Kristine Hermosa open to working again with Jericho Rosales

Kristine Hermosa (left) on possibility of working with ex-boyfriend Jericho Rosales (right) again: “I think, well, depende talaga. Depende sa project, depende sa mga eksena, basta depende. I need to see everything muna. I-filter ko muna lahat.”

PHOTO/S: KRISTINE HERMOSA/JERICHO ROSALES INSTAGRAM

Bukas si Kristine Hermosa sa posibilidad na muling makatrabaho ang dati niyang onscreen partner at ex-boyfriend na si Jericho Rosales.

Ito ang pahayag ni Kristine nang makapanayam siya ng ilang piling entertainment press sa mismong studio ng Eat Bulaga! sa TV5, matapos niyang dumalo sa birthday celebration ni Vic Sotto, ang ama ng asawa niyang si Oyo Sotto, noong April 20, 2024.

Nahingan ng reaksiyon si Kristine sa backstage ukol sa naging panayam ni Jericho sa Cosmopolitan Philippines noong March 1, kunsaan sinabi nitong nais niyang muling makatrabaho ang aktres sa pamamagitan ng paggawa ng movie adaptation ng 2000 hit drama nilang Pangako Sa ‘Yo.

Para kay Jericho, maituturing na isang “unfinished business” ang bersiyon ng dating prime-time soap opera nila ni Kristine na umere sa ABS-CBN mula November 13, 2000 hanggang September 20, 2002.

Aniya, “I’ve always said it, I want to work with Kristine because I feel like [it’s] some sort of unfinished business when it comes to our run.

“It was the 25th anniversary [of Pangako Sa’yo] just recently and I told my manager—because Kristine and I had the same manager before, I was like, ‘Hey, how is she? Do you think she’s going to be open to working with me?'”

Ayon kay Kristine, wala namang problema sa kanya kung muli silang pagtagpuin ni Jericho para muling gumawa ng isang proyekto.

Sagot ng aktres sa tanong kung pumapayag ba siya sa posibilidad na muling makatrabaho ang dating nobyo: “Oo naman. I think, well, depende talaga.

“Depende sa project, depende sa mga eksena, basta depende.

“I need to see everything muna. I-filter ko muna lahat.

“Kumbaga, kung worth it naman, gagawin namin. Hindi yung masabi lang na may ginawa together.”

Sundot na tanong ng entertainment press, “Pero okay lang ba kay Oyo?”

Mabilis na sagot ni Kristine, “Wala namang problema sa kanya.”

Alam din daw ni Kristine na hindi siya pagbabawalan ni Oyo, lalo na’t kung gusto niya at kumportable siya itong gawin.

Saad ng aktres: “Very professional naman kami. Kung gusto ko, susuporta naman niya. Okay naman siya. The thing is, ako talaga, dapat choice ko talaga.

“Ayoko kasing gumagawa ng kung ano-ano lang. Kumbaga, kung gagawa ako [ulit ng] something, it’s worth it naman. Worth my time and effort ko.

“Kasi, di ba, iiwanan ko yung mga anak ko? Yung ganun.

“Basta yung magandang project, yung may katuturan.”

Bukod sa Pangako Sa Yo, may ilan pang proyektong pinagsamahan sina Jericho at Kristine, dahilan para mabuo ang tambalan nilang EchoTin.

Kabilang na rito ang mga teleseryeng Ang Munting Paraiso (1999), Sana’y Wala Nang Wakas (2003), at Dahil May Isang Ikaw (2009); at mga pelikula gaya ng Forevermore (2002) at Ngayong Nandito Ka (2003).

Taong 2000 nang maging magkasintahan sila hanggang sa magkahiwalay sila noong 2004.

Ngayon ay kasal na si Kristine sa aktor na si Oyo.

Mayroon silang anim na anak—sina Kristian Daniel, 15; Ondrea Bliss, 12; Kaleb Hanns, 9; Marvic Valentin, 7; Vittorio Isaac, 2; at ang kasalukuyang ipinagbubuntis ni Kristine.

Habang si Jericho naman ay hiwalay na sa estranged wife niyang si Kim Jones at kasalukuyang nali-link sa Kapamilya actress na si Kathryn Bernardo.