Kier Legaspi talks about old cryptic post, daughter Dani, friendship with Gretchen Barretto

Kier Legaspi still awaiting for daughter Dani Barreto's communication

Bibihira lang magpa-interview nang mahaba-haba ang aktor na si Kier Legaspi dahil pinahahalagahan nito ang kanyang pribadong buhay.

Pero sa Updated With Nelson Canlas podcast nitong nakaraang December 5, 2023, pumayag at sinagot nito ang mga katanungang bibihira lamang niyang binibigyang-linaw.

Ilan na nga rito ay ang anak niyang si Dani Barretto o Aynrand Danielle Barretto, at ang kanilang pagkakaibigan ni Gretchen Barretto.

Si Dani ay anak ni Kier sa dating karelasyon na si Marjorie Barretto, kapatid ni Gretchen.

ON DAUGHTER DANI BARRETO

Masalimuot ang relasyon nila ni Dani, pero siniguro ni Kier na bukas ang pinto niya sakaling maisipan ng anak na buksan ang komunikasyon sa pagitan nila.

Matagal na raw na hindi sila nag-usap.

Saad ni Kier, “Matagal na kami hindi nakakapag-usap.

“But in fairness to her, once tumawag siya, nangangamusta, ang sinabi nga niya sa akin, parang gusto niyang makilala.

“Kumbaga, magkakilala yung anak niya, magkita lahat, maayos lahat.”

Pero hindi natuloy ang kanilang pagkikita.

Noong October 2022, binati at nakipagdiwang si Dani sa kaarawan ng kanyang paternal grandmother na si Hershey Legaspi.

Pero wala si Kier sa nasabing okasyon.

Ano ang masasabi ni Kier dito?

Tugon niya, “I don’t know, pero actually parang ano na, e.

“Parang nasabi ko na lahat kasi about Aynrand, kung ano yung relationship namin.

“But I wanna take this time na lang, Nelson, pasalamatan yung mga taong nagmahal sa kanya, tumulong sa kanya, nakaintindi sa akin, yun na lang siguro.

“So, nabanggit ko na rin sa mga interviews na si Dennis [Padilla], yan gusto kong pasalamatan yan dahil inalagaan niya at minahala si Aynrand, parang sarili niyang anak.

“And I appreciate that.

“So, kay Dennis, basta lakasan lang yung loob mo, gawin mo kung ano yung tingin mong tama at wag kang makikinig sa sinasabi ng ibang tao.

“Pag alam mong tama, pare, bro, gawin mo yan, makakabuti sa yo yan.

“It will give you peace in your mind, in your soul.”

Si Dennis Padilla ay dating asawa ni Marjorie. Mayroon silang tatlong anak — sina Julia, Claudia, at Leon — na hindi rin maayos ang relasyon sa kanilang ama na si Dennis.

What if tumawag si Dani at gusto siyang makasama ngayong Pasko o para ipakita ang apong si Millie, ano ang masasabi niya?

Ani Kier, “Aba, siyempre, walang problema sa akin yun.

“Naghihintay lang ako. Open yung line.

“Katulad ng sinabi ko, e, na nandito lang naman ako, especially, sa ngayon.

“Yun naman ang ano, e, katulad ng sinabi ko, open yung line.

“Wala akong sinarado, kahit ano, nandito lang ako.

“Nandito lang naman ako.

“Kasi naghabol ako, simula nung bata yan, hanggang tumanda na yan. Nagkaroon ng anak, ako naghabol.

“Pero katulad ng sinabi ko, paano kami magkikita?

“Pag yung… paano kami magkikita kung yung hinahabol mo, tumatakbo naman, at napapalayo?

“Yung hinahanap mo, tago naman nang tago, di ba?

“So, sabi ko, ‘Okay. Bukas yung linya ko. I’m just here. Alam mo yung number ko. Meron social media.’

“Lalo na ngayon may social media, di ba? So, madali naman akong ma-communicate, to reach out.

“I’m just here, di ba?

“Magulang ako, mamahalin ko ang anak ko.

“Ganun lang kasi yun. Kahit anong mangyari.

“Kahit anong mangyari.”

