Jayda Avanzado not on speaking terms with Francine Diaz

“No comment” ang sagot ng singer-actress na si Jayda Avanzado sa tanong kung niligawan ba siya noon ng Kapamilya actor na si Seth Fedelin.

Kaugnay ito sa usap-usapang dumadaan ngayon sa pagsubok ang pagkakaibigan nila ng onscreen partner ni Seth na si Francine Diaz.

Sa pagkakaalam ng publiko ay malapit na magkaibigan sina Jayda at Francine.

Sa panayam ni Jayda sa Cristy Ferminute nitong Miyerkules, April 17, 2024, naungkat ang kasalukuyan nilang relasyon ni Francine matapos ang ilang espekulasyong nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan.

Read: Darren Espanto clarifies rumored issue with Cassy; past romances with Kyline and Jayda

Nag-ugat ito sa minsang pagsasama at pagpapa-picture ni Jayda sa ex-girlfriend ni Seth at dating kaibigan ni Francine na si Andrea Brillantes nang magkasama sila sa isang event.

Pag-amin ni Jayda, totoong hindi sila nag-uusap ni Francine ngayon.

Aniya, “Para sa pagpapakatotoo po, matagal na rin pong hindi kami nag-uusap ni Francine.

“Siguro po ang huli ay noong birthday niya na binati ko siya in private.

“And magiging honest po ako na may mga nangyari po na hindi pagkakaunawaan sa aming dalawa or nagkaroon po ng disagreement.”

Naging bukas din si Jayda na pag-usapan ang tungkol sa pagsasama at pag-uusap nila ni Andrea sa isang event na diumano’y ikinagalit ni Francine.

Kuwento ni Jayda, “Well, totoo naman po na nagkasama kami ni Blythe [palayaw no Andrea] sa isang party.

“Tsaka parang nagkataon lang din po talaga kasi co-host po siya ng party na iyon at nag-picture naman po talaga kami, kasi maliit lang naman po ang mundo ng showbiz.

“Ganito na lang po, siguro in respect to the events na nangyari po, sa ngayon po hindi ko na po ie-elaborate po ang mga detalye.

“Ito na lang po ang sasabihin ko, yung picture namin ni Blythe, na I would just really say na importante sa akin na nakikisama po ako sa lahat ng tao sa industriya.

“Aaminin ko po na nagkaroon po ako ng konting backlash sa post na yon na nagsama po kami [ni Andrea sa picture].

“Pero para po sa akin, pinalaki po ako ng magulang ko po na dapat may respeto po ako sa lahat ng tao na nakikilala ko po sa industriya.

“And lalo na po sa akin, kung si Blythe man po ay nagpapakita ng maganda o okay na pagtrato o pakikitungo sa akin.”

JAYDA OPEN TO RECONCILE WITH FRANCINE

Samantala, sa hiwalay na panayam ni Jayda sa Fast Talk With Boy Abunda nitong Miyerkules, April 17, sinabi nitong bukas siya sa posibilidad na muli silang magkaayos ni Francine.

“Without elaborating so much on all the details, we were able to talk about it po and naging maayos naman po yung usapan na yun.

“Wherever life takes us… if destiny is for us to come back together as friends, I willingly welcome that,” sabi ng unica hija nina Jessa Zaragoza at Dingdong Avanzado.

Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na pahayag o reaksiyon ang kampo nina Francine at Seth ukol sa naging rebelasyon ni Jayda.