In-unfollow na rin sa Instagram ni Kyline Alcantara ang ex-boyfriend niyang si Mavy Legaspi at magulang nitong sina Carmina Villarroel at Zoren Legaspi.
Nitong Martes, May 21, 2024, napansin ng ilang mapagmasid na netizens na hindi na lumalabas sa following list ni Kyline sina Mavy, Carmina, at Zoren.
Ngunit kung titingnan naman ang following list nina Mavy, Carmina, at Zoren sa Instagram ay naka-follow pa rin sila kay Kyline.
Ibig sabihin, wala na sa pamilyang Legaspi ang pina-follow ngayon ni Kyline sa Instagram.
Bago kasi ang pag-unfollow niya kina Mavy, Carmina, at Zoren, nauna nang nag-unfollow-han si Kyline at ang kambal na kapatid ni Mavy na si Cassy Legaspi
KYLINE AND MAVY PAST RELATIONSHIP
Bukas sa publikong sabihin nina Kyline at Mavy na nagsimula silang matalik na magkaibigan hanggang sa maging opisyal silang maging magkasintahan.
Ngunit noong November 2023, nabalot ng kontrobersiya ang kanilang relasyon nang mapabalitang sila ay naghiwalay na.
Hanggang ngayon ay nananatiling tikom ang bibig ng dalawa sa dahilan ng kanilang hiwalayan.
KYLINE-CARMINA’S CRYPTIC POST
Nagsimulang mapansin ng netizens ang breakup ng dalawa nang tila magpatutsadahan online si Kyline at ang ina ni Mavy na si Carmina.
Bagay na hindi nagustuhan ng ilang netizens, partikular ng mga tagahanga ni Kyline na tinawag na “mama’s boy” si Mavy.
Sa panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) kay Mavy noong April 12, 2024, ipinagtanggol nito ang ina sa kaliwa’t kanang batikos na matapos nitong madawit sa hiwalayan nila ni Kyline.
Ayon sa TV host-actor, nanahimik siya noon dahil, para sa kanya, hindi na ito kailangang pag-usapan pa dahil alam niyang lalaki lang ang isyu.
Saad ni Mavy, “I mean, kung hindi naman kailangan, it’s not needed kasi.
“Kaya ayun, it’s not just I decided to stay quiet. It’s just there’s nothing to talk about.
“Kaya, you just don’t feed anything. You don’t feed any information na hindi naman kailangan.
“Basta kami, peaceful kami, and behind closed doors we have great relationships with a lot of people. Kaya, okay lang.”
ALLEGED THIRD PARTY
Nadawit din ang ang co-host ni Mavy sa defunct noontime show na Tahanang Pinakamasaya (dating Eat Bulaga!) na si Dasuri Choi sa hiwalayan nila ni Kyline.
Si Dasuri ang itinuturong third party umano sa relasyon noon nina Mavy at Kyline.
Nag-ugat ang espekulasyong ito nang kumalat sa TikTok noong November 2023 ang video nina Mavy at Dasuri na magkasamang dumalo sa soft opening ng restaurant na pagmamay-ari ng isa sa executive producer ng Kapuso noontime show na Tahanang Pinakamasaya.
Sa video na kuha noon ng netizen, makikitang papasok sa isang restaurant sina Dasuri at Mavy, kasama ang co-hosts nilang sina Cassy Legaspi at Michael Sager.
Sa isa pang anggulo ng video, makikita namang magkatabi sina Mavy at Dasuri, gayong nasa kabilang silya naman sina Cassy at Michael.
Nabahiran ito ng malisya dahil noong mga pahanong ito ay nahaharap sa intriga ang relasyon nina Mavy at Kyline.
Hanggang noong February 24, 2024, sa pamamagitan ng vlog sa YouTube, mariing pinabulaanan ni Dasuri na may relasyon sila ni Mavy at siya ang sumira sa relasyon ng dalawa.
KYLINE AND KOBE PARAS SPARK DATING RUMORS
Sa kasalukuyan, ang basketball player na si Kobe Paras ang nali-link kay Kyline.
Ito’y matapos mapansin ng mapanuring netizens ang pagkakahawig ng larawang ipinost nila sa kani-kanilang Instagram account.
Dahil dito, nagkaroon ng espekulasyong magkasama sila at may espesyal na relasyong namamagitan sa dalawa.
Nitong Linggo, May 19, 2024, nag-post si Kyline sa Instagram ng mga larawang kuha niya, kabilang na rito ang larawan ng mga chef sa loob sa isang kilalang restaurant sa Makati City.
Pati na ang tila inorder iyang desserts.
Tanging smiling face with hearts emoji ang inilagay na caption ni Kyline.
Ang interior ng restaurant na ito ay nahahawig sa Instagram Stories na ipinost ni Kobe noong araw ring iyon.
Makikita rito ang picture ng nakatayong chefs sa kitchen area habang may dalawang wine glass at bulaklak sa lamesa.
Walang kahit na anong caption na inilagay si Kobe.
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang reaksiyong ang pamilyang Legaspi tungkol sa biglaang pag-unfollow sa kanila ni Kyline.