Joshua Garcia names Kathryn Bernardo as his first celebrity crush

Walang pag-aalinlangang inamin ng Kapamilya actor na si Joshua Garcia kung sino ang kanyang first celebrity crush.

Ito’y walang iba kundi ang aktres na si Kathryn Bernardo.

Ang pag-amin ni Joshua ay nangyari nang sumalang siya sa Fan Questions with Cosmo noong October 26, 2023.

Tanong sa kanya, “Who is your first celebrity crush?”

Napaisip pa sandali si Joshua sabay sagot ng, “Kathryn.”

Paliwanag niya, hindi pa siya artista noon nang mapanood niya ang pelikula nina Kathryn at Daniel Padilla sa sinehan.

First time din daw niyang mag-sine noong mga panahon iyon kaya agad na napukaw ang atensiyon niya sa galing ng pag-arte ni Kathryn.

Lahad ni Joshua, “Kaya ko kasi siya naging crush, first experience ko ng sine, tanda ko pa yun, sa SM Batangas.

“First experience ko sa sine, yung pinanood ko yung palabas nila ni Daniel na Must Be Love.

“Simula noon, naging crush ko na siya.”

Ang Must Be Love ay ipinalabas noong 2013 bago pa maging housemate si Joshua sa Pinoy Big Brother (PBB) noong 2014.

Sa likod ng pag-amin ni Joshua ay nananatili silang magkaibigan ngayon ni Kathryn.

Si Joshua ay kabilang sa Nguya Squad, ang barkadahang kinabibilangan nina Daniel, Kathryn, Ria Atayde, Zanjoe Marudo, Alora Sasam, Khalil Ramos, Gabbi Garcia, Joe Vargas, Bianca Yanga, Pat Sugui, Aeriel Garcia, Josef Elizalde, at Dominic Roque.

JOSHUA GARCIA REACTS TO BEING CALLED “CRUSH NG BAYAN”

Sa Fan Questions with Cosmo, nahingan din ng reaksiyon si Joshua tungkol sa pagbansag sa kanyang “Crush ng Bayan.”

Ang Filipino-American singer na si Bella Poarch, YouTube vlogger-actress na si Ivana Alawi, at TikTok sensation-actress na si Queenay Mercado ang ilan lamang sa kilalang personalidad ang bukas sa pagsasabing humahanga sila kay Joshua.

Alden Richards and Kathryn Bernardo reunite for Hello, Love, Again

Saad niya, “Talaga ba? Nakaka-flatter naman.

“Pero siyempre, bayan naman na ang nagsabi, so why not?

“Kainin ko na lang.”

JOSHUA’S RUMORED GIRLFRIEND

Ang Filipino-French golfer na si Emilienne Vigier ang pinaghihinalaang kasintahan ngayon ni Joshua.

As early as June 2023, usap-usapan na sa social media ang ugnayan nina Joshua at Emilienne.

Natukoy ng netizens na magkasama ang dalawa nang magbakasyon sa Palawan.

Nasundan iyon ng soft launch ni Joshua ng pagluluto niya ng pagkain para kay Emilienne, base sa IG post ng aktor noong July 24.

Makailang-beses na ring nag-post si Emilienne ng bonding nila ni Joshua tulad ng pagdyi-gym nila nang magkasama at isa pang okasyon kunsaan naghayag si Emilienne ng pagmamahal para sa aktor.

Sa ulat ng PEP Troika noong September 23, sinabi ni Joshua patungkol kay Emilienne, “Hindi ko siya dine-deny.”

Ayaw lang daw niyang ipangalandakan ang relasyon nila dahil “yung relationship na yan ay kami lang naman yung parte dun, e.”

“Nagkakagulo” lang daw kapag isinasapubliko niya.

Read: Joshua Garcia on Emilienne Vigier: Joshua Garcia, walang direktang pag-amin sa relasyon nila ni Emilienne Vigier: “Hindi ko siya dini-deny.”

November 6, muling naispatang magkasama ang dalawa nang mag-post via Instagram Story si Emilienne, ipinakita niya ang kuha nila ni Joshua sa full-house concert ng Coldplay na ginanap sa Tokyo Dome sa Tokyo, Japan.

Kahapon, November 16, makikita sa parehong Instagram Story at post nina Joshua at Emilienne na magkasama silang nagbabakasyon sa Rome, Italy.