Sa dami ng kakaiba at challenging roles na nagampanan na ni Jake Cuenca, mapa-teleserye man o pelikula, aminado ang Kapamilya actor na nagdalawang-isip siya nang ialok sa kanya ang Philippine adaptation ng K-drama na What’s Wrong With Secretar Kim.
Ginagampanan niya rito ang role bilang Morpheus, kapatid ng karakter ni Paulo Avelino.
Ang What’s Wrong With Secretary Kim ay isang romantic-comedy series na napapanood sa Viu mula noong March 18, 2024.
“Second thought? At first, kasi di pa natatapos ang Iron Heart, they offered it to me right away.
“You have to understand, I was shooting a finale, nasa ibang bansa kami, pagod.
“Iba yung nararamdaman mo, yung pagod ka kasi mabibigat yung mga eksena na ginawa namin,” saad ni Jake sa panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) kay Jake sa nakaraang intimate presscon ng aktor na ginanap sa Pandan Asian Cafe noong March 20.
Ang Iron Heart ay ang huling teleseryeng ginawa ni Jake bago ang What’s Wrong With Secretary Kim.
Ayon kay Jake, ang namayapang Dreamscape head na si Deo Edrinal ang kumumbinsi sa kanya para tanggapin ang proyekto.
Lahad ni Jake, “Nung finally nanood sila Sir Deo ng play ko that time, yung Dick Talk, nag-usap kaming dalawa. Nung siya na ang kausap ko, I said yes.
“Sabi ko nga, at first parang it’s hard to convince me. Pero yung final na nag-convince sa akin, si Sir Deo.
“And I am happy I said yes, na ginawa ko siya, kasi I owe Sir Deo a lot. I won’t be where I am if it’s not for Sir Deo.
“So, for me, I am happy and I dedicate my last performance to Sir Deo.”