Kim Chiu on reunion with Kris Aquino: “Nai.yak ako, talaga! As in, sobra.”

Kim Chiu and Kris Aquino
Kim Chiu’s update on Kris Aquino’s health: “Ate, is doing well na ngayon. Not super, [but] better na. Nagkalaman na siya, oo. Pero marami pa ring treatment siya na haharapin. Masaya ako na nakita ko siya, nayakap ko, at nakausap ko siya.”
Hindi nagdamot si Kim Chiu, 33, na magkuwento tungkol sa pagbisita at pagkikita nila ni Kris Aquino, 52, sa California, U.S.A.

Kuwento niya, “Sobra po akong nasiyahan. Una, nahiya talaga akong puntahan siya kasi baka nagki-chemo siya. And then, kailangan ng test. Bawal puntahan.

“Ayaw kong kulitin siya. Kasi kapag tinext ko siya na pupunta ako, gagawa sjya ng paraan.”

Ang naging daan para magkita ang dalawa ay si Batangas Vice-Governor Mark Leviste, ang boyfriend ni Kris.

Patuloy ni Kim, “Kaya kinumusta ko na muna kay Sir Mark. And then, si Sir Mark yung gumawa ng paraan na, ‘Pumunta ka. Okay siya. Yung check-up namin sa hapon pa.’

“So, naging smooth yung pagkikita namin. May kuwarto na ako doon sa bahay nila. Hahaha!”

Hindi masyadong nagtagal ang pagkikita ng dalawa kaya plano ni Kim na bisitahing muli si Kris sa Amerika.

“Oo, hopefully, next year. Kasi matagal-tagal pa si Ate doon. Marami pa siyang mga treatment na gagawin.

“And then, hopefully, tuluy-tuloy lang yung pagiging healthy niya.”

Inamin naman ni Kim ang kanyang narandaman sa pagkikita nila ni Kris.

Pagbabahagi niya, “Naiyak ako, talaga! As in, sobra. Pero ayaw ni Ate na maiyak ka.

“Parang sa tagal naming di pagkikita, ang dami naming napagkuwentuhan.

“Inabot na kami ng oras na kailangan na niyang umalis dahil magpapa-checkup na siya.”

Kumusta ang health condition ni Kris?

Sagot ni Kim, “Ate, is doing well na ngayon. Not super, [but] better na. Nagkalaman na siya, oo. Pero marami pa ring treatment siya na haharapin.

“Masaya ako na nakita ko siya, nayakap ko, at nakausap ko siya.”

Dagdag ni Kim, tila matagal pa bago makauwi ng Pilipinas si Kris dahil “medyo mahirap pa ang sitwasyon niya.”

Natuwa naman si Kim dahil ngayon ay nag-reconnect sila ni Kris.

Aniya, “And then ngayon, mas nalinawan na kami na doon pala sa isa niyang number ako magti-text. Kaya pala hindi siya masyadong nagre-reply. ”

“Panganay na anak” ang turing ni Kris kay Kim.

Ikinukuwento ba niya kay Kris ang lahat ng nangyayari sa buhay niya lalo na ang kanyang love life?

“Oo naman,” diin ni Kim. “Alam niya lahat-lahat.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kim pagkatapos ng thanksgiving presscon ng Linlang, na ginanap noong October 31, 2023.

ON HER LOVE LIFE

Pagdating sa usapang love life, idinaan ni Kim sa “pagpapa-sweet” ang pagsagot sa nababalitang hiwalayan nila ng boyfriend niyang si Xian Lim.

Pansin kasi ng netizens, hindi sila magkasama sa mga trips abroad lately.

“Kayo talaga,” all smiles na sambit ni Kim.

Dagdag niya “Baka nali-linlang lang kayo. Okey naman kami ni Xi.”

Maaaring nabibigyan lang daw ng ibang interpretasyon ang di madalas na pagsasama nina Kim at Xian in public.

“Oo, mapanlilang ang showbiz,” depensa pa ni Kim.

Pagkatapos, nagparamdam na si Kim ng pag-iwas na pag-usapan si Xian at current status ng relasyon nila.