Kylie Padilla reacts after netizen dragged her into KathNiel breakup: “I respect the people involved.”

Kylie Padilla with Kathryn Bernardo and Daniel Padilla

Nagbigay ng reaksiyon si Kylie Padilla dahil sa pagdadawit sa kanyang pangalan kasunod ng breakup ng pinsan niyang si Daniel Padilla at ni Kathryn Bernardo.

Si Kylie, na Kapuso artist, ay pinsang buo ni Daniel na isang Kapamilya.

Magkapatid ang ama ni Kylie na si Robin Padilla at ama ni Daniel na si Rommel Padilla.

Nitong November 30, 2023, Huwebes, naglabas ng official statement sina Kathryn at Daniel para kumpirmahin ang matagal nang usap-usapan ukol sa kanilang breakup.

Pinag-uusapan hanggang ngayon ang breakup ng pinakamalaking showbiz couple sa kasalukuyan.

KYLIE REACTS

Kasunod ng breakup ng KathNiel matapos ang 11 years na relasyon, ilang pangalan ang lumutang na may kinalaman umano sa hiwalayan ng dalawa.

Nariyan ang pagsulpot ng mga pangalan na umano’y naging third party, bagamat wala pang basehan.

Nadawit na rin sa isyu ang iba pang artista tulad ng mga kaibigan o kakampi kina Kathryn at Daniel.

Hindi rin nakapagtimpi si Kylie nang banggitin ang kanyang pangalan.

Ngayong Biyernes, December 1, nag-post ang isang netizen: “Nadadamay tuloy si @kylienicolep dahil sa kagag*han nung pinsan niya. I will never hesitate to defend her.”

Hindi ipinaliwanag ng netizen ang kanyang punto, pero mahihinuhang may kaugnayan ito sa batikos sa pinsan ni Kylie na inaakusahan ng infidelity na naging mitsa umano ng paghihiwalay nila ni Kathryn.

Sagot ni Kylie sa post ng netizen: “OMG the world we live in!!! Protect your mental health ok? Don’t get into anything that might disturb your peace.”

Kylie Padilla comment

Malinaw na nais iparating ni Kylie na huwag magpaapekto sa mga nangyayari lalo kung hindi naman kailangan.

Dagdag pa ni Kylie, natutukso siyang mag-react sa post ng netizen na idinawit ang kanyang pangalan sa isyu ng kanyang pinsan, pero mas gusto niyang irespeto ang pinagdadaanan nina Daniel at Kathryn.

Saad ni Kylie, “I so badly want to respond to this sarcastically but I respect the people involved.

“Let’s not forget that they are human too and need to process their pain.

“If we could try to respect that without adding fuel to the fire would be much healthier for them. Class can’t be bought.”

Kylie Padilla comment

Usapan kasi ngayon na isa sa mga rason ng breakup ng KathNiel ay dahil sa diumano’y pagkaka-link ni Daniel kay Andrea Brillantes.

Ngayon ay sumulpot din ang pangalan ni Gillian Vicencio, bagamat ipinagtatanggol siya ng kanyang mga kaibigan at sinabing wala itong katotohanan.

Sumusulpot na rin ang pangalan ng mga showbiz friends nina Daniel at Kathryn kaugnay ng pinag-uusapang breakup ng dalawa.