mediacon ng GMA-7 ang second anniversary ng Family Feud ni Dingdong Dantes next week.

Nandun din ang ilang runners ng Running Man Philippines 2 na sina Mikael Daez, Kokoy de Santos, at Buboy Villar. Magsisimula na raw ito sa Mayo 11 at 12.

Mas pinalakas din ang iba pang programa ng GMA-7 na Pepito Manaloto, Fast Talk With Boy Abunda, I-Bilib, Amazing Earth, at The Boobay and Tekla Show.

Bahagi ito ng kanilang bagong campaign na “Basta Sama Sama… Best Time Ever.”

gma-7 stars

(From left) Matt Lozano, Cheska Fausto, Betong Sumaya, Edgar Allan Guzman, Chariz Solomon, Dingdong Dantes, Paolo Contis, Mikael Daez, Kokoy de Santos, Buboy Villar, Angel Satsumi, Arthur Solinap, and Jake Vargas

JERRY OLEA

Parang kailan lang na wagas ang kabugan ng It’s Showtime sa ABS-CBN at Eat Bulaga! sa GMA-7.

Nawalan ng prangkisa ang Kapamilya Network. Napunta ang It’s Showtime sa TV5.

Marso 1, 2023 nang ma-blind item natin dito ang malaking pagbabago sa landscape ng local noontime shows.

Umalis sa Eat Bulaga! ang Legit Dabarkads sa pangunguna ng mga institusyong sina Tito, Vic & Joey.

Nagkaroon ng bagong set of hosts ang revamped Eat Bulaga!.

Noon pa man ay may pahiwatig na tayo — ano kaya kung ang It’s Showtime ay mapunta sa GMA-7, at ang Eat Bulaga! ng TVJ ay mapunta sa TV5?

Kumbaga, magpalit ng studio ang magkaribal na noontime show.

Ayun nga at kinuha ng TV5 ang TVJ na nagkaroon ng EAT sa Kapatid Network.

Ang It’s Showtime ay “sinalo” ng GTV, na affiliated sa GMA Network.

Nabawi ng TVJ ang title na Eat Bulaga! at iyon na ang naging title ng show nila sa TV5.

Ang revamped Eat Bulaga! ay naging Tahanang Pinakamasaya, na kapagkuwan ay naging “Tahanang Pinasara.”

Kung totoo itong nababalitang paglipat muli ng It’s Showtime, ano kaya ang negotiation ng Kapamilya Channel sa GMA-7? Maganda kaya ang presyo ng blocktime na ibinigay sa kanila?

Totoo kayang PHP75M a month na ang singil ng GMA-7 sa TAPE, Inc. kaya pumayag na silang sibakin ang Tahanang Pinakamasaya?

Balak pa ba ng TAPE na mag-show sa GMA-7? Totoo bang nakikipag-usap sila ngayon na bigyan sila ng ibang oras?

Ayon sa legal counsel ng TAPE, Inc. na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, wala siyang naririnig na ganun. Sa pagkakaalam niya ay wala pang ganung pag-uusap.

Aniya, “Sa ngayon po, wala. Kasi for the meantime, gusto munang ayusin ng TAPE ang mga employees.

“Ang inaayos yung mga employees nandun sa production sa noontime show. Yung mga directors, writers, nandun sa show na nawalan ng trabaho.

“Inaayos lahat yan. The corporation… they make it sure na hindi naman masyadong mahirapan yung mga employees na nawalan ng trabaho.

“Maybe… matapos lahat yun, that’s the time na they will look into the project or kung may ma-offer sa kanilang project na puwede nilang i-produce.

“But for the meantime, wala pa po.”

Sakaling lumipat na ang It’s Showtime sa GMA-7, tuloy pa rin kaya ang pagpapalabas ng TV5 sa mga Kapamilya primetime teleserye?

NOEL FERRER

Katulad ng nauna nating pinag-usapan dito, mas exciting talaga kapag It’s Showtime ang ilagay sa timeslot na iniwan ng Tahanang Pinakamasaya dahil yun ang pinakamadaling gawin ng GMA-7.

Walang kalugi-lugi.

Hindi rin ito mapipilitang maglabas ng malaking pera at makipag-compete pa sa current TV landscape.

At may magandang basa pa riyan ang kapatid kong Ian Reyno na, tulad ko, umikot na sa lahat ng mga istasyon sa TV.

Aniya, “The very last white flag to be raised amidst the decades-long network war. If finalized as planned, all is well and at peace in the entertainment industry.”

Ako, napakagandang i-welcome sa Kapuso network sina Vice Ganda, Anne Curtis, Vhong Navarro, Kim Chiu, Karylle, Ogie Alcasid, atbp. na ang karamihan ay may ugat din sa Siete.

Hintay-hintay tayo sa mga susunod na linggo.