Loisa Andalio on forgiving Ronnie Alonte for cheating: “Inamin niya yung pagkakamali niya.”

Aminado ang Kapamilya actress na si Loisa Andalio na hindi siya nahirapang patawarin at bigyan ng second chance ang kasintahang si Ronnie Alonte nang pagtaksilan siya nito noon.

Ito’y dahil umamin daw ito sa kanya at nangakong magbabago at hindi na muling matutukso sa ibang babae.

“Yung point na inamin niya yung pagkakamali niya, ayun yung malaking bagay. Kasi marami akong kilala sa past relationships ko na huling-huli mo na, hindi pa umaamin.

“So, mas mahirap patawarin yung mga huling-huli mo na, todo-deny pa.

Loisa Andalio on forgiving Ronnie Alonte for cheating

“Pero siya, aminado siya, at hindi na niya uulitin, e, di okay tayo,” saad ni Loisa sa panayam niya sa Push Bets Live.

Pinili raw ni Loisa magpatawad dahil sa sobrang pagmamahal niya kay Ronnie.

Ang pagmamahal din daw na ito ang naging daan para mapagtagumpayan nila ang pagsubok sa kanilang relasyon.

Aniya, “Para sa akin, choice talaga yun, e.

“Kasi wala rin naman talagang perfect na tao. Kahit ako, hindi rin naman ako perfect.

“Sige, sabihin na nating magkakaroon din ako ng [bagong] relationship, for sure hindi rin naman magiging perfect yun, e.

“Kaya nga sabi nila, di ba, ‘I’d rather have bad times with you than good times with someone else.’

“Parang okay na yung may pinagdadaanan kayong ganyan, ang importante malalagpasan niyo yun.

“Yun dapat yung goal. Hindi yung maghihiwalay kayo nang dahil lang dun.

“Kasi kung sa maliit na bagay nga, naghiwalay kayo, paano pa yung malalaking bagay na dadating pa sa inyo?”

Pinatunayan din daw ni Ronnie na karapat-dapat siyang bigyan ng pangalawang pagkakataon kaya mabilis itong pinatawad ni Loisa.

Diin ng Pira-Pirasong Paraiso star, “Sa totoo lang, hindi lang talaga mahirap magpatawad.

“Talagang tao din kasi yung mga nagpapakumplika ng mga ganyan.

“Kasi [yung forgiveness], para sa atin din naman yun, e.

“Kapag pinatawad natin yung tao, magkakaroon tayo ng peace sa sarili natin. And in fairness naman sa kanya, deserving naman siya.”

RONNIE ADMITS CHEATING ON LOISA

February 2023 nang aminin ni Ronnie sa publiko na totoo ang lumabas noong isyung nag-cheat siya sa unang taon ng relasyon nila ni Loisa

Giit ni Ronnie, problematic ang relasyon nila noong mga panahon iyon kaya nagawa niyang mangaliwa.

Gayunpaman, pinagsisihan daw niya ang kanyang nagawa.

Balik-tanaw ni Ronnie, “Sa akin, nung nangyari yun, sobrang sakit pala nung feeling na ganun.

“So, parang mga halos isang linggo, dalawang linggo, nawala ako talaga. As in lumabas ako, tropa, friends, para maalis sa utak ko yung nangyari.

“Pero, na-realize ko din sa dulo na baka karma lang din to.

“Ang dami-dami niyang nahuli sa akin.

“Nahuli niya ako. So, naramdaman ko yung feeling kung gaano kasakit yung ganung pakiramdam.”