Joshua Garcia, Julia Barretto reunite in Un/happy For You

Makalipas ang halos tatlong taon, reunited ang dating magkasintahan at onscreen partners na sina Joshua Garcia at Julia Barretto para sa bagong pagbibidahang pelikulang pinamagatang Un/happy For You.

Live sa YouTube ng Star Cinema at VIVA Films naganap ngayong Miyerkules, April 24, 2024, ang pagsasapubliko nina Joshua at Julia ng bago nilang pagtatambalang pelikula.

Pag-amin ni Joshua, hindi siya nagdalawang-isip tanggapin ang comeback film nila ni Julia nang i-offer ito sa kanya.

Aniya: “Noong nalaman ko yung project, sabi ko, yes agad.

“Ang tagal na kasi ng agwat nung panahon noong huli kaming nagka-work.

“Before kasi, teenager pa kami nun. Ngayon, I can say na medyo nag-mature at lumaki na kami.

“Ang exciting lang na nag-kanya kanyang journey kami and ngayon magkakabalikan kami sa pelikula.”

Ganito rin ang naging rebelasyon ni Julia.

Pagtatapat niya, matagal na silang nais pagtambalin muli ni Joshua at naghihintay lang siya ng tamang pagkakataon at tamang kuwento para sa kanila.

Kuwento nito: “Actually, over the years, there were several attempts to bring us together [in a project], even during the pandemic.

“It was several times, and at some point, you know when a good material comes along and a great team, of course being reunited with Joshua is such an exciting idea.

“It almost felt like maybe it was already the right time, it’s the right material, and we’re both in a good place in our life. I’m happy na magkakatrabaho tayo ulit [Joshua].”

Si Petersen Vargas ang magsisilbing direktor ng much-awaited reunion movie ng JoshLia, na siyang tawag sa fandom nina Joshua at Julia.

Ani Direk Petersen, tagahanga siya nina Joshua at Julia noon pa man kaya isang karangalan para sa kanya ang i-direk ang Un/happy For You.

Hindi rin daw siya nahirapan palabasin ang chemistry ng dalawa dahil hanggang ngayon ay kilig na kilig pa rin siya sa tuwing magka-eksena at nagbabatuhan ng linya ang dalawa.

Katibayan lamang ito ng kanilang pagiging propesyunal sa kabila ng kanilang nakaraan at ng kasalukuyan nilang buhay.

Sabi ni Direk Petersen: “I grew up watching their films, I’m such a fan of their individual acting prowess, and together grabe yung spark when you watch them on-screen together.

“I’m excited to be part of their journey now.

“Actually, they make my job really easy because ang bilis e. It was nice to spend today and just to work on that, they make my job easy.”

Dagdag pa niya: “I am privileged enough to put my own stamp on a JoshLia film just because I have seen all their films together.

“When they offered to make a JoshLia movie, the inspiration was just overflowing.

“As their viewer over the years, I feel like this film that we are going to release is the film that I want to see the both of them to be making this year.

“Kumbaga, as an audience ito yung gusto kong papanooring Joshlia.”

WHY IS THE TITLE UN/HAPPY FOR YOU?

Ang Un/happy For You ay isang romance-drama. Ayon sa mga writer na sina Kookai Labayen at Crystal San Miguel, iikot ang istorya nito sa mag-ex na muling pagtatagpuin ng tadhana.

Paliwanag ni Crystal, “Un/happy For You is the story of two people na exes sila. So nagkasakitan, may isang nanakit, mayroon din namang nasaktan.

“It’s very real, very intense, at magsasakitan talaga sa movie na ito.”

Dagdag naman ni Kookai, “Kasi di ba sinasabi natin sa isang tao na ‘I’m happy for you,’ pero sa totoong buhay, kung hindi tayo magpapaka-mature at magpapakatotoo tayo, sometimes unhappy din naman tayo sa mga taong nanakit sa atin or sa mga taong may atraso sa atin.

“Doon nanggagaling yung title. Kaya naka-slash yung ‘un’ kasi pwede rin namang happy ka sa taong yun.”

JOSHUA AND JULIA INITIAL REACTION TO THE STORY

Matapos ipaliwanag kung saan tatakbo ang kuwento ng Un/happy For You, agad na hiningan ng host na si MJ Felipe ng reaksiyon sina Joshua at Julia.

“Noong narinig niyo na ganito yung konsepto ng pelikula, ano yung unang naging reaksiyon niyo?” tanong ni MJ sa dalawa.

Natatawang sagot ni Joshua: “Ang sabi ko, ‘Ah easy!’

“Pero, seryoso, masaya ako sa story kasi yung karakter namin…ayun na nga kumbaga hindi na kami mahihirapan.

“I mean hindi lang naman ‘to para lang sa yo [Julia], may mga nasaktan din naman ako, alam ko ikaw rin. Tayo bilang actors, feeling ko hindi tayo mahihirapan kung paano gampanan yung mga characters natin.”

Katulad ni Joshua, halos ganito rin daw ang naging reaksiyon ni Julia.

Saad ni Julia: “Well, [sabi ko rin] it looks so familiar.

“But, seriously, it’s nice, I mean I didn’t expect to be super far from probably what we had, all experiences in our lives.

“It’s a very general thing that everybody goes through. Parang it can be painful and hopefully a healing movie for a lot of people.”

Maganda namang narinig ng fans ang dalawa na nagsasabing excited sila at handa na para sa isang reunion movie. Matatandaang may panahong nakita ng publikong malamig at nag-iiwasan ang dalawa matapos ng kanilang breakup.

Sa ngayon ay wala pang inilalabas na ibang detalye kung kailan mapapanood ang bago nilang pelikula.

PREVIOUS JOSHLIA MOVIES

Unang nakilala ang tambalan nina Joshua at Julia—na kalaunan ay kinilalang JoshLia—sa pelikulang Vince, Kath, and James noong 2016.

Mabilis itong nasundan ng dalawang pelikula noong 2017, ang Love You To The Stars and Back at Unexpectedly Yours.

I Love You, Hater naman noong 2018, ang zombie movie na Black Z noong 2020, at ang kauna-unahan nilang ABS-CBN series na Ngayon at Kailanman noong 2018.

Huli silang nagkasama at nagkatrabaho sa music video ng kanta ni Moira dela Torre na “Paubaya” noong 2021.

Higit pa sa pagiging onscreen partner ang turingan noon nina Joshua at Julia dahil naging magkasintahan sila.

Hanggang noong 2019, nagdesisyon ang dalawa na maghiwalay.

Nagkaiba na rin sila ng management team. Kung dati ay pareho silang nasa Star Magic, ngayon ay nasa Viva Films na si Julia habang si Joshua ay nananatili sa Star Magic.

Sa personal na buhay, parehas nang may kasintahan sina Joshua at Julia.

Boyfriend ni Julia ang Kapamilya actor na si Gerald Anderson, habang si Joshua naman ay girlfriend ang French-Filipino athlete na si Emilienne Vigier.