Pitong araw na ang nakalilipas mula nang matuklasan noong nakaraang Linggo, Marso 3, 2024, ang walang buhay na katawan ng premyadong aktres na si Jaclyn Jose sa kanyang tahanan sa Loyola Grand Mansions, Marikina City—isang malungkot na balitang ikinabigla ng lahat.
Marso 2, 2024 nang bawian ng buhay si Jaclyn, at nitong Linggo nang hapon, Marso 10, inihatid ang kanyang cremated remains sa The Garde of the Divine Word Columbary sa E.Rodriguez Sr.Avenue, Quezon City.
Inilibing ang mga labi ni Jaclyn, isang araw matapos dumating ang kanyang bunsong anak na si Gwen Guck na nag-aaral sa Amerika.
Hinintay lamang ang pagdating ni Gwen mula sa U.S., pero nauna nang umuwi sa Pilipinas ang ibang mga kapatid ni Jaclyn na permanente nang naninirahan sa Amerika.
Dual ang citizenship ni Jaclyn na Mary Jane Guck ang tunay na pangalan dahil Amerikano ang kanyang ama.
Sa kanyang pagpanaw, tatlong pelikula pa ni Jaclyn ang hindi pa naipalalabas sa mga sinehan, ang Pieta, Poon, at Acetylene Love, na pawang mula sa direksyon ng award-winning director na si Adolf Alix, Jr.
Bago pa man binawian ng buhay si Jaclyn, may plano nang ipalabas sa mga sinehan ang Pieta sa Abril 2024, pero nagkaroon ng special screening ang pelikula noong Disyembre 2023.
May mga eksena pa si Jaclyn sa Poon at Acetylene Love na hindi pa nakukunan at ito ang gagawan ng solusyon ni Adolf.
Co-star ni Jaclyn sa Poon si Ronaldo Valdez na sumakabilang-buhay naman noong Disyembre 17, 2023.
Naging kontrobersyal ang pagpanaw ni Valdez dahil kumalat ang video nang imbestigahan ng Quezon City Police District ang kanyang pagkamatay na dahilan para matanggal sa puwesto ang tatlong pulis ng Station 11.
May mahalagang aral na natutunan sa nangyari sa imbestigasyon sa kaso ni Valdez, na nag-viral ang video na kuha noong rumesponde ang pulisya sa bahay nito.
Nang matagpuan ang bangkay ni Jaclyn, tiniyak na kanyang mga kamag-anak na walang ibang mga tao na makakapasok sa tahanan niya at ipinagbawal din nila ang mga cellphone camera na puwedeng gamitin sa pagkuha ng video at larawan.
Nakontrol din ang pagpasok ng mga tao sa village na tinitirhan ni Jaclyn.
Ibinilin agad ng mga kamag-anak niya sa gate security personnel na itawag muna sa kanila ang lahat ng mga tao na darating at magsasabing pupunta sila sa tahanan ng aktres.
Ito ay para mapangalagaan ang privacy ng aktres sa huling pagkakataong nakita ang kanyang katawan bago ito ipina-cremate noong Lunes, Marso 4, 2024 sa Arlington Memorial Chapels, Araneta Avenue, Quezon City.
Editor’s Note: Ipinaalam ni Jojo Gabinete ng Cabinet Files ang paggamit ng mga litrato sa may-ari nito na si Melissa Mendez.