Liz Alindongan recounts turning down FPJ when he courted her

Binalikan ng dating aktres na si Liz Alindogan ang magandang working relationship at friendship niya sa namayapang The King of Philippine movies na si Fernando Poe Jr.

Si FPJ o tinatawag ding Da King.

Si Liz ay naging leading lady ni FPJ sa tatlong pelikula—Ang Panday (1980), Ang Agila at ang Falcon (1980), at Sierra Madre (1981).

Inamin din ni Liz na niligawan umano siya noon ni FPJ, subalit tinanggihan raw ito ng aktres.

Kuwento ni Liz, mismong si FPJ ang humanap sa kanya para maging leading lady sa Ang Panday.

Nagsisimula pa lamang daw noon si Liz sa showbiz at kakatapos pa lang maging isa sa mga bida sa Dolphy’s Angels (1980), na kauna-unahan niyang break sa showbiz.

Pinuntahan daw siya ni FPJ sa Mandaluyong para sabihang gagawin siyang leading lady ng action star.

Nakikitira noon sa kanyang kapatid si Liz, na isang probinsyanang galing Sorsogon.

Sa pag-alala ni Liz tungkol sa sinabi sa kanya ni Da King: “Ikaw ang napili ko na maging leading lady ko sa Panday,’ tapos dala na yung magsusukat ng damit ko.”

Sabi pa raw ni FPJ noon sa budding actress: “Bagay sa iyo yung role na iyon. Ikaw ang napili ko.”

Inilahad ito ni Liz kay Julius Babao sa YouTube interview na in-upload nitong March 27, 2024.

FPJ ACTED AS LIZ’S MANAGER

Pagpapatuloy ni Liz, tumayong manager niya noon si FPJ bagamat hindi opisyal.

Tiniyak daw noon ng action star na malaki ang makukuhang talent fee ni Liz sa mga pelikulang ginagawa niya.

“Naranasan ko iyon kay FPJ,” sabi ni Liz. “He really treated me well. I was so, so, so happy. Meron akong FPJ na, kasi tumayo siya na manager ko… na hindi naman talaga official manager. Pero siya yung nakikipag-usap…

“Kaya mataas ang value, which is dati, tumatanggap ako PHP300,000-PHP400,000 per movie because of him.”

Sabi rin ni Liz, ang talent fee niya bago makatrabaho si FPJ ay nasa PHP50,000 lamang kada pelikula.

Nung naging leading lady siya sa Ang Panday, ang talent fee ni Liz ay naging PHP200,000.

Si Liz ay 17 years old noon.

“Eto pa. Ang kinukuwestiyon ko kay FPJ, kasi si FPJ, that time PHP2 million [per movie], ba’t ako PHP200,000 lang?

“Ni hindi ko alam superstar kasi siya. Natutuwa siya sa akin. I was really so naïve, na ‘Bakit ikaw? Pareho tayong napupuyat, nagsu-shooting, kumakain. Bakit ikaw PHP2 M, ba’t ako PHP200,000?”

Ang Panday

LESSONS FROM FPJ

Sa pakikipagtrabaho kay FPJ, nasaksihan daw ni Liz kung bakit mataas ang tingin kay Da King.

“Si FPJ is very concerned sa mga maliit na tao,” kuwento ni Liz.

“Aside from that, yung script, paulit-ulit niyang binabasa iyon. Talagang yung doon sa craft niya, hindi puwede sa kanyang, ‘Okay na iyan, puwede na iyan.’

“Talagang very systematic, very… inii-scrutinize maigi kung anong mapupulot dito, anong makukuha nitong result, dahil mahilig siyang ipakita sa mga bata, di ba?

“May moral lesson always, may moral lesson ang ginagawa niyang pelikula.

“So, nakikita ko sa kanya, very dignified.

“Eto yung sinasabi nila. They keep on telling me na, ‘You’re so lucky kasi ang nakasama mo is King.’

“Eto sinasabi pala nila. Kaya pala siya natawag na King of Philippine Movies.”

Ayon pa sa dating aktres, si Da King ay “generous” at matulungin.

ON BEING COURTED BY FPJ

Inusisa si Liz kung nahulog ba ang loob niya noon kay FPJ.

Saglit na natigilan si Liz bago siya sumagot.

“Hindi,” sagot niya. “Hindi ako na-in love. In a different way ang pag-in love ko sa kanya.”

Paliwanag ni Liz, alam niya kung saan dapat siya lumugar noon.

“Because ako yung tao na kahit bata yung kilos, alam ko na he’s married. Alam ko na mahal niya si Susan Roces, at nireresepeto ko yung aspect na iyon…

“Na kahit bata pa ako, ganoon ang pananaw ko, na hindi ako puwedeng pumunta sa ganoong relationship, kasi mahal ako ni Susan Roces.”

Kay FPJ daw mismo naririnig ni Liz na may malasakit si Susan sa kanya.

“Nire-recommend niya ako, e. Kinukuwento sa akin iyon ni FPJ, na, ‘Ano bang nakita sa iyo ni Manang Inday [palayaw ni Susan] mo, bakit ikaw parati ang sinusulat dito pag nag-uusap kami about movies? Isama mo diyan si Liz Alindogan.’”

Pagpapatuloy ni Liz, “Pumasok na sa puso ko iyon—na kahit na puwede siyang mahalin, kahit na matagal niya akong pinupuntahan sa bahay, nililigawan niya ako, talagang gusto niya ako.

“Pero kaya ko talagang ikontrol ang sarili ko na hindi ako puwedeng makasakit ng tao, na lalo na nagki-care sa akin, si Susan Roces, hindi ko kayang ganunin…”

Naging tapat daw si Liz kay FPJ tungkol dito.

“Sinabi ko…‘May asawa ka, si Manang Inday, paano iyon? Ayokong mag-cross doon sa line na iyon. Madami namang artista or magugustahan ako na ano.’

“’Tapos niyakap niya ako. ‘Tapos hanggang sa sinabi niya, ‘From now on, you are someone that I used to love.’”

Sa puntong iyon, hindi man nauwi sa relasyon ang pagtingin nila sa isa’t isa, nanatili ang respeto.

Sa maraming pagkakataon daw ay tumatawag pa rin si Liz kay FPJ para isangguni ang mga film projects niya.

Makalipas daw ang maraming taon, isang araw ay tumawag sa kanya si Susan.

“Nung si Manang Inday nagka-edad na siya and all, siya mismo ang tumawag sa akin na, ‘Liz, sumama ka dito sa grupo namin na balik samahan.’ Sabi ko, ‘Talaga, Manang Inday?’”

Um-oo raw si Susan at sinabing alam niya ang ginawa ni Liz noon para sa kanilang mag-asawa.

Inusisa si Liz paano nakarating iyon kay Susan.

Maaari raw ibinahagi ito ni FPJ.

“Siguro, baka marami siyang alam. Baka nagtatanung-tanong siya, ‘May involvement ba si Liz diyan?’ Wala. Wala,” giit ni Liz.

Ibinida rin ni Liz na bukod kay FPJ, marami pa siyang nakatambal na action stars— tulad nina Rudy Fernandez, Lito Lapid, Bong Revilla, Ace Vergel, Bembol Roco, Dante Varona, at Jess Lapid Jr., na naging ama ng dalawa niyang anak.

Ang pagsasama nila ni Jess ay nauwi sa hiwalayan. Siya raw mismo ang umalis.

Kalaunan ay nakapangasawa siya ng isang businessman, si Benny Kho, at nagkaroon sila ng apat na anak.