Kim Chiu on failed relationships: “Wala akong pinagsisihan.”

Kim Chiu on finding love again this 2024: “Kasi ang love naman, marami ang kayang magbigay ng love, and willing naman akong tumanggap. Kasali sa buhay yun, i-embrace nating lahat.” PHOTO/S: @CHINITAPRINCESS INSTAGRAM

Sa kabila ng mga kabiguang pinagdaanan dahil sa pagkabigo sa pakikipagrelasyon, positibo pa rin ang pananaw ni Kim Chiu sa pag-ibig.

Inihayag niyang hindi siya nagsasarado ng pinto na magmahal muli at pumasok sa panibagong relasyon.

Sabi ng 33-year-old Kapamilya actress: “Oo naman. Hindi man sa ngayon muna, pero maybe in the next months to come, years.

“Kasi ang love naman, marami ang kayang magbigay ng love, and willing naman akong tumanggap. Kasali sa buhay yun, i-embrace nating lahat.

“Never stop loving kasi love naman comes in all forms—friendship, love with your work, everything. Basta never stop loving.”

Nauwi sa breakup ang labindalawang taong relasyon nila ni Xian Lim bago nagtapos ang 2023. Si Xian ang second boyfriend niya.

Ang first boyfriend niyang si Gerald Anderson ay apat na taon niyang nakarelasyon, at nauwi ito sa hiwalayan noong mid-2010.

Wala naman daw siyang pinagsisihan pagdating sa pakikipagrelasyon kahit pa nasaktan siya rito.

Sa tanong kung nalinlang na ba siya sa pag-ibig, sagot ni Kim, “Lahat naman tayo naloko sa pag-ibig, kasi wala, e, nagmahal ka, e.

“Siyempre masu-shoot ka talaga sa mundo ng kalokohan because that’s part of life, that’s part of growth.

“Embrace the pain and learn something from that experience and you’re good to go.

“Lahat naman ng experience about love, about life, wala akong pinagsisihan. That’s part of life and I’m thankful.”

Sinabi ito ni Kim sa presscon proper ng Linlang na ginanap sa Dolphy Theater ng ABS-CBN nung January 15, 2024.

Sa kabilang banda, inuugnay si Kim sa Linlang leading man na si Paulo Avelino, dahil nagkahulugan umano ng loob ang dalawa nang magkatrabaho sa serye.

Tikom ang bibig nina Paulo at Kim sa isyu, at hindi rin sila direktang natanong tungkol dito noong presscon.

ON HER DARING ROLE IN LINLANG

Nagsimulang umere ang Linlang sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5 noong January 22, pero nauna na itong umere at natapos sa Prime Video noong huling bahagi ng 2024.

Tinangkilik nang husto ang serye dahil sa intense na kuwento at mapangahas na roles doon nina Kim, Paulo Avelino, JM de Guzman, at Kaila Estrada.

Umikot ang istorya sa pagtuhog ni Juliana (Kim) sa magkapatid na Victor (Paulo) at Alex (JM).

Ayon kay Kim, noong una ay nagdalawang-isip siyang tanggapin ang role bilang Juliana sa Linlang.

“Mahabang proseso, mahabang pag-oo, kasi sobrang takot talaga ako sa role na ganito. Never kong in-imagine na gagawa ako ng ganito ka-mature, offbeat, malayo sa sarili ko.

“Pero umabot din sa desisyon na kailan pa ako makakagawa ng ganitong klaseng role, ng ganitong klaseng kuwento with a stellar cast na ngayon ko lang makakatrabaho.

“As in si JM lang ang nakatrabaho ko before, silang lahat ngayon ko lang naka-work lang talaga.

“Saka ang Dreamscape, alam ko naman na aalagaan nila ako, mataas ang tiwala ko sa kanila. I think it’s part of my career growth as an actor.”

K-DRAMA VIBES FOR 2024

Mahusay na nagampanan ni Kim ang role niya bilang Juliana.

Handa ba siyang gumawa ulit ng mapangahas na roles sa susunod niyang proyekto?

“Bakit hindi? Tayo naman as actors, kung ano yung role na puwede pa tayong mag-grow, puwede mo pang gulatin ang mga tao, willing naman akong gawin.

“Kung saan ka mas di kumportable, mas dun ka naggo-grow. I think naikot ko na yung buong rom-com scene, kung mayroon man, bakit hindi?

“Daring? Depende siya kung gaano ka-daring muna.”

Ang nakalinyang proyekto ni Kim ngayong 2024 ay ang remake ng Kapamilya Channel ng hit Korean rom-com series na What’s Wrong With Secretary Kim?

Makakatambal niya muli si Paulo rito.