THE CRYPTIC POST

Naungkat din ni Nelson ang isang cryptic post ni Kier matapos magpa-interview ni Dani sa vlog ni Dra. Vicki Belo noong July 15, 2021, kung saan saglit na napag-usapan si Kier.

Sinabi ni Dani kay Dra. Belo na halos pitong taon na silang hindi nagkikita nang personal ni Kier.

Saad ni Dani, “I didn’t even have his number. I had to ask for his number sa lola ko, his mom. I called him and we spoke.”

May plano rin daw si Dani na makipagkita sa ama pero nauudlot ito dahil sa pandemya.

Aniya, “We kept trying to plan to see each other but because of COVID hindi kami matuluy-tuloy.”

Kahit may tampuhan sila, naramdaman daw ni Dani noong nakaraang taon na gusto na niyang makitang muli ang ama.

Sabi niya, “I spoke to him last year. I called him.

“I was very emotional. I knew he was just there. I wanted my daughter to know him.

“I don’t want my daughter to grow up na what if she asks me about my dad, wala ako masagot because I don’t know what’s happening in his life.”

Para sa ilang nakapanood at nakabasa ng kanyang panayam, hindi naging maganda ang dating nito. Pinaratangan nila si Dani na sinisiraan ang sariling ama.

Sa Instagram post ni Kier noong July 19, 2021, ito ang sinabi niya: “Magpainterview kaya ako para yung side ko naman ang marinig.

“I’m trying to take all the punches and lies but let’s see how you would feel if I tell my side of the story.

“Game?”

Sino ba ang pinatatamaan ni Kier noon?

Hindi tuwirang inamin ni Kier kung sino ang kanyang pinatatamaan sa post.

Aniya, “First, I was triggered by lies. I was triggered by lies.

“Kaya ako nagsalita. Kasi may mga panahon na pag pinabayaan mo ang isang issue, yung tama nagiging mali na, e.

“Binibigyan na ng tao ng ibang interpretation.

“So, isa yan sa pinakaayoko, isa yan sa ayoko na ang tama gagawin niyong mali. Ayaw na ayaw ko yan.

“So, nagsalita ako dahil nga sabi ko, ‘Hindi, kailangan kong magsalita. Matu-twist na, e. Mababaluktot yung tama.’

“Which I don’t like. Which I don’t like. May mga bagay na…

“I’m a happy-go-lucky guy, pero meron akong mga boundaries.

“Meron akong mga bagay na… Oo, may boundary ako.

“May mga bagay sa buhay ko na… Hindi. Mga prinsipyo, yan. Yan ang hindi ko binibiro.

“Pinasa-Diyos ko na lahat talaga. I’m moving on. I just want peace.

“I just want peace. Maging masaya.

“Huwag magpa-stress sa kahit anong problema.

“Those are my ano… Yan yung mga binabantayan ko sa buhay.

“Basta yan, kailangan… pag may problema, kayang bigyan ng solution yan.

“Pero don’t be ano… magpa-stress sa kung ano man.”

ON FRIENDSHIP WITH GRETCHEN

Saglit ding napag-usapan si Gretchen, na naging malapit kay Kier noong sila pa ni Marjorie. Pero matagal na raw silang hindi nagkakausap.

Kuwento ni Kier, “Matagal nang hindi.

“Pero pag nagkakausap kami ni Gretchen, kahit matagal na kami hindi nagkita, hindi nag-usap, pero once mag-usap kami, parang kailan lang nag-usap kami, yung ganun.

“Parang talagang swak kami niyan, e, ni Gretchen.

“She’s a lovely person. Mabait si Gretchen.”

Malaki ang pasasalamat ni Kier kay Gretchen dahil ipinagtanggol siya nito noong kasagsagan ng isyu sa kanila ni Dani. Kaya naman itinuturing niya itong tagapagtanggol.

Sabi ni Kier, “Kay Gretchen naman, like I said, si Gretchen, maarte yan, you know.

“So, Gretchen, I love you and always take care of yourself.

“Sobrang believe ako diyan, isa yan sa nagtanggol sa akin.

“And I was surprised talaga.”