Mistulang magka-“love team” sina Jaclyn Jose at Julio Diaz na nagkasama sa mga pelikulang Takaw Tukso (1986), Flesh Avenue (1986), The Flor Contemplacion Story (1995), Pedrong Palad (2000), Serbis (2008), Ma’ Rosa (2016), Apag (2023), among others.
“At the same time, brother-sister ang relationship namin,” pahayag ni Julio sa lamay kay Jaclyn nitong Marso 5, 2024, Martes ng gabi, sa Arlington Memorial Chapels sa Araneta Avenue, Quezon City.
“Almost like para bang magkamag-anak kami, in other words.”
Pareho sila noon ng manager, si Ed Instrella, na nag-manage din kina Cherry Pie Picache, Alan Paule, at Gardo Versoza.
Ano ang memories niya kay Jaclyn?
“Ang memory ko lang naman sa kanya, masyadong magaan ba. Hindi kami yung tipong nagha-heart-to-heart talk,” saad ng 65-anyos na aktor.
“Na anything, napag-uusapan. Hindi naman ganun ang naging ano namin.
“Basta naging parang brotherly, sisterly. Hindi siya talaga pang-ano.
“Medyo cool lang. Chill lang kami.”
Hindi sila nagkagustuhan, o nagkaligawan?
“Hindi. Kasi kamukha siya ng kapatid ko rin, e!” natatawang bulalas ni Julio.
“Mestisa rin kasi ang kapatid ko. So, what I mean is, iba ang preference ko sa girls ba.”
Noong meron siyang pinagdaanan, sinuportahan din ba siya ni Jaclyn?
“Well of course siyempre, nung nagkaroon ako ng mga sakit-sakit na. Yung aneurysm, et cetera,” wika ni Julio.
“Well up to this day na akala ko nga, ako yung mauuna sa ganyang larangan ng kamatayan.
“E, kasi nga… well, at this point in time, talagang mahina ang katawan ko. Ako’y maysakit pa rin hanggang ngayon.
“Meron akong ulcer. May sakit ako sa puso. Andami-kong sakit ngayon. Kaya nga para bang… nagugulat ako, buhay pa rin ako.
“Kaya nga sabi sa akin ni Brillante [Mendoza], ‘Buhay pa rin tayo!’”
Ano ang reaksiyon niya nang mabalitaan ang pagpanaw ni Jaclyn?
“Nagulat ako nung sinabi sa akin na wala na si Jane. Kinabukasan, may taping ako ng Batang Quiapo,” lahad ni Julio. “
Three hours lang ako nakatulog tuloy dahil kasi nga, siyempre, classic ang memory ni Jaclyn.”
Pareho silang nasa FPJ’s Batang Quiapo, pero nasa magkaibang unit sila kaya hindi sila nagkikita sa set.
“Pero we text every now and then din. Tinanong ko nga sa kanya, ‘Ano bang nangyari? Mukha atang mamamatay ka na.’
“‘Hindi pa. Parang ikaw, Julio, e… ikaw ba, papatayin ka ni Coco [Martin]? Siyempre, tayo ang hindi mamamatay diyan!’ ‘Well, let’s see,’ sabi ko nga.
“E ako, feeling ako, pang-ilang ano na ako, e. Andiyan pa rin so far.”
Barkada ang turingan nina Jaclyn at Julio.
Pakiwari ni Julio, magkaiba ang atmosphere ng kanilang buhay. Nag-away ba sila o nagkatampuhan?
“Ay! Hindi kami nag-away. Solid kaming grupo kay Ed Instrella.”
Masyadong affected si Cherry Pie sa pagpanaw ni Jaclyn. Best friends daw sila.
“Well, iba ang usapang babae kasi. Di tulad namin na barka-barkada. More on barkada ang effect, e,” sabi ni Julio.
Nagkakatulungan sila kapag co-stars sila?
“Well, during our time, ang tulungan namin is yun bang… hindi tulad nung kay Jaclyn at Coco, malalim talaga,” sagot ni Julio.
“Kasi nagturingan silang parang mag-ina, e. Parang ganun, e. Malalim yung kanila, e.
“E, ako naman, hindi naman ganun kalalim ang ano ko. At saka hindi rin kasi ako madramang tao, in other words.”
Ano ang mami-miss niya kay Jaclyn?
“Well, mami-miss ko sa kanya… wala na yung kaibigan kong best of the best actress na makikilala ko,” sey ni Julio. “
Kasi sa tingin ko, siya yung pinakamagaling na artista. And then yun na nga, mami-miss ko siya dun.”
Doon sa eulogy ni Coco, naghinaing ito na nagkakasunud-sunod ang pagpanaw ng mga taga-industriya…
Napangiti si Julio, “Hindi ko masabi sa kanya, ‘Ako dapat ang nandiyan, e!’ Kasi nga, ako yung detected na may sakit sa puso until now, at merong ulcer, merong gall stone. May hernia.”
Paano niya inaalagaan ang sarili? Paano siya nag-iingat?
“Well ngayon, maingat lang ako sa pagkain. Most of the time, ang kinakain ko, mga gulay na,” sagot ni Julio.
“Saka less yung mga fats. Bagong style ng pagkain ba. At saka wala na rin yung mga bisyo.
“Wala yung sigarilyo, walang alak. And most especially, wala nang droga.”
Natatakot ba siya na any moment ay mamatay siya? May ganun siyang fear?
“Ako, parang tanggap ko. Parang tanggap ko, kaya lang, natutuwa ako sa idea na… feeling ko, parang mahal ako ni Lord, e,” saad ni Julio.
“Sabi naman ni Brillante, ‘Talagang hindi ka mamatay-matay, ano?! Iba na talaga ang masamang damo, ah?!’
“So far, OK naman ako. Kasi, tanggap ko naman na lahat tayo, darating diyan, e. At my age, isa lang ang hinihiling ko.
“Sana, paabutin pa ako ng mga 70s para makita ko man lang yung apo ko. Yun man lang.
“Wala pa akong apo. Kasi ang anak ko, 28 na, hindi pa nag-aasawa.”