May iniwang note ang beteranong aktor na si Ronaldo Valdez, 77, bago ito binawian ng buhay noong Disyembre 17, 2023.
“Nag-post ang daddy ko, e, parang minutes before,” pagsisiwalat ni Janno Gibbs nitong Enero 15, 2024, Lunes ng hapon, sa Club Filipino ng Greenhills, San Juan City.
“Nag-post siya sa Facebook, e, ng parang goodbye, ganun-ganun. ‘No viewing,’ ganun.
“Nag-post siya, na nalaman na lang namin after. Kasi, di namin nasisilip yung Facebook. Nag-post pala siya ng ganun.
“I took it down. Nung nakuha ko yung phone niya, binaba ko na. Kasi, hindi maganda tingnan, e. Di ba?
“Pero nasulat niya dun na ‘no viewing.’ So, nirespeto ko yun.”
Dalawang gabi lang pinaglamayan ang cremains ni Ronaldo sa Loyola Memorial Chapels and Crematorium sa Brgy. Guadalupe Viejo, Makati City.
Dagdag ni Janno, “Ang mga pinapunta lang namin, yung mga nagtanong, ‘Puwede ba kaming pumunta?’ ‘Sige.’
“Pero hindi na namin in-announce na you can visit, ganun. Yung mga nagtanong na lang, ‘Puwede ba kaming pumunta?’ ‘OK.’”
Maliban sa legal counsel niyang si Atty. Lorna Kapunan, kasama ni Janno sa Club Filipino mediacon ang misis niyang si Bing Loyzaga, at kapatid na si Melissa Gibbs.
PHOTO: Jerry Olea
Melissa Gibbs (left) and Bing Loyzaga
TRIP TO JAPAN TWO DAYS AFTER RONALDO’S WAKE
Paano unti-unting bumabangon si Janno sa malagim na pangyayari?
“Nakatulong na right after… dalawang araw lang yung wake, e,” lahad ni Janno.
“Actually nung first night lang ako nandun. I had to be strong for the family. Siyempre ako na yung pinaka-head. Ako na yung pinakapunong abala.
“Akala ko, kaya ko. Dahil wala, e. Nung second day, hindi ko na kinaya. Hindi na ako nakarating nung second night.
“Nag-breakdown ako sa bahay. Sabi ko kay Bing, ‘Hindi ko kaya.’ So yun, it helped na after two nights, lipad na kami agad.
“Yung trip na yun to Japan was scheduled talaga. Naka-schedule talaga yun even before that happened.
“So, nung una, sabi ng anak ko, ‘Huwag na nating ituloy dahil may nangyari.’ Sabi ko, ‘Hindi! Ituloy natin dahil kailangan natin ito para makahinga tayo.’
“Sa lahat. Para sa sarili namin, saka makahinga from… from lahat ng mga magtatanong, di ba?
“So, nakatulong yon, yung trip namin. After that trip, pag-uwi namin, lipad na naman kami. Punta naman kaming Singapore kung saan nakatira yung isang anak ko…
“Kasi nga, ayaw naming umuwi hangga’t maaari dahil dun nangyari, e. Di ba? Dun nangyari, so hangga’t maaari, ayaw naming umuwi.”
May plano ba silang lumipat ng bahay?
Mabilis na tugon ni Janno, “Yes, oo. Definitely, definitely. Kasi, iba na. Iba na yung tingin namin dun sa house, e. Di ba?
“Although separate naman siya, dalawang unit siya, e. It was in the other unit. But still…”
HOLIDAYS WITH RONALDO
Kumusta ang kanilang Pasko at Bagong Taon?
Napabuntong-hininga si Janno, “Yun nga, ang Christmas namin was in Japan. Kasi, wala naman kaming iki-Christmas dito.
“Si Melissa, her family is here. So, dun na kami. And then New Year naman, sa Singapore with my daughter.
“Yun, para lang… mahirap mag-Christmas dito. Iba, iba ang pakiramdam.”
Hindi na napigilan ni Janno ang sarili dun sa mga nag-comment sa pagbabakasyon nila sa Japan. Pinatulan na niya.
“Nag-post kasi ako ng sumasayaw pa. Ako, sumasayaw. E, ano ko yun, paraan ko yun para mag-move on.
“May sinagot akong isa lang naman na, ‘Bakit nagsasaya ka pa?’ Kilala ko ang daddy ko.
“Kung kilala ko ang daddy ko, mas gugustuhin niya ang ganun na… ayaw niya ng malungkot.
“Ayaw nga niya ng viewing, e, di ba? Ayaw nga niya ng wake, e.
“Mas gusto niya yun, ‘Magsaya kayo!’ Ganun. I’m thinking also na one of the reasons, parang ayaw niya kaming pahirapan na.
“Alam mo yun, ayaw niyang maging kargo namin. Ganun siyang klase. Macho yun, e. Ganun naman tayo, yung mga lalaki. ‘Ayokong maging kargo niyo ako.’
“Maaari. Hula ko lang.”
CELEBRATION OF LIFE
Nagkaroon na ba ng inurnment? Inilibing na ba ang cremains ni Ronaldo?
“Hindi pa. Na kay Melissa ang urn niya.”
May plano ba silang Celebration of Life para kay Ronaldo? Para may pagkakataon ang mga taga-showbiz na makiramay sa kanilang pamilya?
“Yes, yes. We’re having a Mass on his 40th day. Mass yan, kami lang, family,” saad ni Janno.
“Personally ako, may balak ako na some… nung ash, ikalat sa… kasi, favorite niya ang Baguio, e.
“Gusto niyang tumira dun. Yun ang pangarap niya. Pangarap niyang tumira. ‘Gusto ko talaga, sa Baguio na lang ako. Uuwi na lang ako pag may trabaho,’ ganun.
“So, balak kong magkalat ng konti dun.”
Saan sa Baguio siya magpapakawala ng abo?
“Anywhere actually. Di ba? Dun niya gusto, e. Dun niya gustong tumira.”