Julia Barretto-Joshua Garcia love team, magkakaroon ng “unexpected comeback”?

Lumikha ng ingay ang joint teaser ad na inilabas ng Viva Films at Star Cinema sa kanilang social media platforms ngayong Lunes ng gabi, Abril 22, 2024.

Tungkol ito sa “An Unexpected Comeback” project.

Pero maliban sa pinadilim na larawan ng mga gaganap na bida, walang ibang ibinigay na clue.

star cinema viva films project

Nakatakda sa Miyerkules, Abril 24, 2024, ang pagbubunyag ng Viva Films at Star Cinema sa katauhan ng mga artista at pamagat ng pelikula na muling magtatambal.

Hindi man nagbigay ng clue ang mga nabanggit na movie production company, marami ang humulang sina Julia Barretto at Joshua Garcia ang mystery stars sa teaser ad.

Ginamit na basehan ng mga nanghula ang inanunsiyo ng Viva Films noong Disyembre 21, 2023 na muling magsasama sa isang proyekto ang dating magka-love team at dating magkarelasyon na sina Julia at Joshua.

Nangyari ang announcement, na sinalubong ng malakas na palakpakan ng entertainment press, bago nag-umpisa ang media conference ng My Zombabe, noong Disyembre 2023.

julia barretto joshua garcia movie

Siguradung-sigurado ang netizens sa kanilang mga hula na sina Julia at Joshua ang mga artista sa nakakaintrigang teaser ad.

Pero hindi sila nakatitiyak dahil may plano ring muling pagsamahin sa isang pelikula si Julia at ang boyfriend nitong si Gerald Anderson.

Ilan sa mga pelikulang pinagbidahan nina Julia at Joshua ay ang Vince and Kath and James (2016), Love You To The Stars and Back (2017), I Love You Hater (2018), at Block Z (2020).

Samantala, ang Always Be My Maybe (2019) ang proyektong pinagtambalan nina Joshua at Gerald.

Malaking bahagi sa buhay nina Julia at Gerald ang Always Be My Maybe dahil nag-umpisa sa set nito ang kanilang pagkakamabutihan na humantong sa relasyong nananatiling matatag hanggang sa ngayon.

Diumano, may “always” din sa pamagat ng pelikulang gagawin ng real-life couple at malalaman ang mga detalye sa susunod na mga araw.

Pero hindi nangangahulugang ito ang tinutukoy ng intriguing teaser ad ng Viva Films at Star Cinema kaya makabubuting hintayin na lamang ang kanilang official announcement.