Kathryn Bernardo’s sister sparks intrigue for “We know what you did last summer” cryptic post

Kaye Bernardo (leftmost), older sister of Kathryn Bernardo (second from the left), posts on Instagram and Facebook a cryptic message after Kathryn unfollowed ex-boyfriend Daniel Padilla (not in photo) and three female celebrities on Instagram. PHOTO/S: INSTAGRAM

Usap-usapan ngayon sa social media ang makahulugang post sa Instagram at Facebook ng nakatatandang kapatid ni Kathryn Bernardo na si Kaye Bernardo nitong Biyernes, January 12, 2024.

Ang cryptic post ni Kaye ay ibinahagi ni Kaye matapos i-unfollow ni Kathryn sa Instagram ang ex-boyfriend nitong si Daniel Padilla noong Huwebes, January 11, o mahigit isang buwan matapos isapubliko ng KathNiel na hiwalay na sila noong November 30, 2023.

Bukod kay Daniel, napabalita ring in-unfollow ni Kathryn ang mga kapwa niya aktres na sina Liza Soberano, Julia Barretto, at Gillian Vicencio.

Laman ng nakakaintrigang post ni Kaye ang isang litrato ng maskara na may nakasulat na, “WE KNOW WHAT YOU DID LAST SUMMER.”

Nilapatan pa niya ito ng kantang “Say My Name” ng American girl band na Destiny’s Chilld.

Lalo pang umigting ang espekulasyon ng netizens nang mabasa ang makahulugang caption ni Kaye na naglalaman ng mga taong nakalipas:

“(2017, 2018, 2019, 2021, 2023) – [claps, trophy, and masks emojis] and the very first one that I know (2014). [eyes emoji]”

Kapansin-pansin din sa Instagram post na ito ni Kaye ay nag-iwan ng komento ang dalawa sa matalik na kaibigan ni Kathryn — sina Trina Guytingco at Arisse De Santos.

Cursing face emojis ang komento ni Trina, abang si Arisse naman ay emojis ng dalawang taong magkayakap.

Kathryn Bernardo's sister cryptic post

Hindi malinaw kung sino ang pinatutungkulan ni Kaye sa kanyang post, ngunit marami sa netizens ang naghihinalang para kay Daniel ang cryptic post niyang ito.

Ayon pa sa ilang netizens, marahil ang mga taon na nakasulat sa caption ni Kaye ay listahan ng mga taon kung saan nagtaksil si Daniel kay Kathryn.

Base naman sa impormasyong nakarating sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph), may malalim na dahilan ang pag-unfollow ni Kathryn kay Daniel, pati na kina Liza, Julia, at Gillian, sa Instagram.

Samantala, hindi ito ang unang beses na magpakawala ng makahulugang post si Kaye sa social media matapos makipaghiwalay ng kanyang kapatid kay Daniel.

Noong December 1, 2023, unang nag-post si Kaye tungkol naman sa “karma.”