Natuwa ang multi-awarded former child actor na si Jiro Manio dahil marami sa mga kababayan natin ang nakaunawa sa desisyon niyang ipagbili kay Boss Toyo ng Pinoy Pawnstars ang best actor trophy na ipinagkaloob sa kanya ng Gawad Urian noong 2004.
Si Jiro ang nanalong Pinakamahusay na Aktor sa 27th Gawad Urian, dalawang dekada na ang nakalilipas, para sa kanyang mahusay na pagganap sa pelikulang Magnifico.
Napilitan siyang ibenta kay Boss Toyo ang tropeyo sa halagang PHP75,000 para may panggastos sila ng kanyang pamilya noong nakaraang Pasko at Bagong Taon.
“Masaya po at overwhelmed ako dahil malaking tulong po ang naibigay ng Pinoy Pawnstars, lalo na si Boss Toyo.
“Yung PHP75,000 po from Pinoy Pawnstars ay ginamit ko pong panggastos namin ng family ko noong Christmas and New Year,” lahad ni Jiro sa eksklusibong panayam sa kanya ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) ngayong Biyernes ng gabi, Enero 5, 2024.
Nagkaroon si Jiro ng ideya na ibenta kay Boss Toyo ang kanyang Gawad Urian trophy dahil napanood niya ang YouTube channel ng kontrobersiyal na content creator.
“Napanood ko po kasi ang Pinoy Pawnstars kaya ako nagka-idea na subukan na ipa-keep ang trophy ko kay Boss Toyo, para mapasama po sa museum na ipatatayo niya,” sabi ni Jiro.
Tumanggap noon ng maraming parangal si Jiro bilang child actor dahil sa galing niya sa pag-arte.
Bukod sa Gawad Urian best actor trophy na ipinagbili niya, nasa pag-iingat pa rin ni Jiro ang mga parangal na ipinagkaloob sa kanya noon ng FAMAS, Star Awards, Metro Manila Film Festival, Guillermo Box Office Awards, PASADO, at Gawad Tanglaw.
PHOTO: YES! Magazine
Isang matunog na halakhak ang pinakawalan ni Jiro nang itanong ng PEP.ph kung may plano ba siyang ibenta rin ang ibang mga acting trophy niya.
“Hahahaha! Let’s find out po kung ano ang totoo. Ang lahat ng awards ko po ay nasa akin pa,” natawang sagot niya.
Ayon kay Jiro, hindi siya nahirapan sa kanyang pasyang ipagbili ang Gawad Urian trophy niya.
Saad niya, “Hindi naman po ako nahirapan dahil as part of my belongings, ipinagkatiwala ko naman po yon kay Boss Toyo at lahat naman po ay naging sigurado.”
Kahit marami ang nagsasabing balikan niya ang kanyang acting career, desidido si Jiro na maghanap ng ibang trabaho.
“Hindi na po muna siguro sa acting. Hahanap po muna ako ng trabaho na mas magiging komportable para sa akin. Iba naman po siguro.
“As of now, I am happy with my family. Tumutulong po ako sa kanila at nakaka-recover ako from the past, and I’m still praying for my full recovery,” pahayag ni Jiro.
Hindi inililihim ni Jiro ang pagkakaroon niya ng mental health challenges kaya naligaw ang kanyang landas, pero itinutuwid na raw niya ngayon ang mga pagkakamali noon.