Kaye Abad opens up about past relationships with Chito Miranda, John Lloyd Cruz

Sa guesting ni Kaye Abad sa Fast Talk With Boy Abunda ng GMA-7 nitong Biyernes ng hapon, April 12, 2024, napag-usapan ang mga nakarelasyon niyang showbiz personalities.

Kabilang dito ang Parokya ni Edgar lead singer na si Chito Miranda at ang award-winning actor na si John Lloyd Cruz.

Maligaya na ngayon si Kaye sa piling ni Paul Jake Castillo, ang kapwa artista na pinili niyang pakasalan at makapiling habambuhay.

Ayon sa aktres, mahinahon ang pakikipaghiwalay niya noon kay Chito at hanggang ngayon, magkaibigan pa rin sila.

Kasal na si Chito sa dating aktres na si Neri Naig.

Chito Miranda and Kaye Abad

Lahad ni Kaye, “We’re still friends. We broke up na magkaibigan kami.

“He even invited me sa wedding niya. Invited din siya sa wedding ko.

“Ayan, parang sinabi ko na ako nga yung nakipag-break, di ba?

“Sa amin kasi ni Chito, parang nagkaintindihan kami na, ‘It’s better this way.’ Na, it’s better na maging friends na lang kami and na-maintain namin na friends kami.”

Dagdag niya, “Kinuha pa siya ni Paul Jake sa Cebu for a gig and we watched his gig.”

BREAKUP WITH JOHN LLOYD

Inamin naman ni Kaye na hindi naging madali sa kanyang makapag-move on nang maghiwalay sila ni John Lloyd Cruz dahil magkatrabaho at love team sila noon sa Tabing-Ilog, ang defunct youth-oriented series ng ABS-CBN.

“Ngayon ko lang din nare-recall. Nag-Tabing-Ilog, hiwalay na kami, so nahirapan ako dahil nagtatago na kami.

“Ayaw na ng parents ko. Nagtatago kami sa yaya ko kasi kapag wala nang take, makikisingit ako sa dressing room nila para magkasama kami.

“Nahihirapan akong mag-move on kasi magkatrabaho kami, magka-love team kami. Umabot sa point na mag-asawa kami sa Tabing-Ilog.

“Tapos nagka-girlfriend siya after ko. Hindi na niya ako pinapansin kasi nagseselos yung girlfriend sa akin so nahihirapan ako,” pagbabahagi ni Kaye.

john lloyd cruz kaye abad

John Lloyd Cruz and Kaye Abad

Hindi binanggit ni Kaye ang pangalan ng karelasyon noon ni John Lloyd, pero nagbigay siya ng clue na anak ito ng pulitiko, kaya malakas ang dudang si Ciara Sotto ang kanyang tinutukoy.

Sabi pa ni Kaye, “Naiintindihan ko yung girl, kasi love team, so hindi maiiwasan na may kissing [scene]. Naiintindihan ko yung side ng girl.”

ON PATRICK AND PAOLO

Co-stars ni Kaye sina John Lloyd, Patrick Garcia, at Paolo Contis sa Tabing-Ilog.

Ipinagtapat ni Kaye na malaki ang pagkakagusto niya noon kay Patrick, samantalang nagsabi sa kanya si Paolo na liligawan siya nito.

“Crush ko si Patrick when I was starting. Mabait talaga si Lord sa akin, ibinibigay Niya talaga yung mga gusto ko.

“So, niligawan ako ni Patrick. Tapos hindi naman natuloy.

“Dapat interbyuhin niyo si Patrick kung bakit [hindi natuloy]!” natatawang kuwento ni Kaye.

Dagdag niya, “Ang naaalaala kong super crush ko, si Patrick talaga. Di ba, crush yan ng bayan before?

“Mestiso, mysterious. Hindi yan basta namamansin. Supladito yan, e. Crush na crush ko siya noon.”

Pagpapatuloy ni Kaye, “Si Paolo, ang naaalaala ko, tinanong niya ako kung puwede siyang manligaw, but I said no because we’re friends.

“This is after John Lloyd and while we were doing Tabing-Ilog. Nagtanong siya, ‘Kaye, puwede ba kitang ligawan?’

“Sabi ko, ‘Paolo, magkaibigan tayo.’

“Pero crush ko si Paolo before. Mabait talaga si Lord pero medyo nale-late lang Siya ng bigay.

“Crush ko siya [Paolo] during Ang TV. Ang niligawan niya si Carol Banawa.

“Sabi ni Carol, ‘Kaye, nililigawan ako ni Paolo.’ Sabi ko, ‘Okay lang yon,’ e, kasi best friend ko si Carol.

“Tapos, nung time na magkaibigan na kami, very close na kami ni Paolo, dun niya gustong manligaw.

“Sabi ko, ‘Paolo, magkaibigan tayo. Wala na akong malisya. So, paano?’”

Binanggit ni Kaye na noong 2021, inalok siyang gumawa ng pelikula na si Paolo ang kapareha.

Hindi niya ito tinanggap dahil buntis siya noon sa pangalawang anak nila ni Paul Jake.

“We were supposed to do a film before, but I was pregnant with my second child. So I said hindi pa ako puwedeng mag-shoot.

“I think that’s the film with Yen Santos. Muntik akong maging dahilan na sana hindi sila nagkatuluyan. Loko lang!” nagbibirong sabi ni Kaye.

Ang A Faraway Land, na pinagbidahan nina Paolo at Yen, ang proyektong tinutukoy ni Kaye.

Kinunan ang mga eksena ng A Faraway Land sa Faroe Islands na isang autonomous territory ng Kingdom of Denmark. Dito nagsimula ang relasyon nina Paolo at Yen.

Magkakasama naman ngayon sina Kaye, Patrick, at Paolo sa pelikulang A Journey, na nagsimulang mag-streaming sa Netflix ngayong April 12.