Leandro Baldemor recalls first shoot with Rosanna Roces

“Pinaglaruan” ni Rosanna Roces si Leandro Baldemor sa photo shoot ng Seiko movie nilang Patikim Ng Pinya (1996).

Isiniwalat ito ni Leandro nang makatsikahan namin siya nitong Mayo 3, 2024, Biyernes nang umaga sa kanyang tahanan sa Paete, Laguna.

“Kung makikita mo yung unang pictorial namin, parang gulat ako!” natatawang bulalas ni Leandro.

“Nakaganun ako, naka-brief ako. Paano naman itong si Osang… E di nasa ibabaw sa akin si Osang. Kinaskas naman nang kinaskas! Tarantado talaga yan,” napapailing na pagbabalik-tanaw ng dating sexy actor. Osang ang palayaw ni Rosanna.

Pagpapatuloy ni Leandro, “Hindi ko sinabing inintensyon niya. Kasi hindi ko alam kung ano ba yung tama.

“Kasi hindi ko alam kung talagang lumapat or whatever. Basta’t ang naramdaman ko, iba! Siyempre first time. Aba, p*t@ng ina!”

Pagpapatuloy ni Leandro, “Yung 18 years old ako noon, siyempre mapusok pa ako. Saka hindi ko alam…

“E ano pa naman, hindi ko makakalimutan yung panty ni Osang dun, yung lace. Kaya mababaliw ka talaga kay Osang!”

Nabaliw siya noon kay Osang?

“Lahat naman! Lahat naman, oo, lahat. Sobra, sobra,” sagot ni Leandro.

May nangyari ba sa kanila?

“Wala, wala. Wala, hindi ko natikman ang pinya! Ha-ha-ha-ha-ha-ha-ha!” mabilis na tugon ni Leandro sabay halakhak.

ROSANNA AS OLDER SISTER AND BEING ABBY’S FIRST

Naging good friends ba sila ni Osang?

“Para niya akong kapatid na bata,” sambit ni Leandro.

Mas naging kaibigan din niya si Abby Viduya, na katambal niya sa launching film nito bilang Priscilla Almeda sa Sariwa (1996).

“Parehas din lang naman. Kaso si Osang, andun yung pagka-ate, e,” pagmamatwid ni Leandro. “Na ganito, ganito. Guide, guide, guide. Guide ka, kasi batang-bata pa ako noon.

“So, kaya nga nung natapos ang kontrata niya sa Seiko, kinuha niya kaagad ako.”

Exclusive contract star noon at itinuturing na reyna ng Seiko Films ni Robbie Tan si Rosanna. Nang matapos ang kontrata nila pareho sa Seiko, malaya silang nakagawa sa iba’t ibang produksyon.

“Dun sa Christopher de Leon movie niya, Katawan. Kinuha niya agad ako, Viva. Hindi niya ako nalilimutan talaga,” pagbabalik-tanaw pa ni Leando nang kunin siya ni Osang sa 1999 movie nito sa Viva Films.

“Kaya sabi ko everytime na nai-interview ako, malaki ang utang na loob ko kay Osang, kay Abby.

“Lalo kay Abby, malaki ang utang na loob ko. Kasi yung Sariwa, si Abby ang pumili na ako ang magiging leading man niya. On the spot.

“Kaya sinabi ni Boss Robbie, ‘O, Priscilla, ha? Si Jeff ba, ayos ba sa yo?’” Jeff ang palayaw ni Leandro dahil Jeffrie Baldemor ang tunay niyang pangalan.

“‘Opo, gusto ko po siyang maging leading man sa aking launching movie, Sariwa,’” sagot daw ni Abby.

Nag-reunion ang tandem nila ni Abby sa Kapuso primetime series na Lolong (Hulyo-Setyembre 2022) na pinagbidahan ni Ruru Madrid.

“Yun, sa Lolong, medyo may edad na kami. Ha-ha-ha-ha!” pagtawa muli ni Leandro. “Malaki na ang pagbabago namin sa isa’t isa. Siyempre matured na.”

Na-immortalize ni Leandro ang tandem nila ni Osang sa isang artwork na inukit niya sa kahoy at naka-display sa kanyang tahanan.

Leandro Baldemor with the wooden carving of him and Rosanna Roces.

REGRETTING LIFESTYLE THEN

Malalakas noon sa takilya ang bold movies ni Leandro na produced ng Seiko Films. Nakaipon ba siya noon?

Napabuntong-hininga si Leandro, “Ahhmm yung suweldo, yung suweldo… kasi maliit lang naman ang suweldo noon, nag-start ako ng P40,000 per film.

“Sa akin, malaki na. Binata, wala naman akong obligasyon. Ngayon, naging waldas lang ako sa pera.

“Kasi siyempre, bili ng kotse. Bili ng damit, bili ng ganito, ganito, ganyan. So walang investment na nangyari nung ako ay kabataan.

“Gawa ng… wala, e. Wala naman akong iisipin sa buhay. Kasi, pakain ako ng nanay ko, pakain ako ng tatay ko. Paaral ako ng tatay ko.

“Sabi nga ng nanay ko, tatay ko, ‘Huwag na hindi ka makakatapos. Kahit pa ilang taon kang makaano, gusto namin, bigyan mo kami ng titulo mo para tapos ka. Kasi ikaw pa naman ang panganay, gusto naming makatapos ka kahit nag-aartista ka na.’

“Sabi ko, ‘Sige po.’ ‘Kasi ang pag-aartista, hindi habang buhay.’”

May mga limitasyon si Leandro sa pinirmahang kontrata sa Seiko Films. Wala dapat frontal nudity. Sa pictorial, walang pubic hair.

Sakaling mag-Vivamax siya ngayon, hindi pa rin daw magpo-frontal si Leandro. Hindi naman siya nauubusan ng acting job.

Nakasama siya sa mga pelikulang Abe Nida (2023) at sa ipalalabas pa lang na Paquil. Nakapag-guest din siya sa Black Rider. Tuluy-tuloy pa rin ang pag-uukit niya. Paminsan-minsan ay napapasama sa art exhibits ang mga obra niya.