Nakikisimpatiya si Kier Legaspi sa pangungulila ni Dennis Padilla sa kanyang mga anak.
Ang sabi ni Kier, halos pareho ang pinagdaanan nila ni Dennis.
Hindi man tinukoy ni Dennis kung ano ang pagkakahawig nila ni Dennis, mahihinuhang may kinalaman ito sa dati nilang nakarelasyong si Marjorie Barretto.
Unang nagkarelasyon sina Kier at Marjorie. Nagkaroon sila ng anak — si Dani Barretto.
Sumunod na nakarelasyon at naging asawa ni Marjorie si Dennis. Mayroon silang tatlong anak — sina Julia, Claudia, at Leon.
Pareho sina Kier at Dennis na walang komunikasyon sa kani-kanilang mga anak.
KIER SYMPATHIZES WITH DENNIS
Kuwento ni Kier sa Updated with Nelson Canlas nitong December 5, 2023, minsan ay nakipag-ugnayan sa kanya ang anak na si Dani pero hindi na raw ito nasundan pa.
Pero malaki raw ang pagpapasalamat niya kay Dennis na itinuring na parang tunay na anak noon si Dani.
Sabi ni Kier ukol kay Dennis, “Inalagaan at minahal niya si Aynrand [Dani] na parang sarili niyang anak, and I appreciate that.
“So, kay Dennis, basta lakasan mo lang yung loob mo, gawin mo kung anong tingin mong tama, at wag makikinig sa sinasabi ng ibang tao.
“Pag alam mong tama, pare, bro, gawin mo kung makakabuti sa iyo… if it will give you peace in your mind in your soul.”
Malinaw na ang tinutukoy rito ni Zoren ay ang hinagpis ni Dennis na hindi nakikipag-ugnayan sa kanya ang mga anak niya kay Marjorie.
Inusisa si Kier kung ano ang reaksiyon niya sa pinagdadaanan ni Dennis na ayaw makipag-usap sa kanya ng mga anak.
Sabi ni Kier, “Nag-iisip ako. Parang iniisip ko, ‘Bakit may ganyan? Bakit may mga ganyang pangyayari sa buhay?’
“Yun ang nararamdaman ko because nakikita ko mahal naman ni Dennis yung mga anak niya, and then bakit may ganyan? Bakit may issue?
“And I feel sorry for Dennis, e. Naawa ako, e.
“Kasi sa lahat ng ayoko, pag nakikita ko yung isang tao na meron magandang kalooban pero hindi nabibigay sa kanya ang gusto niyang mangyari.”
Halatang nakaka-relate si Kier dito dahil hindi rin nakikipag-usap sa kanya ang anak na si Dani.
Wala naman daw silang komunikasyon ni Dennis, subalit sa tingin ni Kier ay makaka-relate sila sa isa’t isa.
“Kung one day magkakausap kami, I’m sure magiging magandang usapan iyon.
“Kasi, I think, isa ako sa mga taong talagang makaka-relate sa pinagdadaanan niya. Halos may hawig, e.
“Ako, naiintindihan ko si Dennis. Nagsu-support ako diyan kay Dennis.
“Nakita kong mabuti siyang ama, e. Nakikita ko yan, mabuti siyang tao.”